MARAMI ang natuwa sa balitang tumaas ang indeks ng Philippine Stock Exchange (PSE) sa antas na 6,474.60 na punto noong Febrero 17, 2026. Ang kanilang katuwaan ay nakabatay sa paniniwalang papalapit na ang muling pagsigla ng ekonomiya ng Pilipinas. Ang balitang ito ay nagbibigay pag-asa sa pag-ahong muli ng ekonomiya ng Pilipinas mula sa mabagal na paglaking naranasan nito noong nakaraang taon.
Sa artikulong ito ay susuriin ko kung may batayan ba ang katuwaan at pag-asa ng maraming mamamayan at negosyante ng ating bansa sa balitang ito.
Ang PSE indeks ay panukat ng pagbabago ng mga presyo at dami ng stock na ipinagbibili ng mga nangungunang kompanyang nakatala sa Philippine Stock Exchange. Ang PSE indeks ay espesipikong sinusukat ng Kasalukuyang Kabuoang Free Float Market Capitalization na hinati ng Batayang Kabuoang Free Float Market Capitalization at ang nasukat na ratio ay pinararami ng Batayang Halaga ng Indeks.
Dahil ang PSE indeks ay nakabatay sa Free Float Market Capitalization kumakatawan lamang ito sa mga stock na ipinagbibili sa publiko at hindi isinasama ang mga stock na pag-aari ng mga kompanyang nag-isyu ng stock. Nakabatay ito sa 30 nangungunang kompanya na nakatala sa Philippine Stock Exchange.
Batay sa formula, kung ang indeks ay tumaas ng 6,474.60 nagpapahiwatig na ang presyo at dami ng mga stock ng mga piling 30 kompanya ay tumataas ng mahigit sa 6 na beses noong Febrero 17, 2026 kung ihahambing sa batayang kabuoang free float market capitalization at batayang indeks. Kung ang kombinasyon ng presyo at dami ay tumataas ng mahigit na 6 na beses maraming local at dayuhang mamumuhunan ang maeenganyong mamili ng mga stock dahil sumisigla ang kalakalan sa Philippine Stock Exchange.
Dapat nating alamin kung bakit sumisigla ang kalakalan ng mga stock na ipinagbibili sa PSE at kung ang pagsigla nito ay nauuwi sa pagsulong ng ating ekonomiya. Ang pangunahing dahilan ng pagsigla ng PSE indeks ay ang pagtaas ng tubo ng mga nangungunang kompanyang nag-isyu ng stock na nagpapataas ng demand sa mga stock. Ang tubo ay tumataas dahil tumataas ang benta ng mga kompanya bunga ng pagtaas ng demand sa produktong kanilang ipinagbibili. Samantala, ang pagtaas ng demand sa mga yamang pananalapi kasama ang mga stock ay ang pagtaas ng kita ng mga mamamayan bunga ng mabilis na paglaki ng Gross Domestic Product (GDP).
Ganoon pa man mahirap pa ring ipakita na ang pagtaas ng PSE indeks bunga ng tumataas na tubo ng mga 30 piling malalaking kompanya na nakatala sa PSE ang dahilan ng pagsigla ng ekonomiya ng Pilipinas. Kahit maipakikita natin na ang ang lahat ng negosyo sa bansa ay nakararanas ng pagtaas ng tubo hindi ang pagtaas ng PSE indeks ang dahilan nito. Bagkus, tulad ng nabanggit sa naunang paliwanag ang masiglang ekonomiya ang sanhi ng pagtaas ng PSE indeks.
Isa pang alternatibong dahilan sa pagsigla ng PSE ay ang naglilipatang pondo mula sa bilihan ng mga bond at bilihan ng salapi na nakararanas ng pagbaba ng balik. Kadalasan ang paglilipatan ng pondo ay bunga ng mahigpit na patakarang pananalapi na nagpapabagal sa pagdami ng suplay ng salapi. Ang layunin ng mahigpit na patakarang pananalapi ay mapatatag ang ekonomiya at hindi upang mapasigla ito. Samakatuwid, ang mababang balik sa ibang bilihan ng mga yamang pananalapi na naglilipatan sa mga stock ay nauuwi sa pagtaas ng PSE indeks. Ganoon pa man ang pagtaas ng PSE indeks ay mahirap ding maging sanhi ng sumisiglang ekonomiya.
Isa pang alternatibong dahilan sa pagsigla ng PSE ay ang pagpasok ng malaking halaga ng padalang salapi mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFW). Sa aking palagay, ang malaking padalang salapi ay nagpapahiwatig na pagtamlay at hindi ang pagsigla ng ekonomiya. Kung matamlay ang lagay ng ating ekonomiya marami sa ating mga kababayang OFW ang nagpapadala ng malaking halaga upang makaahon ang kanilang pamilya. Kadalasan, ginagamit ang pondong ito sa pagkonsumo at hindi sa pamumuhunan o paglalagak sa bilihan ng mga yamang pananalapi. Mahirap pa rin ipaliwanag na ang sanhi ng paglago ng ekonomiya ay ang masiglang PSE indeks bunga ng mga padalang salapi.
Sa itaas ay sinuri ko ang mga posibleng dahilan sa pagtaas ng PSE indeks at inugnay ko ito sa paglago ng ating ekonomiya. Naipakita nating maaaring magsabayan ang pagtaas ng PSE indeks at ang paglago ng ekonomiya. Ngunit ang lumalabas sa ating pagsusuri ay ang paglago ng ekonomiya ay may tuwirang kaugnayan sa pagsigla ng PSE indeks. Ibig sabihin ang paglago ng ekonomiya ay hindi nakabatay sa pagsigla ng PSE indeks.
Marahil ang tuwa ng mga tao sa pagtaas ng PSE indeks ay ang pag-asang papasok na ang pagsigla ng ekonomiya at nabibigyan ng maraming pondo ang mga mamamayan na maglagak ng salapi sa bilihan ng stock. Samakatuwid, ang pagtaas ng PSE indeks ay palatandaan na umaahon na ang ekonomiya at hindi ang sanhi ng paglago ng ekonomiya.

