SUMALANG na sa plenaryo ng Senado ang isang panukalang batas na gawing automatic na kwalipikado sa Tertiary Education Subsidy (TES) ang mga high school graduates mula sa mga pamilyang bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), isang hakbang na ayon kay Senador Win Gatchalian ay magpapalawak ng suporta para sa mga pinakanangangailangang mag-aaral.
Nakasaad ang naturang panukala sa Senate Bill No. 1894 na layong amyendahan ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o ang batas para sa libreng kolehiyo.
Maliban sa awtomatikong kwalipikasyon sa TES para mga high school graduates mula 4Ps, isinusulong din ng panukalang batas ang monitoring at quality assurance para sa pagpapatupad ng programa. Ito ay upang matiyak na matatanggap ng mga kwalipikadong mga benepisyaryo ang mga TES grants.
Naaayon ang panukalang batas sa special provision na iminungkahi ni Gatchalian para sa national budget ng 2024 at 2025, kung saan tinutukan ang pagbaba ng porsyento ng mga TES beneficiaries mula sa mga nangangailangang pamilya. Naging bahagi ng 2024 at 2025 national budget ang panukala ni Gatchalian upang matiyak na ang mga mag-aaral mula sa mga pamilyang nasa ilalim ng 4Ps ay mabibigyang prayoridad talaga bilang mga benepisyaryo ng TES.
“Habang pinatitibay natin ang libreng kolehiyo, titiyakin nating prayoridad ang mga tunay na nangangailangang estudyante bilang mga benepisyaryo ng TES. Dapat masigurong tuloy-tuloy ang edukasyon nila,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance.



