28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

NWPC, pinagtibay ang wage order sa Davao Region para sa manggagawa sa pribadong sektor at mga kasambahay

- Advertisement -
- Advertisement -

PINAGTIBAY ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Pebrero 23, 2026, ang Wage Order No. RB XI-24 at Wage Order No. RB XI-DW-04 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-XI (RTWPB-XI).

Sa ilalim ng Wage Order No. RB XI-24, magkakaroon ng karagdagang P20 sa arawang minimum na sahod sa agriculture sector at P30 sa non-agriculture sector, na ibibigay sa dalawang pagkakahati- ang unang bahagi ay sa bisa ng Wage Order, at ang ikalawang bahagi ay sa Setyembre 1, 2026. Matapos ang implementasyon ng dalawang bahagi, tataas ang minimum na sahod sa rehiyon mula P505 ng P525 para sa agriculture sector, at mula P510 magiging P540 para sa non-agriculture sector, na katumbas ng P13,693.75 at P14,085 kada buwan. Ito ay direktang pakikinabangan ng tinatayang 66,772 na manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod.

Samantala, ang mga kasambahay sa Davao Region ay makakatanggap din ng buwanang dagdag sa sahod na P500 para sa mga nasa Chartered Cities at First-Class Municipalities, at P1,500 sa mga nasa Other Municipalities. Dahil dito, magiging P6,500 ang buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay sa buong rehiyon, na pakikinabangan ng 64,111 domestic workers sa parehong live-in at live-out arrangement.

Magsisimulang magkabisa ang mga Wage Order sa 13 Marso 2026, labinlimang araw matapos itong maipalathala noong 25 Pebrero 2026.

Sa pagpapatibay ng kautusang ito, tiniyak ng NWPC na sumunod ang RTWPB-XI sa mga pamantayan sa pagtukoy ng karagdagan sa minimum na sahod sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 6727 (Wage Rationalization Act) at RA No. 10361 (Batas Kasambahay), na kinabibilangan ng pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya, ang kakayahang magbayad ng employer o industriya, at ang mga pangangailangan para sa pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad ng rehiyon. Binibigyang-diin ng hakbang na ito ang patuloy na pangako ng Administrasyong Marcos para sa napapanahon at regular na pagsusuri ng minimum na sahod sa rehiyon upang matiyak ang katarungan para sa lahat at palakasin ang ugnayan sa pagitan ng produktibidad at sahod.

Bukod sa pagtatakda ng minimum na sahod, aktibo ring nagbibigay ang NWPC at RTWPB-XI ng tulong-teknikal sa mga negosyo upang maayos ang wage distortion — o ang pagliit ng agwat sa sahod ng iba’t ibang antas ng trabaho — sa pamamagitan ng NWPC Advisory No. 01, Series of 2023. Inaasahang makikinabang dito ang humigit-kumulang 402,968 full-time workers na kumikita ng mahigit sa minimum na sahod sa rehiyon.

Upang matiyak na nararamdaman ang mandatong ito sa lokal na antas, nagsasagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) at RTWPB-XI ng malawakang kampanya para sa impormasyon at mahigpit na pagbabantay sa mga establisyimento sa pamamagitan ng inspeksyon sa paggawa.

Maaaring maghain ng aplikasyon para sa exemption mula sa dagdag na sahod hanggang 11 Mayo 2026 ang mga retail at service establishment na hindi hihigit sa sampu (10) regular na manggagawa at mga negosyong naapektuhan ng natural na kalamidad o sakuna. Bukod dito, ang mga Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) na may balidong Certificate of Authority mula sa Department of Trade and Industry ay hindi sakop ng minimum wage sa ilalim ng Republic Act No. 9178.

Para sa mga katanungan tungkol sa bagong wage order o tulong-teknikal sa pag-sasaayos ng wage distortion, maaaring makipag-ugnayan sa RTWPB-XI sa email address na: [email protected].

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -