NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipino na kasalukuyang nasa Gitnang Silangan sa kanyang opisyal na Facebook page ngayong Marso 2, 2026.
Nagkaroon ng palitan ng strike ang United States, Israel at Iran, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo, Marso 1.
Naglunsad ang US at Israel ng “preemptive strike” sa Iran, na nagbigay ng hudyat sa Iran na magsagawa ng mgat missile attack sa Qatar, sa United Arab Emirates (UAE), Bahrain at Kuwait, kung saan naroon ang mga US military base.
Narito ang pahayag ng Ikalawang Pangulo:
“Mga kababayan, Assalamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuh!
“Dahil sa kamakailang paglala ng tensyon at labanan sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan, hinihikayat ang lahat ng Filipino na kasalukuyang naninirahan o naglalakbay sa rehiyong ito na manigurado sa pag-iingat at pagsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang inyong kaligtasan.
“Iwasan ang mga lugar na may nagaganap na operasyong militar o malaking pagtitipon ng publiko.
“Mahigpit na subaybayan ang mga opisyal na abiso at paalala mula sa mga lokal na awtoridad ng bansang inyong kinaroroonan at ng kanilang Ministry of Foreign Affairs.
“Maging mapagmatyag sa mga balita mula sa mapagkakatiwalaang organisasyon ng media.
“Panatilihin ang regular na komunikasyon sa inyong pamilya, mga mahal sa buhay, at mga pinagkakatiwalaang kaibigan tungkol sa inyong kinaroroonan at kalagayan.
“Paniguraduhin na hawak ninyo ang emergency numbers ng ating Department of Foreign Affairs at lokal na awtoridad ng inyong bansa.
“Siguraduhing valid at hawak ang inyong mga dokumento at pasaporte. Kung lalo pang lumala ang sitwasyon sa seguridad, maging handa na baguhin ang inyong mga plano anumang oras kung kinakailangan. Gayundin kung kinakailangan ay lumapit sa ating mga embassy upang mabigyan ng tamang payo sa pinakaligtas na paraan sa pag-uwi ng Pilipinas.
“Sa panahong ito ng walang katiyakan, ang inyong kaligtasan ang pinakamahalaga. Nawa’y patnubayan at ingatan kayong lahat ng Maykapal, at ipagdasal natin ang kapayapaan, pagkakaisa, at kaligtasan ng lahat ng tao sa Middle East.”



