28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Duterte, salaan ng prinsipyo at ganansya

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

WALA tayong alam sa eksaktong halaga ng legal fee ni Counsel Nicholas Kaufman sa paghawak sa kaso ni Dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC),  subalit sa salita ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque, aabot sa milyones na dolyar. 

Hindi na pagtatalunan pa, sa lahat ng larangang saklaw ng kaso ni Duterte sa ICC, gumaganana ang pera ng dating presidente.  Saan kumukuha si Duterte ng ganung kalaking halaga?  E, ang sahod ng presidente ay umabot lamang sa tinatayang P4.4 million isang taon. Pambayad lang kay Kaufman kulang pa ito.  

Maliban kung merong daluyan ng pondo ang isang presidente maliban sa buwanang sahod.  

Ano ito?  Sa Isang pagdinig sa Kongreso, isang kapuna-punang deklarasyon ang narinig ng balana mula sa bibig ni Sara Discaya, ang naparatangang may kagagawan sa malaking bahagi ng mga maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sabi ng ginang, nagsimulang lumago ang kanilang construction company hanggang sa tinatayang kasalukuyang halaga nito na P42 bilyon noong 2016. Iyun ang taon ng pagsisimula ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte. Sa mga mahilig mag-one plus one, alam na kung ano ang ibig sabihin ng tinuran ng ginang. 

Sa katunayan, ang pahayag ni Ginang Discaya ay halatang yumanig sa kalamnan ni  Senador Ronald Bato de la Rosa, ang nagtanong. Kitang-kita sa reaction  ng senador ang biglang pagsisisi kung bakit naitanong-tanong pa niya ang bagay na maaaring magdiin sa kanyang kinakandiling presidente.  “2016 ?” ang tanging salitang namutawi sa bibig ni Senador Bato. 


“Opo,” pag-uulit ni Discaya, walang kamuwang-muwang sa pinsalang kanya nang nagawa.  Sa kuwenta, kung ganon, ang paglago ng yaman ng mga Discaya ay naganap sa buong anim na taon ng administrasyong Duterte. 

At kung papaanong ipinagdidikdikan ng mga kontra-Marcos na kritiko na ang anomalya sa flood control projects ay hindi mangyayari nang walang basbas ng presidente, ganun nila samakatwid idinidiin na ang korapsyon sa paglago ng yaman ng mga Discaya sa anim na taon na itinagal ng administrasyon ni Duterte ay naganap na may basbas ni Duterte. 

Sa ganitong kalagayan madaling unawain kung saan kumukuha ng pambayad ang dating presidente sa abogado sa kanyang kaso sa ICC.  Ganun din sa usapin ng media coverage.   May Ilan sa mga praktisyunaryo ng pamamahayag ang wala nang pagtago sa kanilang bias pabor kay Duterte.  

Ano ang ibig sabihin nito?  Na maging sa pamamahayag, si Duterte ay naging salaan ng kung sino ang prinsipyado at kung sino ang baliko’t ipokrito. 

- Advertisement -

Sino ang maninindigan na ang malawakang pagpatay na naganap sa kontra-droga na digmaang inilunsad ni Duterte ay, sa mas malalim na pagsusuri, pagpatay sa mga taong  “turnilyo” ng sindikato sa droga na kalaban ng sindikato rin sa droga subalit kapanalig ni Duterte. 

Sa pagsisimula ng kampanya ni Duterte para sa panguluhan, buong pagyayabang na nangako siyang pupuksain ang iligal na droga sa loob ng anim na buwan. Makaraan ang anim na taon, napakadramatiko niyang ipinahayag na hindi pala niya kayang lansagin ang iligal na droga nang ganun kadali. 

Paano mo nga masusupil ang isang halimaw kung ang pagkitil mo nito ay paraan lamang pala upang palaguin naman ang kapanalig na panibagong kahalintulad na halimaw? 

Halimbawa, pag-usapan si Michael Yang.  Isa siyang Chino na galing sa Fujian China at  naging economic adviser ni Duterte mula 2016 hanggang 2018. Bukod sa pagkakasangkot sa pagtatatag ng mga nadistrongkang mga POGO at sa korapsyon sa Pharmally, naririto ang pahayag mula sa Wikipedia:  “He (Yang) has since been accused of being involved in the country’s illegal drug trade, with critics of Duterte alleging that the Philippine drug war was carried out in order to benefit a Davao City drug syndicate linked to Yang (Siya ay napagbintangan mula noon na sangkot sa pangangalakal ng iligal na droga, na ayon sa mga kritiko ni Duterte ay isinagawa upang biyayaan ang isang sindikato sa droga sa Davao City na sangkot si Yang). 

Di ba maliwanag na nilansag ni Duterte ang mga Espinosa at Parojinog, halimbawa, hindi upang kontrahin ang iligal na droga kundi upang ipasakmal ang  kalakalan dito sa mga kapanalig sa pulitika.  Nakatakas at nakatakas si Yang papunta sa ibang bansa nang wala ni katiting na pagsisikap si Duterte na pigilan siya.  Pagkatapos ikaw na pinagpipitaganang journalist ay abot langit ang hiyaw na mali ang mga bintang ng ICC kay Duterte. 

Isang kilalang abogado ang nagpaliwanag na ang mga panghustisyang pamamaraan sa Pilipinas ay may mga kasalatan upang ganap na husgahan ang mga crimes against humanity na ibinibintang kay Duterte. Kailangan ang mga kaparaanan ng ICC upang husgahan si Duterte nang makatarungan sa mga ibinibintang sa kanya. Subalit heto kang napakagaling na kolumnista, uunahan mo na ang paglilitis ng ICC at magpapakita ng mga ebidensyang walang sala si Duterte.

- Advertisement -

E, kaya nga nililkha ang ICC upang punan ang mga kakulangan ng mga prosesong local. Bakit mo ipagtutungayawan na ang mga ebidensyang ipinamamarali mo ay nagpapakitang walang sala si Duterte?  Simple lang, inasahan mong mahirap pasingalingan ang mga ibinibintang na kasalanan na mga pagpatay ni Duterte – mga kasalanan na hanggang sa mga sagradong bulwagan ng Kongreso ay buong kagarapalan niyang inamin na kanyang ginawa – kaya bungsod tangi ng iyong iwing pagnanais na iligtas ang iyong kliyente, maghahabi ka ng naratibo na siya ay inosente. 

Umamin na nga ang kriminal, kokontra ka pa.  Bakit?  Sa tanong na ito pinaghihiwalay ang mga kontra kay Duterte dahil sa prinsipyo at ang mga kampi dahil sa ganansya. 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -