29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Responsableng storytelling at makabuluhang content, nasa puso ng Kidscreen Summit sa Amerika

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Una sa 2-serye)

NOONG nakaraang taon (2025), nagkaroon ako ng pagkakataong makadalo sa Kidscreen Summit na ginanap sa San Diego, California sa Amerika. Ito ang taunang kumperensya para sa mga prodyuser, manunulat, direktor, mga content creators, at mga distributor ng content para sa mga bata at pamilya. Kasama ko ang dalawang opisyales (na sina Judy Galleta at Jowielyn Abendan) ng aming ahensiyang pinaglilingkuran – ang National Council for Children’s Television (NCCT). Naging kinatawan kami sa naturang pagtitipon ng mga lider sa industriya ng pambatang media. Mahalaga para sa NCCT na nakadadalo kami sa ganitong international conferences upang higit naming maunawaan at maitampok ang papel ng media sa Pilipinas sa  nagbabagong panahon.

Ang ‘Climate Storytelling’ ang nasa puso ng KidScreen Summit noong nakaraang taon. Malalim ang naging pokus nito sa mga pagbabago sa klima, environment, at sa ‘climate storytelling’ – isang  direksyon na pumukaw sa global media community na ang kuwentong may kaugnayan sa klima ay dapat nasa puso ng  mga materyal na nililikha para sa mga kabataan. Ibinahagi noon ang mga prinsipyo ng climate literacy at mga proyektong nag-aanyaya sa partisipasyon ng mga bata.

Bunga ng aming naging partisipasyon sa KidScreen Summit, hustong dumating sa Pilipinas ay agad namin itong nai-apply sa aming mga programang tumatakbo sa NCCT. Sa aming ginanap na DokyuBata video-making competition (na halos sampung taong programa na ng NCCT), ang naging paksa ay nakaugnay sa tema ng nagdaang Kidscreen Summit. Tinalakay namin sa DokyuBata ang mga United Nations Development Goals (UNDG) na nakaangkla sa environment at climate change. Nitong nagdaang Nobyembre, kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month, pinarangalan ng aming ahensya ang mga natatanging video documentaries na nilikha ng mga bata, teenagers, at young adults. Kay gaganda ng mga lahok na video na tinanggap namin. Kay huhusay ng mga Kabataang Pinoy na dokumentarista.

Ngayong taong ito, idinaos ang Kidscreen Summit 2026 mula Pebrero 22–25, 2026 sa Sheraton San Diego Resort, sa California ulit. Ang Summit ay kilalang marketplace ng mga ideya at pinagmumulan ng trend sa entertainment, teknolohiya, at edukasyon para sa mga batang manonood (at ‘gamers’) sa digital era.  Dito nagtatagpo ang sining at agham ng storytelling — hindi lamang upang lumikha ng magagandang palabas kundi upang linangin ang imahinasyon at critical thinking skills ng susunod na henerasyon.


Ngayong taong ito, itinampok ng Summit ang mas malawak na pagtalakay sa maraming aspekto ng pagbabago ng industriya. Kung noong nakaraang taon ay sentro ang climate literacy at paglikha ng mga kuwentong may malasakit sa kalikasan, ngayong 2026 ay mas pinalawak pa ang lente: mula sa teknolohiya at Artificial Intellighence (AI) hanggang sa kultura, creator economy, at pag-unawa sa bagong henerasyon ng kabataan.

Heto ang naging pokus ng talakayan sa KidScreen Summit 2006 (na nahalaw ko sa mga artikulong lumabas at sa mga talakayang nangyari sa Summit):

  • Pagpapalago ng ‘creative ecosystems’ para sa mga bagong format ng palabas gaya ng anime, webtoons at microdramas.
  • Muling pag-iisip ng papel ng storytelling sa ‘creator economy’ — kung paano ito nakatutulong sa pagbuo ng tiwala at komunidad sa loob ng digital landscape.
  • Pagharap sa mga hamon ng modernong kabataan — mula sa AI at social media hanggang sa bagong modelo ng ugnayan ng kuwento at teknolohiya (cross-platform engagement)
  • Masusing pag-aaral sa Gen Alpha (ang henerasyong kinabibilangan ng mga bata’t kabataan ngayon) at kung paano nila binabago ang patakaran at kalakaran ng entertainment. At kung paano ito dapat tugunan ng mga content creators.

Nasa puso ng KidScreen Summit ang makabuluhang storytelling o pagsasalaysay. Pagkatapos ng temang tumalakay sa climate storytelling, hindi naman tuluyang nawala ang usapin ng responsableng storytelling. Sa halip, ang katatapos na summit ay nagpakita ng mas inklusibong pagtingin sa mga bagong modelo ng naratibong nagagamit sa maraming paraan, lalo na sa mas batang manonood.

Heto ang ilang halimbawa ng mga palabas na malakas ang hatak sa mas nakababatang manonood ngayon:

- Advertisement -
  • Ang sesyon tungkol sa anime at K-Pop ay naglahad sa kung paanong maaaring payabungin ang cultural storytelling sa mga palabas na cartoon, serye, at musical shows na paborito ng mga kabataan. Binanggit ang impluwensya ng anime bilang global storytelling force; at ang K-Pop bilang cultural phenomenon na humuhubog sa fandom culture.
  • Ang webtoon storytelling ay tumutok sa ‘visual narrative’ na nagpapalawak ng digital literacy sa mga bata.
  • Ang microdramas ay nagpapakita ng kung paanong nakakaengganyo ang ‘short-form storytelling’ sa bagong audience na pamilyar sa mga mobile-first platform (hindi ba’t mas malakas ang halina ng mga maiikling ‘reels’ sa mga kabataan?).

Ang anime, K-Pop, webtoon, at ‘microdramas’ ay hindi dapat ituring na hadlang kundi oportunidad sa mas malalim na koneksyon. Dapat nating tingnang maigi ang mga anyong ito ng media at tingnan kung paano natin ito lubusang mapaghuhusay – upang mapaglingkuran ang mga bata’t kabataan na palaging nakaabang sa mga palabas sa TV at social media.

Sa katunayan, ang buong Summit ay tila isang salamin ng kung paanong ang narration ay patuloy na umuusbong — mula sa tradisyunal na palabas hanggang sa video, interactive, cross-platform content, na nagpapalawak ng imahinasyon ng kabataan upang matuto. Isa sa mga tampok na talakayan ay ang paglago ng ‘creator economy.’ Sa keynote ni Jordan Matter, Amerikanong YouTuber at photographer, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng authenticity sa digital age. Ayon sa kanya, hindi na sapat ang mataas na production value lamang (kahit mahalaga ito); ang hinahanap ng mga kabataan ngayon ay koneksyon, katotohanan at komunidad. Si Jordan Matter ay may 33 milyong subscribers at 12.6 bilyong views sa kanyang YouTube channel.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -