26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Legarda, binigyang-diin ang mahalagang papel ng kababaihan sa climate resilience, reporma sa edukasyon, at inclusive governance sa pagbubukas ng Women’s Month 2026

- Advertisement -
- Advertisement -

BINUKSAN ni Senador Loren Legarda ang pagdiriwang ng National Women’s Month 2026 sa pagbibigay-pugay sa hindi matatawarang papel ng kababaihan sa pagtatayo ng isang matatag at inklusibong Pilipinas.

 

Binigyang-diin niya na ang pagpapalakas sa papel ng kababaihan ay daan para makamit ang tunay na pagbabago sa lipunan at pamamahalang mahusay.

 

Sa pagtalakay sa pambansang tema ngayong taon na “WE for Gender Equality and Inclusive Society,” hinimok ni Legarda ang pamahalaan, mga paaralan, at komunidad na isabuhay ang gender equality sa pang araw-araw na gawain.

 

Aniya ito rin ay kolektibong responsibilidad ng lahat.

 

“Nananawagan sa atin ang Women’s Month ngayong taon na lampasan ang simpleng pagkilala at isabuhay ang pagkakapantay-pantay, upang matiyak na ang equality ang maging batayan kung paano kumikilos araw-araw ang ating mga institusyon, paaralan, at lugar ng trabaho,” ani Legarda.

 

Matagal nang isinusulong ni Legarda ang karapatan ng kababaihan.

 

Siya ang kauna-unahang babaeng nanguna sa dalawang senatorial elections noong 1998 at 2007, at nagtulak ng mahahalagang batas para sa pagkakapantay-pantay sa lipunan at ekonomiya, kabilang ang Magna Carta of Women (RA 9710), Anti-Violence Against Women and Their Children Act (RA 9262), Anti-Trafficking in Persons Act (RA 10364) at ang pinalawak nitong bersyon, Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act (RA 11148), at ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law (RA 11210).

 

Hindi lamang sa paggawa ng batas umiikot ang adbokasiya ni Legarda.

 

Aktibo rin niyang isinusulong ang mga programang tumutulong sa kababaihan, lalo na sa grassroots level.

 

Itinaguyod niya ang mga micro, small, and medium enterprise (MSMEs) na pinangungunahan ng kababaihan upang mapalakas ang sustainable na kabuhayan.

 

Libo-libong babaeng negosyante sa buong bansa ang nakinabang sa mga programang sinuportahan niya, mula sa climate-resilient enterprise development sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad hanggang sa pagtataguyod ng lokal na paghahabi, food processing, at eco-friendly crafts sa iba’t-ibang probinsya.

 

“Umuunlad ang mga pamilya at nagiging mas matatag ang mga komunidad kapag napalalakas ng kababaihan sa larangan ng ekonomiya. Ang pagsuporta sa mga negosyo ng kababaihan ay pamumuhunan sa kinabukasan ng sustainable na kaunlaran,” aniya.

 

Matagal na ring binibigyang-diin ni Legarda ang mahalagang papel ng kababaihan sa climate adaptation at community resilience.

 

Kinilala niya ang mga babae bilang frontliners sa paghahanda sa sakuna, pagbangon ng kabuhayan, at pangangalaga sa kalikasan, mga responsibilidad na lalo pang nagiging mahalaga habang tumitindi ang banta ng climate risks sa bansa.

 

“Ang kababaihan ang mga frontliner sa climate action at tagapangalaga ng resilience. Kapag namuhunan tayo sa kakayahan ng kababaihan na mamuno, mula sa mga barangay council hanggang sa paggawa ng pambansang polisiya, pinatatatag natin ang depensa ng bansa laban sa mga panganib sa klima at kalikasan,” idiniin ni Legarda.

 

Bilang kauna-unahang babaeng namuno sa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, at ngayon ay Chair ng Senate Committee on Culture and the Arts at Co-Chairperson ng EDCOM II, iginiit ni Legarda na kailangang palawakin pa ang empowerment ng kababaihan sa peacebuilding, education reform, at pagpapanatili ng kultura, mga larangang malaki ang ambag ng kababaihan ngunit madalas hindi napapansin.

 

“Pinangangalagaan ng ating mga kababaihan ang ating kultura, inaalagaan ang ating kabataan, at pinananatili ang pagkakaisa sa mga komunidad. Sila ang mga guro na humuhubog sa mga pagpapahalaga, ang mga tagapagdala ng kultura na nagpapanatiling buhay sa ating pamana, at ang mga lider ng komunidad na nagdurugtong ng mga pagkakaiba at nag-aalaga ng pagkakaisa. Ang pagkilala sa kanilang pamumuno ay hindi lamang usapin ng pagkakapantay-pantay, kundi pagpapatibay din sa lakas at identidad ng ating bansa,” idiniin ni Legarda.

 

Bilang pangwakas, sinabi ni Legarda na hindi lamang pagdiriwang ang Women’s Month kundi panawagan para sa konkretong aksyon upang gawing permanenteng haligi ng pamamahala, kultura, at kaunlaran ang gender equality.

 

Hinimok niya ang mga Pilipino na kilalanin ang kababaihan bilang mahalagang puwersa sa inklusibong pamumuno, peacebuilding, katatagan ng bansa, at reporma sa edukasyon.

 

“Nasa pagpapalakas ng bawat Filipina ang tunay na lakas ng ating bansa. Kapag ang kababaihan ay napoprotektahan, nasusuportahan, at nabibigyan ng pantay na oportunidad, mas nagiging matatag at inklusibo ang kaunlaran.”

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -