31.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

Implikasyon ng pahayag ni Gobernador Remolona

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG nakaraang linggo ay nagulat ang mga mamamayan sa pahayag ni Gobernador Eli Remolona ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na natamo na ang hangganan ng patakarang pananalapi sa pagpapasulong ng ekonomiya.

Maraming implikasyon ang pahayag ng puno ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Una, nangangulungan bang nakararanas ang ekonomiya ng liquidity trap. Ang liquidity trap ay isang sitwasyong hindi nauuwi sa pagtaas ng mga gugulin ang pagpapalawak ng suplay ng salapi. Ang dahilan ay ang pagtatago sa dagdag na salapi sa halip na gamitin ito sa iba’t ibang uri ng pagkonsumo at pangangapital.

Sa aking palagay hindi ang pagkakaroon ng liquidity trap ang dahilan ng pahayag ni Gobernador Remolona dahil naeenganyo pa rin ang mga mamimili at negosyante na taasan ang kanilang pagkonsumo at pangangapital sa pagbaba ng interest rate.

Kung hindi liquidity trap ang ipinahihiwatig ng binitawang salita ni Gobernador Remolona baka naghuhugas kamay lamang ang BSP sa mabagal na pagsulong ng ekonomiya sa mga nakaraang kwarter. Sa aking palagay hindi rin paghuhugas kamay ng gobernador ng BSP sa papel nito sa matamlay na performans ng ekonomiya ng Pilipinas. Bagkus ang pahayag ay isang tapat na pag-amin na may limitasyon ang patakarang pananalapi ng BSP sa pagpapalawak ng GDP ng bansa.

Marahil natamo na ng patakarang pananalapi ng BSP ang hangganan nito upang lalo pang mapalawak ang pambansang kita at mapabilis ang porsiyentong paglaki ng ekonomiya.


Ang paglaki ng isang ekonomiya ay maaaring tignan sa pananaw ng pangkalahatang demand at pangkalahatang suplay. Ang pangkalahatang demand ay binubuo ng iba’t ibang gugulin sa nabuong produkto at serbisyo ng ekonomiya kasama ang pagkonsumo, pangangapital, gugulin ng pamahalaan at netong eksport. Lumalaki ang ekonomiya kapag tumataas ang iba’t ibang uri ng demand sa mga produkto at serbisyong ginawa ng iba’t ibang ekonomikong sector ng bansa. Samantala, ang pangkalahatang suplay ay natutungkol sa kabuoang produksiyon ng iba’t ibang ekonomikong sector tulad ng agrikultura, industriya at mga serbisyo. Sa pananaw na ito, lumalaki ang ekonomiya kapag lumalawak ang produksiyon ng agrikultura, industriya at mga serbisyo.

Epektibo pa rin naman ang patakarang pananalapi sa pagpapalawak ng pangkalahatang demand lalo na sa pang-eenganyo sa mga mamamili at negosyante sa taasan ang kanilang gugulin kapag nagiging mura sa presyo ng salapi sa pagbaba ng interest rate. Ngunit, makitid ang papel ng patakarang pananalapi sa pagpapalawak ng kabuoang produksiyon.

Ang mga salik sa pagpapalawak ng produksiyon ay ang dami at kalidad ng paggawa, capital at teknolohiya. Sa ating bansa, ang mga produktibong sangkap ay humaharap sa mga problemang estruktural na nagpapakitid sa kanilang kontribusyon sa proseso ng produksiyon.

Kasama sa mga estruktural na problema ay ang kakulangan ng mahusay na imprastruktura, kakulangan ng matataas na kalidad na trabaho, mababang kalidad ng edukasyon, katiwaliaan sa pamahalaan, ang di wastong pagpapatupad ng batas at marami pang iba.

- Advertisement -

Ang mababang kalidad ng imprastruktura tulad transportasyon ay nauuwi sa mataas na gastos sa produksiyon dahil ang mga hilaw na sangkap ay hindi madaling naipadadala sa mga pabrika.  Ang mababang imprastruktura ay hindi natutugunan ng patakarang pananalapi.

Samantala, ang kakulangan ng matataas na kalidad na trabaho sa bilihan ng paggawa ay bunga ng limitadong dayuhang capital na pumapasok sa bansa na nagdadala ng mga makabagong teknolohiya na nauuwi sa paglikha ng mga trabahong may matataas na kalidad. Sa sitwasyon ganito napipilitang magsilikas ang mga manggagawang Filipino at magtrabaho sa ibang bansa. Hindi kaya ng pagbaba ng interest rate na akitin ang mga dayuhang kapitalista na magtayo ng negosyo sa ating bansa.

Ang mababang antas ng edukasyon ay nauuwi sa mga manggagawang may mababang kasanayan at produktibidiad. Hindi rin ang patakarang pananalapi ang tutugon sa mababang kalidad ng edukasyon upang mapakapaghubog ng mga produktibong manggagawa.

Ang katiwalian sa pamahalaan at ang pagpapatupad ng batas ay nagpapatabang sa mga local at dayuhang negosyante na magtayo negosyo sa ating bansa. Hindi rin ang pagbabago ng interest rate ang susugpo sa katiwalian sa pamahalaan at di wastong pagpapatupad ng batas.

Ang mga nabanggit na problemang estruktural na nagpapabagal sa produksyon ng mga ekonomikong sector ay matutugunan lamang ng pamahalaan. Ang pamahalaan ang nagpapatayo ng malawakang imprastruktura. Ang pamahalaan din ang mag-aanyaya sa  mga dayuhang negosyante na magtayo ng negosyo sa Pilipinas sa pamamagitan ng paglalatag ng isang kapaligirang wastong ipinatutupad ang batas at pinarurusahan ang mga tiwaling kawani ng pamahalaan at pinopondohan ang pananaliksik sa lalong mataas na edukasyon.

Ang pangunahing layunin ng BSP ay mapatatag ang panloob at panlabas na halaga ng PHP piso. Ito ay natutupad ng BSP dahil ang inflation rate ay mababa sa tinatarget na inflation rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Matatag din ang eksternal na halaga ng PH piso dahil hindi ganoon kalawak ang pagbabago ng palitan ng salapi sa mga nakaraaang buwan.

- Advertisement -

Ganoon pa man may hangganan ang kakayahan ng patakarang pananalapi sa pagpapasulong ng ekonomiya lalo na sa pagtugon sa mga hamon ng problemang estruktural na nagpapakitid sa kontribusyon ng mga produktibong sangkap.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -