28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Hamon kay Bongbong: Pakabayani ka na 

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

TIYAK na damay ang Pilipinas sa kasisimula pa lamang subalit napakalala nang giyera ng tambalang Estados Unidos-Israel laban sa Iran sa Ginang Silangan. Sa malawakang pananalasa ng Iran sa Israel at sa mga bansang Arabo na pawang
mga nangagkakandili ng mga baseng militar ng Amerika, ipinakikita na sa malaon at madali, aabot ang lupit Irano sa mga dalampasigan  ng bansang Pilipino.

Tulad ng mga bansang Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Kuwait at Iraq na pawang nagtamo ng matinding pambobomba ng Iran tanging dahil sa pagtaglay ng mga ito ng ng mga base militar ng Amerika, ang Pilipinas man ay nagkakandili ng ganitong mga base. Kung turingan ang mga ito ay EDCA sites, mga base militar ng Estados Unidos sa loob mismo ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines. Tadhana ang mga ito ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), isang executive agreement na nilagdaan ni yumaong Presidente Benigno Aquino III at ng Amerika noong 2016.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, bawal na ang mga banyagang base militar sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng EDCA, napaikutan ang pagbabawal na ito ng Konstitusyon. Ang mga base militar ng Amerika na kinitil ng Magnificent 12 (ang tawag kina Senador Jovito Salonga,  Wigberto Tañada, Rene Saguisag, Juan Ponce Enrile, Teofisto Guingona, Joseph Ejercito Estrada, Agapito Butz Aquino, Aquilino Pimentel, Ernesto Maceda, Orly Mercado, Sotero Laurel, at Victor Ziga) noong 1991 ay epektibong muling binuhay ng kadunduang EDCA.

Masahol pa, ang pagdeploy ng Amerika ng mga tropa’t pasilidad ay hindi kailanman maaaring inspeksyunin ng mga awtoridad ng Pilipinas.  Higit pang masahol, di tulad ng mga dating base militar ng Kano na ipinagbabayad ng upa, ang EDCA sites ay kaloob sa Amerika nang gratis et amore.

Masahol pa rin, ang anumang istruktura at mga posibilidad na itatayo ay pababayaran ng Amerika sa gobiyerno ng Pilipinas.  Pinakamasahol sa lahat, bagama’t tadhana ng EDCA na bawal ang magtayo ng mga posibilidad na nukleyar, walang katiyakan na ito ay masusunod dahil nga hindi maaaring inspeksyunin ng mga awtoridad ng gobiyerno ng Pilipinas ang EDCA sites.


Sa pag-upong-pag-upo ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang, apat pang karagdagang base ang ipinagkaloob sa Amerika. Ang mga ito ay Kampo Melchor de la Cruz sa Gamu, Isabela, Lalo Airport at Camilo Osias Naval Base sa Lalo, Cagayan, lahat nang ito, pawang nakatutok sa Mainland China, wala nang 200 kilometro ang layo, at ang pang-apat ay ang Balabac Island sa Palawan, nakikipagmanu-manuhan na sa mga abanteng base militar ng China sa South China Sea.

Mapupuna na sa kaso ng  apat na karagdagang EDCA sites na ito,  pumalag na ang China.  Tinawag niya itong mapanganib na probokasyon at pagpapatindi ng tensyon sa rehiyon ng South China Sea.

Nasa sa mataas nang antas ang nagaganap na word war sa pagitan ng China at ni Philippine Coast Guard Spokesperson para sa West Philippine Sea Jay Tarriela nang si Chinese Ambassador Jing Quan ay maitalaga sa panunungkulan sa Pilipinas at maideklarang persona non grata ng Kalayaan Island Group. Ang ingay ng isang-Barangay na munisipalidad na binubuo lamang ng 426 na mga residente ay umugong hanggang sa mga bulwagan ng dalawang kapulungan ng Kongreso at tila nagbadya ng pagpapatalsik nga kay Ambassador Jing Quan.

Subalit nagpatuloy sa tungkulin ang ambassador: mapagkaibigang pagdalaw sa pamunuan ng Kalihimang Panlabas, ganun din sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, tulad ng Maynila, Davao, Cebu at Benguet.  Sa huling nabanggit, sinilyuhan ni Ambassador Jing Quan kasama ni Kalihim Panlabas Maria Teresa Lazaro ang pakikipagkapatiran ng Benguet sa China.  At nitong kamakailan lamang, dumalaw naman si Ambassador Quan kay Department of Social Welfare Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian upang iabot ang donasyong $1 milyon para sa kawanggawa ng departamento.

- Advertisement -

Hindi isang barangay lamang ang maaaring magdeklarang persona non grata ang isang ambassador.

Ni ang Kongreso pa.

Tanging ang Presidente lamang ang maaaring gumawa nito.

At tahasan kong ipinahayag sa isang nakaraan kong kolum sa The Manila Times, hindi iyon gagawin ni Presidente Marcos.

Sa ngayon, ang kagandahang-loob sa Pilipinas na kailanman ay hindi binitiwan ng China ay sandatang maaaring panghawakan ni Presidente Marcos upang ang bansa ay iiwas sa mga kapahamakang dinaranas ngayon ng mga bansang puntirya ng marahas na pananalakay ng Iran sa Ginang Silangan.

Bakit sinasalakay ng  Iran ang Saudi Arabia, Qatar, United Arab Emirates, Kuwait, Bahrain, Iraq?

- Advertisement -

Iisa ang dahilan.

Lahat ng mga ito ay nagkakandili ng mga base militar ng Estados Unidos.  Sa Isang panayam, ipinahayag ng Defense Minister ng Iran na kailangang ipaunawa sa mga nabanggit na bansa na kailangan nilang kumalas sa Estados Unidos upang huwag madamay sa parusang inilaan ng Iran dito.

Walang tiyak na parusang binanggit ang opisyal, subalit may pahiwatig kung gaano ito kabigat: wala nang ceasefire.

Ibig sabihin, ganap na pagkalugmok ng Amerika.

Sa hilera ng mga pandaigdigang  puwersang nagsasagupaan sa Gitnang Silangan, pinakainaasahang kapanalig ng Iran ay ang China. Kasama ng Russia at Pakistan, ang China ay binigyan ng Iran ng prebihiliyo na maglayag ng mga sasakyang pandagat sa Hormuz Strait upang magtransport ng langis. Ang iba pang bansa ay kailangang humingi ng pahintilot sa Iran upang magawa ito.

Ang pinupuntahan ng usapan ay ito: maliwanag na sa giyera sa Gitnang Silangan, sangkot ang China. At sa Asya Pasipiko, ang mortal na katunggali ng Amerika ay ang  China.

Sa katunayan, ngayon pa lang ay may mga ganitong pagsusuri na: sa kadulu-duluhan,  ang ultimong labanan ay ang giyera ng Amerika at China.   Samakatuwid, sangkot ang Pilipinas tanging sa kadahilanan na taglay nito ang mga base militar ng Amerika.

Subalit may panahon pa upang tanggalin ang mga baseng ito. Ayon sa itinatadhana ng EDCA, kailangan lamang lumiham si Presidente Marcos sa Amerika na ibig na niyang wakasan ang kadunduang ito. Pagkaraan ng isang taon mula sa ganung pagliham, mawawalan ng bisa ang kasunduan.

Magwawakas ang mga baseng EDCA.

Mawawalan ng dahilan ang China upang, dahil sa ngalan ng self-defense, ay giyerahin ang Pilipinas.

Nasa New York ngayon si Presidente Marcos upang, isa sa mga layunin, ay ipahayag ang paninindigan sa nagaganap na gulo sa Gitnang Silangan.

Nakaamba kay Bongbong sa mga sandaling ito ang ginintuang pagkakataon na magpakabayani sa pamamagitan ng paghahayag sa buong mundo ng sa wakas ay pagkalas ng Pilipinas mula sa daantaon nang pagkakadena sa pundiyo ng Amerika.

Ang talumpati niya sa General Assembly ng United Nations na ganito ang ipinahahayag ay isang dakilang  kabayanihan na hindi na mabubura magpakailan pa man.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -