29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Kidscreen Summit: ‘Walang makapapalit sa mahusay na pagkukuwento sa pambatang entertainment’

PUWERA USOG

- Advertisement -
- Advertisement -

(Huli sa 2-serye)

Ang hinaharap ng children’s entertainment ay nasa interseksyon ng technology, creativity, empathy at purpose. Ito ang nagsilbing takeaway ng lahat sa katatapos na Kidscreen Summit sa San Diego, California. Na sa bawat bagong karakter, bawat bagong serye, at bawat bagong digital world na ating lilikhain, naroon ang kapangyarihang magpanday ng mas maliwanag na bukas para sa kabataan.

Pagkatapos ng temang ‘climate and environment’ (at ang papel ng sinasabing ‘climate storytelling’) sa KidScreen Summit noong 2025, hindi naman tuluyang nawala ang usapin ng responsableng storytelling. Sa halip, mas naging inklusibo at mas maraming lente ang ginamit sa ginanap na  summit ngayong 2026. Sa isang sesyon tungkol sa ‘The Power of Play,’  ipinakita kung paanong pinagbibigkis ang isang laruan, ang kaakibat na digital experiences, at ang makabuluhang kuwento – upang mapalalim ang pagkatuto. Ang ‘play-based learning’ ay hindi lamang pedagogical concept, ito ay disenyong nakapaloob sa modern franchises ng mga toys at iba pang bagay. Kumbaga, ang kuwento ay hindi na lamang pinapanood: ito ay nalalaro, nakaka-interact, at naisasabuhay.

May talakayan ding naganap ukol sa “Better Stories for Boys,” kung saan sinuri kung paanong makabubuo ng mas balanseng representasyon at emotional depth sa mga karakter na lilikhain sa animation at iba pang video production. Hindi dapat maging stereotype ang kasarian bagkus ay dapat maging tulay ito tungo sa empathy at pag-unawa. Kahit paano, dito sa ating bansa, marami na rin tayong mga aklat pambata at palabas na tumatalakay sa gender sensitivity at inclusivity. Dapat lang ay suportahan ang mga inisyatibang ito upang magtuloy-tuloy.

Bahagi rin ng programang nakapaloob sa Kidscreen Summit 2026 ang ‘business-to-business’ (o B2B) meetings, speed pitching, at buyers’ briefs — mga pagkakataong direktang nag-uugnay sa mga content producers at investors upang itulak ang kanilang mga proyekto sa mas mataas na antas. Ang ganitong mga sesyon ay kritikal sa global collaboration, lalo na para sa mga lokal na content creators na naghahanap ng international partners. Ito ang pintuan patungo sa posibleng ‘global collaboration’ para sa mga maliliit at mid-size studios.


Sa usaping negosyo, tinalakay naman ang “Behind the Channel: Building a Business on YouTube” — kung paanong nagiging sustainable enterprise ang ‘content creation.’ Mula sa advertising at brand partnerships hanggang sa licensing at merchandise, ipinakita na ang storytelling ay may kaakibat na economic architecture. Ito ang bahagi ng summit na naglatag nang malinaw: ang pagkamalikhain (creativity) at ang puwedeng kitain dahil dito (komersyo) ay hindi magkalaban kundi magkaagapay.

Isa ring tampok na highlight ay ang Kidscreen Awards 2026 kung saan ginawaran ang mga natatanging produksyon sa larangan ng pambatang entertainment para sa taong 2026. Ang mga pinarangalan ay sumasalamin sa global excellence sa kuwento, animation, live action, at digital content — patunay na ang kalidad ay hindi nasusukat lamang sa laki ng budget kundi sa lalim ng mensaheng nakapaloob sa palabas. Ayon sa Youth Media Alliance, ang mga nanalong materyal ay lubos na nagpakita ng pambihirang husay sa nilalaman ng kuwento, depiction, at makabagong produksyon na nakatutok sa kabataan at pamilya.

Sa isang Summit na puno ng diskurso ukol sa artificial intelligence (AI), creator economy, at cross-platform dynamics, malinaw na naroon ang seryosong pagharap sa mga sumusunod na tanong:

• Paano mananatiling makabuluhan ang storytelling sa gitna ng mabilis na pagbabagong teknolohikal (technological development)?

- Advertisement -

• Paano sasabay ang content sa digital lifestyle ng kabataan nang hindi nawawala o lumalabnaw ang values?

• Paano pagsasamahin ang entertainment at edukasyon sa paraang hindi lantarang nagtuturo kundi nakaka-inspire?

Ang Artificial Intelligence (AI), halimbawa, ay hindi dapat ituring na kalaban kundi kasangkapan. Dumating na ang teknolohiyang ito kung kaya’t dapat nating katasin kung ano ang maganda at kapaki-pakinabang dito. Paano ba nito napapagaan ang ating buhay? Paano ba nito natutulungan ang maraming industriya, kasama na ang ‘creative industry’? May mga talakayan din sa kung paano ito maaaring makatulong sa production workflow, ideation, at pagiging personal ng content — subalit may paalala ring panatilihin ang ‘human touch’ sa likod ng bawat likha.

Bilang mga Pilipino, mahalagang pagnilayan ang mga napulot na aral mula sa KidScreen Summit. Ang mga Kabataang Pinoy ay bahagi rin ng global digital ecosystem. Nanonood sila ng cartoon o anime, sumusubaybay sa K-Pop (ang dami ngang ‘army’ sa ating bansa!), naglalaro sa online platforms, at nakikipag-ugnayan sa mga creators mula sa iba’t ibang bansa. Kung nais nating manatiling makabuluhan ang lokal na storytelling, kailangan nating yakapin ang innovation habang maingat na pinangangalagaan ang ating kultura at wika. Ang Summit ay isang paanyaya na mag-isip nang global ngunit kumilos nang lokal. Isang paalala rin na ‘what is most personal is most universal.’

Kung ang 2025 ay taon ng climate storytelling para sa Kidscreen Summit, ang 2026 naman ay bokasyon para sa holistic, relevant, at visionary storytelling. Sa mga talakayang naganap sa nagdaang summit, isang katotohanan ang lalong luminaw: ang kuwento ay hindi simpleng libangan. Ito ay mabisang instrumento sa  paghubog ng karakter at paglinang ng pag-asa.

Sa pagtatapos ng Summit, bitbit ng lahat ang isang hamon — lumikha ng mga kuwentong hindi lamang naghahangad na mag-viral kundi sadyang may dulot na halaga (relevant content); mga content na hindi lamang uso kundi may saysay; at hindi lamang content na kumikita kundi may silbing dulot sa sangkatauhan.

- Advertisement -

At sa huli, nais kong ipaalala na ang mga bata ay hindi lamang tagapanood o mambabasa — sila ay tagapagmana ng ating mga kuwento. Kung ano ang ating isasalaysay ngayon, iyon ang kanilang dadalhin bukas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -