26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Gatchalian: Paigtingin ang mga programa sa mental health kasunod ng pagdami ng mga kaso ng suicide

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng pag-akyat ng mga naitatalang kaso ng suicide sa Metro Manila, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mas maigting na pagpapatupad ng mga komprehensibong programa sa mental health.

Ani Gatchalian, isang mahalagang hakbang ang pagpapatupad ng mga naturang programang magbibigay ng proteksyon sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong, lalo na upang maiwasan ang pagkawala ng marami pang buhay.

Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung saan lumabas na dumoble pa ang bilang ng suicide cases sa National Capital Region sa unang tatlong buwan ng 2026.

Nakapagtala ang NCRPO ng 111 kaso mula January 1 hanggang March 23 ngayong taon, mas mataas ng halos tatlong beses sa 38 na naitala sa parehong mga buwan noong 2025.

“Sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng suicide sa bansa, mahalagang patatagin natin ang mga programang magtataguyod sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan, lalo na pagdating sa mental health,” ani Gatchalian.

“Ngayon higit kailangan ng ating mga kababayan ang suporta sa mental health, lalo na’t hinaharap natin ang matinding krisis na nakakaapekto sa pang-araw araw nating pamumuhay,” sabi pa ng senador.

Sa ilalim ng 2026 national budget, may P742.6 milyong nakalaan para sa pagpapatupad ng Mental Health Program alinsunod sa mandato ng  Mental Health Act (Republic Act No. 11036).

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -