28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Gatchalian isinusulong ang mas malakas na reintegrasyon para sa mga nagbabalik na OFW

- Advertisement -
- Advertisement -

MULING nanawagan si Senador Win Gatchalian na gawing institusyonal ang suporta para sa mga nagbabalik na overseas Filipino workers (OFW). Hinimok niya ang pagpasa sa panukalang Bagong Balikbayan Act sa gitna ng patuloy na sigalot sa Gitnang Silangan. Binigyang-diin niya na bawat OFW ay nararapat na mabigyan ng pagkakataong ganap na makabalik at makapamuhay nang maayos sa Pilipinas pagkatapos magtrabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Gatchalian, ang pagtatatag ng isang komprehensibo at napapanatiling programa para sa reintegrasyon ng mga OFW ay magtitiyak ng sapat na pondo at mekanismo para sa tuluy-tuloy na suporta, may krisis man o wala. Dahil sa inaasahang paghaba ng tensyon sa Middle East, humihiling ang Department of Migrant Workers (DMW) ng karagdagang P2 bilyon ngayong taon para sa Agarang Kalinga sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) fund, na pangunahing gagamitin sa pagpapauwi ng mga distressed OFW sa rehiyon.

Ang panukalang pangmatagalang framework para sa reintegrasyon ay kinabibilangan ng mga sumusunod: pagtutugma ng kasanayan o skills mapping sa pangangailangan ng lokal na labor market; mga programa para sa tiyak na paghahanap ng trabaho o job placement; mas malawak na access sa abot-kayang pautang, tulad ng mga low-interest loans, credit guarantees, at livelihood grants; at patuloy na pagpapataas ng antas ng kasanayan o upskilling.

“Ang pagsasabatas ng Bagong Balikbayan Act ay magbibigay ng maayos na transisyon para sa ating mga bagong bayani lalo na sa ganitong panahon ng krisis,” ani Gatchalian, na tumatayong tagapangulo ng Senate PROTECT at Finance Committees.

Ayon sa DMW, lumampas na sa apat na libo ang kabuuang bilang ng mga napauwing OFW.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -