28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Malacañang tiniyak kay Bam Aquino ang mas mabilis na paglalabas ng pondo sa LGUs para sa classroom construction

- Advertisement -
- Advertisement -

TINIYAK ng Malacañang kay Senador Bam Aquino ang mabilis na pagpapalabas at paglalabas ng pondo sa local government units (LGUs) para sa pagtatayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng 2026 national budget.

Ginawa ni Executive Secretary Ralph Recto ang pagtiyak kanilang pagpupulong ni Aquino, na bilang chairperson ng Committee on Basic Education ay nagsulong ng paglalaan ng P65 bilyon para sa classroom construction sa 2026 national budget upang matugunan ang classroom backlog na aabot sa 166,000

“Sa pakikipag-pulong ni Senator Bam Aquino kay Executive Secretary Ralph G. Recto noon nakaraang Linggo upang pag-usapan ang mga programa sa edukasyon at sa hinaharap na krisis ng ating bansa dahilan sa gyera sa Gitnang Silangan, tiniyak ni Executive Secretary Recto na tutukan ang classroom backlog sa pamamagitan ng on-time fund release at mas mabilis na pagbigay nito sa mga LGU,” ayon sa opisyal na Facebook page ni Recto.

Sa ilalim ng 2026 national budget, binibigyan ang DepEd ng malawak na kakayahang magtakda ng mga paraan para sa pagtatayo ng mga silid-aralan, kabilang ang pakikipagtulungan sa LGUs, civil society organizations, at mga non-governmental organizations (NGOs) na may napatunayang kakayahan sa classroom construction.

Tinalakay rin nina Recto at Aquino ang panukalang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na magpapahintulot sa mga LGU at NGOs na may napatunayang track record na magtayo ng mga silid-aralan sa kanilang nasasakupan, alinsunod sa mga pamantayan at gabay ng DepEd.

“Kaugnay nito ang panukalang batas na Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na naglalayong pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan upang matugunan ang kakulangan sa classrooms sa bansa at mapahusay ang kalidad ng pagkatuto ng ating mga estudyante. Sa kasalukuyan, tinatayang higit sa 166,000 ang classroom backlog,” pahayag ni Recto.

Inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1482 o ang CAP Act sa ikatlo at pinal na pagbasa sa botong 22-0, na walang tumutol at walang abstention.

Bukod sa pagtugon sa kakulangan sa classroom, prayoridad din ng panukala ang pagpapasimple ng proseso ng pagtatayo ng mga silid-aralan at ang paglalagay ng mga pananggalang laban sa korapsyon sa pamamagitan ng pagtatakda ng price ceiling para sa classroom construction.

Inaasahang makatutulong sa pagpapalago ng lokal na ekonomiya ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan, dahil lilikha ito ng mahigit 100,000 bagong trabaho sa buong bansa.

Pinag-usapan din ng dalawang opisyal ang whole-of-government approach sa pagtugon sa krisis sa Gitnang Silangan upang mapangalagaan ang kapakanan at pangangailangan ng mga apektadong Pilipino.

“Tinalakay rin ang kahalagahan ng isang pinagsama-samang pagkilos ng buong pamahalaan upang epektibong matugunan ang krisis sa Middle East, nang sa gayon ay masiguro ang maagap, maayos, at magkakaugnay na pagtugon para sa kapakanan ng ating mga kababayang lubhang naaapektuhan nito,” ani Recto.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -