BAWAT alipin ng panitikan ay dumarating sa punto na nagkakandakahog na mabigyang-tuldok ang kasaysayan ng kanyang propesyon sa pagsusulat. Totoo ito lalo’t higit sa kaso ng mga tumanda na’t lahat ay nananatiling masigla ang malikhaing pag-iisip.
Wala ni anumang nararanasang pagbagal sa pagresponde ng mga pandama ng utak sa mga bagay na dapat napahahalagahan. Halimbawa, ang karakarakang pagsisimula ng sulatin oras na, sa terminolohiyang panliteratura, napaalipin ka na sa mga musa.
Kailangang isa kang alagad ng panulat upang maunawaan ang penomenon na ito.
May mga sandali na meron kang hinahabol na deadline at pinipilit mong simulan agad ang isang paksang sulatin, subalit gaano mo man pilitin, walang mamutawi sa iyong utak. At dahil nga kailangang umabot ka sa deadline, madalas na ang mga rekisitos ng pagiging malikhain ay napatatabunan ng pangangailangang matapos lamang ang trabaho.
Sa mga ganitong sitwasyon, ang kabuuang resulta ay ersatz (pekeng cereal, kung ngayon lang ninyo naengkwentro ang katagang ito.) Sa garapal na pamamaraang nakamulatan ko, ang turing- ay salsal, pagsasa-Tagalog ng English na “intellectual masturbation”. Magarbo sa pandinig, hungkag sa nilalaman.
Iyun ang sa pagtugon sa pang-araw-araw na takbo ng routine na pamamahayag. Upang ang Isang istorya ay umabot sa deadline, pasok na dapat ito pagsapit pa lang ng alas-kwatro ng hapon. Kung ganyan ang rekisitos ng pamamahayag, bakit hindi ang siyang sundin? Malaking problema ko nga lang na ibang deadline ang pinagkakaabalahang habulin ng utak ko. Sa dami ng mga kabanatang dinaanan ng buhay ko, mahigit sa kalahati ang hindi pa naitatala ayon sa mga nakagawiang kalakaran.
Alin kung dahil sa kaselanan ng mga sangkot na usapin kung kaya hindi ganun kadaling ilahad o bagama’t ang kailangang pagbubunyag ay hinggil sa sarili lamang, dawit pa rin ang ibang elemento na maaaring magdusa ng kapahamakan bunga ng pagbubunyag na iyong gagawin. Ang pinakamasahol pa nito, ang deadline na dapat kong habulin sa panulat na ito ay hindi ang kustombre nang nakaugalian sa pamamahayag kundi ang deadline ng sariling buhay.
Paano kung hindi ko matapos ang sulatin ngayon, samantalang ang deadline ng aking hininga ay hanggang sa mga sandali lang na ito? Sa Agosto 22, 85 anyos na ako. Iyun ang naitakda kong deadline ng buhay ko.
Pagdating ng aràw na iyon, lahat ng patlang sa kwento ng aking pagkatao ay dapat nang napunan lahat. Magagawa ba iyon? Alam ng marami – dahil nakasulat – na ang inyong lingkod ay naging isang sikat na iskriptrayter at direktor. Anumang patlang sa bahaging ito ng aking kasaysayan ay magagawang punan ninuman na seryosong mananaliksik. Subalit sino ang nakakaalam na bukod sa pagiging premyadong alagad ng sining-pelikula, si Mauro Gia Samonte ay isa palang namumukod na rebolusyonaryo?
Kitam. Wala.
Sino ang nakakaalam na sa araw na ito, Mayo 1, noong 1972, naganap sa Mendiola at Recto Avenue ang pinakamalaking mobilisasyon para sa paggunita sa Araw ng Paggawa. Pinakamalaki dahil siyang plinanong mapamuksang dagok sa Diktadurang Marcos. Hindi alam ng mga sundalong Metrocom na nakapaligid sa harap ng Malacañang upang ipagtanggol nga ang Palasyo, ang mga kaharap na nila ay mga kung turingan ay ACAPS (Armed City Partisans), lahat nasasandatahan ng matataas na kalibreng baril at mga mapangwasak na granada’t mga pasabog upang wakasan na nga ang diktadura.
Lahat ng mga mananalumpati ay nakapagsalita na, nakapagpasiklab na sa damdamin ng libu-libong rallyistang nagkakandalaite na nga na ibagsak na si Marcos. Isang-isang talaumpati na lang ang hinihintay – ang sa Kalihim Heneral ng Katipunan ng mga Samahan ng mga Manggagawa (KASAMA) na siya ring Kalihim Heneral ng May Day Revolutionary Committee, na siyang punong abala ng malaking pagbabalikwas.
Sa alinmang giyera, may tinatawag na signal fire. Kailangan munang iputok ang nag-iisang signal fire upang sumiklab ang buong pagbabalikwas. Subalit samantalang sa mga nagdaang pagbabalikwas-manggagawa, ang Kalihim Heneral ng KASAMA ay walang atubiling nagpakawala ng maaapoy na panawagang maghimagsik, kung bakit noong Mayo 1, 1972, buong pagpipigil ang ginawa ng tanyag na rebolusyonaryo sukdulang sa mabilis na pagtikada ng mga sandali, ipinasya niya sa wakas na huwag isigaw ang signal fire.
Ang libu-libong dumalo sa May Day Revolutionary Rally ay umuwing taglay ang alaala ng pinakamapayapang pagbabalikwas sa Araw ng Paggawa. Nagpatuloy ang buhay ng diktadura, tinampukan ng deklarasyon ng Martial Law nang sumunod na Setyembre, nagwakas sa pagbagsak ni Marcos noong People Power Revolt ng 1986. Tanong ngayon, umabot pa kaya si Marcos ng Martial Law man lang kung hindi ako nagpigil na ibigay ang kailangang signal fire? Malaking patlang iyan sa kasaysayan na dapat punan.

