INILATAG ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” Lacson nitong Martes ang mahahalagang ebidensiya at mga rekomendasyong pampatakaran na nagmula sa hindi bababa sa pitong pagdinig, upang tuluyang mapigil ang “systematic and parasitic” na kasakiman sa likod ng mga maanomalyang flood control project—na inilarawan niyang pinakamalaking iskandalo ng korapsyon sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ani Lacson, hindi niya layuning magsampa agad ng kaso o maglabas ng pinal na hatol, kundi magtakda ng pamantayan na makatutulong sa mga awtoridad sa pagsusuri ng mga natuklasan, pagtukoy ng probable cause, at pagsasagawa ng kinakailangang legal na aksyon.
“The road to full accountability is long. But we must start to agree somewhere. This Chairman’s Report is a decisive step forward. We owe it to the witnesses who spoke up, to the experts who provided evidence, and most importantly, to the millions of Filipinos who find themselves neck-deep in floodwaters every time a storm hits. We cannot let their efforts—and ours—go to waste,” aniya sa kanyang privilege speech.
“Mr. President, this report is a referral-and-reform package. Simple lang: imbestigahan nang legal, alamin kung ano ang nangyari, bawiin ang kaya pang bawiin, at ayusin ang batas—para hindi doble bayad ang Pilipino: sa buwis at sa delubyo ng baha,” dagdag niya. “Kung mali ang alegasyon, the process clears them. Kung totoo, the process convicts — with due process and accountability – makukulong ang dapat makulong.”
Ayon kay Lacson, makatutulong ang mga hakbang na ito upang simulan ang pagtugon sa suliranin ng pagbaha na kinakaharap ng mga Pilipino dahil sa kapabayaan at kasakiman ng mga tiwaling opisyal.
Ikinabahala niya na ang mga pamilyang Pilipino sa mahigit 30 lalawigan na may mataas at katamtamang mataas na panganib sa pagbaha ay “tiyak na muling babahain sa mga susunod na buwan, at nanganganib mawalan ng kabuhayan at buhay.”
Samantala, nananatiling nangunguna ang Pilipinas sa World Risk Index 2025 sa 193 bansa bilang pinaka-disaster-prone na bansa dahil sa mataas na exposure sa baha, bagyo, at iba pang natural na panganib—at tinatayang mawawalan ng humigit-kumulang $89 bilyon mula 2022 hanggang 2050 dahil sa mga pagbaha at bagyong tropikal.
“Gaano man katindi ang sikat ng araw, hindi nito matatabunan ang galit ng ating mga kababayan na nalulunod pa rin sa gitna ng kapabayaan at kasakiman sa salapi ng ilang tiwaling opisyal ng gobyerno, sampu ng kanilang mga kasapakat na kontratista dulot ng flood control scam,” aniya.
Mga natuklasan ng komite
Ayon kay Lacson, ipinakita ng mga natuklasan ng komite ang mga sumusunod:
* Ang iskandalo sa flood control ay hindi dulot ng kakulangan sa pondo. Sa halip, ang laki ng pondong inilaan, kasama ang mahihinang internal control at pakikipagsabwatan sa oversight, ang naging dahilan upang maging kaakit-akit ang sektor sa sistematikong pandarambong sa kaban ng bayan, na nag-iwan sa mamamayan na bulnerable sa matinding paghihirap.
* Ang estruktura ng anomalya sa flood control ay likas na parasitiko, na may network ng mga aktor mula sa pinakamataas na antas ng kapangyarihan. Ginamit nito ang nakagawiang proseso sa burukrasya at mga mekanismong tahasang nagkokompromiso, nagrerekrut, o lumalampas sa oversight.
* Ang problema sa flood control ay repleksyon ng ebolusyon ng pork barrel system. Sa paraang ito, nag-iiba lamang ng anyo at tawag ang korapsyon—mula sa mga “slabs of pork” na tinatawag na ngayong “allocables,” “leadership funds,” at “insertions,” na umaabot pa hanggang sa Unprogrammed Appropriations sa GAA.
* Ipinakita ng korapsyon sa Bulacan 1st District Engineering Office ang blueprint kung paano inililihis ang pondo sa flood control, at ang magkakaugnay na sistemang nagpapadali sa korapsyon.
* Ang malubhang epekto ng institusyonalisadong pandarambong ay hindi lamang pinansyal; nararamdaman din ito sa paghina ng mga institusyong demokratiko, pagkawala ng boses ng mamamayan, at pagkasira ng moral na hibla ng bansa.
Dagdag pa niya, pinagtibay ng mga sumunod na pangyayari ang mga pangunahing natuklasan ng komite:
* Hindi bababa sa apat na pangunahing indibidwal na humarap sa pagdinig ay isinailalim sa Witness Protection Program, kabilang sina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, dating District Engineer Henry Alcantara, dating NCR Regional Director Gerard Opulencia, at kontratistang si Sally Santos;
* Inatasan ng ehekutibong sangay ang malawakang pagsusuri sa mga flood control program sa buong bansa, kabilang ang pagbuo ng inter-agency task forces, mas mahigpit na validation protocols, at mas mataas na transparency sa paggasta;
* Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng ilang kasong kriminal sa Sandiganbayan laban sa mga dating at kasalukuyang opisyal, kontratista, at pribadong indibidwal;
* Ang imbestigasyon ng Department of Justice ay nagbunga ng pagbuo ng mga special panel ng prosecutors para sa hindi bababa sa limang ghost flood control projects sa Bulacan, na may rekomendasyong magsampa ng mga kasong graft, malversation, perjury, at falsification;
* Isinasagawa na ang mga pagdinig sa Sandiganbayan, habang nagsagawa ang NBI ng fact-finding at case build-up. Samantala, nagsagawa rin ng financial intelligence investigations ang Anti-Money Laundering Council, at nakapag-secure ng freeze orders mula sa Court of Appeals, kung saan mahigit P21.8 bilyong halaga ng assets ang na-freeze hanggang Abril 30, 2026.
Mga panukalang kaugnay sa badyet
Iminungkahi ng komite ang pagtanggal ng “allocables” at “leadership funds” ng DPWH. “This is a pork barrel incarnate and it clouds our fiscal transparency,” ani Lacson.
Ikalawa, iminungkahi rin ang pagpapalakas ng accountability at anti-corruption measures, kabilang ang:
* Pag-amyenda sa Republic Act No. 6770 (Ombudsman Act of 1989);
* Pagbibigay-linaw sa Beneficial Ownership at Conflict of Interest;
* Mahigpit na pagbabawal at mas mabigat na parusa sa pagsusugal ng mga kawani ng gobyerno sa mga casino;
* Digitalisasyon ng SALN at Personal Data Sheet at komprehensibong proteksyon para sa whistleblowers;
* Batas para sa mas independiyente at accountable na reporting ng COA auditors.
Mga posibleng kasong kriminal
Naglalaman ang ulat ng komite ng “menu” ng mga posibleng kasong kriminal, kabilang ang malversation, direct bribery, graft, plunder, money laundering, falsification, perjury, bid rigging, at mga paglabag sa ethics at conflict of interest laws.
Karagdagang pagsusuri
Sa muling pagbubukas ng mga pagdinig, tututukan ng komite ang mga sumusunod:
* Mas malalim na imbestigasyon sa allocables at leadership funds;
* Pag-anyaya kay dating Speaker Martin Romualdez upang magbigay ng kanyang panig;
* Pagpapaharap kay dating Rep. Elizaldy “Zaldy” Co at iba pang kaugnay na personalidad.
“Mr. President, the road to full accountability is long. But we must start to agree somewhere. This Chairman’s Report is a decisive step forward. We owe it to the witnesses who spoke up, to the experts who provided evidence, and most importantly, to the millions of Filipinos who find themselves neck-deep in floodwaters every time a storm hits.



