28.4 C
Manila
Martes, Hunyo 23, 2026

Mga implikasyon ng lumalawak na ekonomiyang digital sa Pilipinas?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGLABAS ng pahayag kamakailan ang Philippine Statistics Authority (PSA) na halos 10% na ng GDP ng Pilipinas noong 2025 ay nagmumula sa ekonomiyang digital. Magandang balita ito dahil nagpapakita ng mabilis na paglaki ang ekonomiyang digital na tumaas ng halos 5.4% mula sa halaga nito noong 2024. Ang porsiyentong paglaki nito ay higit na mabilis kaysa paglaki ng GDP na naitala sa 4.4 % lamang noong 2025.

Ang ekonomiyang digital ay binubuo ng apat na mahahalagang bahagi ng mga produkto at serbisyong pinoprodyus ng ekonomiya. Kasama rito ang pagpapatayo ng imprastruktura na nagpapalawak sa ekonomiyang digital, e-commerce, digital content at media, at serbisyong digital ng pamahalaan.

Kasama sa pagpapatayo ng imprastruktura na nagpapalawak sa ekonomiyang digital ang paglalatag ng mga kable ng fiber optics, data centers, cloud services at 5G at iba pang hardware, software at sistema ng network na nagiging daan upang maisagawa ang e-commerce, at pangunahing serbisyong publiko.

Samantala, ang e-commerce o electronic commerce ay ang pagsasagawa ng mga transaksiyon sa pagitan ng mga mamimili at suplayer gamit ang iba’t ibang digital platform kasama na ang mga website, apps, at social media.  Dahil sa lawak ng oras at lugar na maaaring magamit ang mga platform na ito nagiging mura ang operasyon nito na lalo pang nagpapaenganyo sa paggamit ng e-commerce.

Ang digital content and media ay natutungkol sa sari-saring impormasyong nakapaloob sa mga makina na nilikha, inilagak, at ipinamamahagi sa pamamagitan ng mga eletronikong kagamitan. Ang mga impormasyon ay maaaring baguhin, ipamahagi at maging batayan ng talakayan tulad ng mga pahayag sa social media hanggang sa panonood ng pelikula, pakikinig ng musika, pagsusulat at pagbabasa ng mga blogs at iba pa.


Ang mga serbisyong pampubliko ay tinatawag ding e-government kung saan ang paglalaan ng mga serbisyo ng pamahalaan ay isinasagawa  sa pamamagitan ng website, apps, at digital portals upang mapahusay ang akses ng mga mamamayan sa mga serbisyong pampubliko at maging episyente ang paglalaan ng mga ito.

Anu ano ang implikasyon ng paglago ng ekonomiyang digital sa ating bansa? Una, ang lumalaking bahagi ng ekonomiyang digital ay hindi lamang nag-aambag sa pambansang kita ngunit sa kabuoang empleyo.  Halos 10.39 milyong tao ang nakatanggap trabaho mula sa ekonomiyang digital noong 2025 na kumakatawan sa 21.2% ng kabuoang hukbong paggawa ng bansa. Samakatuwid, kahit malaking kapital ang kailangan sa paglalatag ng imprastruktura ng ekonomiyang digital masasabi nating mas maraming manggagawa ang umaasa sa sektor na ito. Nag-aambag lamang ito ng 10% sa ating GDP ngunit nagbibigay empleyo ito sa 1 sa bawat 5 manggagawa.

Ikalawa, ang kakulangan ng Pilipinas sa pangangapital sa imprastrukturang ICT ay unti unti nang natutugunan sa pangangapital sa mga fiber optics at ibang hardware.  Sa pagpapalawak ng kakayahan ng Pilipinas na makapaglaaan ng mga serbisyong ICT dahan dahang naisasara ng bansa ang agwat natin sa mga ibang bansa sa ASEAN hinggil sa kakayahang makapaglaan ng mga serbisyo sa information and communication technology.

Ikatlo, sa paglawak ng electronic commerce nalalasap ng dumaraming mamamayan ang mga benepisyo ng pagsasagawa ng transaksiyong digital dahil mas mura ito lalo na sa paggamit ng oras ng mga tao. Idagdag pa rito, ang paggamit ng e-commerce ay nagpapalawak sa mga malalaki at maliliit na negosyo. Ang mga restaurant na may takdang kapasidad ay tumataas ang benta dahil ang ibang customer ay napagsisilbihan sa pamamagitan ng food delivery. Dahil dito, napipilitan ang mga kompanya na panatilihin o itaas ang antas ng kalidad ng kanilang produkto at serbisyo upang umulit ang kanilang mga tagapagtangkilik.

- Advertisement -

Ika-apat, dumarami na ang mga mamamayang gumagamit ng teknolohiyang digital sa iba’t larangan ng lipunan at buhay. Sa edukasyon, patuloy pa rin ang online teaching sa maraming kolehiyo at unibersidad na nagpapatupad ng hybrid na pamamaraan sa pagtuturo. Sa pananalapi at pagbabangko, maraming deposito, withdrawal at bayaran ang nangyayari gamit ang kanilang mga banking apps. Sa kalusugan, patuloy ang mga duktor na nagbibigay konsultasyon sa pamamagitan ng telemedicine.

Ikalima, ang pagpapalawak ng imprastruktura sa ICT ay nagiging daan upang maging inklusibo ng ekonomiyang digital dahil ang mga mamamayan sa mga liblib na lugar ay nagkakaroon ng akses sa paggamit ng iba’t ibang serbisyo ng ekonomiyang digital. Nakatutulong din sa pagiging inklusibo ng ICT ang pagsasanay na nakukuha ng mga mamamayan lalo na ang kabataan sa computer literacy.

Ika-anim, ang paggamit ng pamahalaan ng mga website, digital portals, apps at social media sa paglalaan ng mga serbisyong publiko ay nauuwi sa magaan at mabilis na paglilingkod sa mga mamamayan at higit sa lahat nagiging episyente, tapat at malinaw ang  pangangasiwa  ng mga pinuno ng pamahalaan.

Sa dami ng mga benepisyong tinatamasa mula sa ekonomiyang digital marami ding katapat na mga hamon ang mga ito tulad ng paglabag sa privacy, maling pagpili, isyu sa pag-aaring intelektuwal at marami pang iba na dapat paghandaan ng mga gumagamit nito at ng pamahalaan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -