TINANGGAP ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Grand Cordon of the Supreme Order of the Chrysanthemum, isa sa pinakamataas at pinakaprestihiyosong parangal ng Japan, sa kanyang State Call kina Emperor Naruhito at Empress Masako sa Imperial Palace sa Tokyo nitong Miyerkules.

Tinanggap din ni Unang Ginang Louise Araneta-Marcos ang Grand Cordon of the Order of the Precious Crown.
Bilang kapalit na pagkilala, iginawad ng Pilipinas kay Emperor Naruhito ang Order of Lakandula na may ranggong Supremo o Grand Collar, habang tinanggap naman ni Empress Masako ang Order of Gabriela Silang.
Ang State Call sa Japanese Imperial Couple ang tampok na bahagi ng State Visit ni Pangulong Marcos sa Japan.
Pormal siyang sinalubong nina Emperor Naruhito at Empress Masako sa Imperial Palace, kasama sina Crown Prince Fumihito, Crown Princess Kiko, at Punong Ministro Sanae Takaichi.
Kasama sa seremonya ang pagtugtog ng pambansang awit ng Pilipinas at Japan, pagbibigay ng military honors, at inspeksyon ng Guard of Honor.
Matapos ang pagpapakilala ng mga opisyal ng dalawang bansa, nakibahagi si Pangulong Marcos at ang Unang Ginang sa State Call sa Take-no-Ma o Imperial Palace Audience Room, kung saan nagpalitan ng pagbati ang mga lider.
Nasa Japan si Pangulong Marcos upang palalimin ang kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa seguridad, kalakalan, pamumuhunan, at mga usaping panrehiyon.
Kasabay rin ng pagbisita ang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa. | PND



