Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na paghandaan ang posibleng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa matapos ang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan bunsod ng desisyon ng Saudi Arabia at iba pang OPEC + oil producers na bawasan ang produksyon ng 1.16 milyong bariles kada araw.
“Nakakalungkot ang pangyayaring ito, at dapat agad na gumawa ang gobyerno ng mga aksyon na magpapagaan sa posibleng dagok sa ekonomiya ng bansa, lalo na’t inaasahan ang epekto nito sa presyo ng mga pangunahing bilihin,” sabi ni Gatchalian.
Sinabi ng vice-chairperson ng Senate Committee on Energy na dapat agad na makipag-ugnayan ang Department of Energy (DOE) sa lahat ng industry players para matiyak na sapat ang suplay ng enerhiya sa bansa.
Dagdag pa niya, dapat na ring simulan ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) ang paghahanda para muling ipatupad ang Pantawid Pasada program.
Batay sa naunang implementasyon ng programa, ang pagiging epektibo nito ay nakasalalay sa pagiging maagap sa pagbibigay nito sa mga target na benepisyaryo, binigyang-diin ni Gatchalian.
“Upang maiwasan ang pagkaantala ng pamimigay ng ayuda, dapat maging handa ang LTFRB at iba pang ahensya ng gobyerno na ipatupad ang programa nang mahusay. Dapat natutunan na rin natin ang mga aral mula sa mga nakaraang pamimigay ng ayuda,” aniya.
Sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis, nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 384, na naglalayong isabatas ang programang Pantawid Pasada upang makapagtatag ng energy subsidy program para pangalagaan ang sektor ng pampublikong transportasyon laban sa mataas na presyo ng langis.
Dagdag pa rito, sinabi ni Gatchalian na dapat bilisan na rin ng DOE ang pagpapatupad ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) upang maisakatuparan ang malawakang paggamit ng mga electric vehicles (EVs) upang maiwasang umasa nang pangmatagalan ng bansa sa imported na langis.
“Alam natin na anumang pagkagambala sa suplay ng langis ay nagdudulot ng mas mataas na presyo. Kaya’t dapat na maging mabilis ang aksyon ng gobyerno na tumugon sa hamon na ito upang magkaroon ng agarang proteksyon ang mga sektor na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis,” pagtatapos niya.



