Bagama’t ikinalulugod ni Senador Win Gatchalian ang desisyon ng European Union (EU) na patuloy na kilalanin ang mga Pinoy seafarers, nanindigan siyang patuloy ring dapat iangat ng bansa ang kalidad ng kanilang edukasyon at pagsasanay upang maging mas competitive ang ating mga seafarers.
“Pinapasalamatan ko ang European Commission para sa patuloy na pagkilala sa certificates ng mga seafarers ng bansa, at para sa pagkilala sa mga hakbang na ginagawa natin upang maiangat ang kalidad ng kanilang pagsasanay,” ani Gatchalian.
“Ngunit nagpapatuloy ang hamon para matiyak nating globally competitive ang ating mga seafarers, lalo na’t malaki ang kanilang papel at ambag sa paglago ng ating ekonomiya,” ani Gatchalian na isinusulong ang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Layon ng Senate Bill No. 822, na inihain ni Gatchalian, na protektahan ang mga Pinoy seafarers at patatagin pa lalo ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng edukasyon at skills training.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Gatchalian, magiging mandato sa Estado na tiyakin ang magandang kondisyon ng mga seafarers pagdating sa kanilang trabaho. Titiyakin din ng Estado na makakatanggap ang seafarers ng sapat na oportunidad na makapagtrabaho at mapalawak pa ang kanilang mga kakayahan. Mandato rin ng Estado sa ilalim ng panukalang batas na siguruhin ang kapakanan ng mga pamilya ng mga seafarers.
Noong 2021 ay umabot sa $6.54 bilyon ang sea-based remittances, katumbas ng 21 porsyento ng total remittances ng lahat ng Overseas Filipino Workers. Mas mataas ito sa 2020 sea-based remittances noong 2020 na nasa $6.35 bilyon.
Nagdesisyon kamakailan ang European Commission na patuloy nitong kikilalanin ang mga certificates ng mga seafarers mula sa Pilipinas. Kinilala rin ng Komisyon ang pagsisikap ng Pilipinas na sumunod sa mga pamantayan sa monitoring, supervision, evaluation, at training at assessment.
Matatandaan na noong December 2021, nagbabala ang Komisyon na maaaring hindi na kilalanin ang mga certificates ng mga Pinoy na seafarers hangga’t hindi sumusunod ang bansa sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for seafarers (STCW).