PINUNA ni Senador Win Gatchalian ang paggawad ng malalaking flood-control projects sa mga kontraktor na walang sapat na kapital. Hinimok niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na pangalanan ang mga miyembro ng bids and awards committee na nag-apruba sa mga kontrata.
“Sinu-sino ang mga nasa likod nito? Kailangan nating malaman lalo na’t may pananagutan sila sa taumbayan,” sambit ni Gatchalian sa nagdaang Senate inquiry.
Dismayado ang chairman ng Senate Finance Committee. Aniya, kung kulang sa kapital ang isang kontratista, tiyak na magtitipid ito sa gastos, na nagreresulta sa mababang kalidad ng proyekto.
“Nilalaro talaga ng ibang tao ang pre-qualification stage ng procurement. May nangyayaring sabwatan o korupsyon sa paggawad ng mga kontrata sa mga kontraktor na walang sapat na kapital. Paano nangyari na ang isang kontraktor na walang sapat na pondo ay nakakuha ng malaking kontrata?” tanong ni Gatchalian kay DPWH Secretary Manuel Bonoan. Binigay halimbawa ni Gatchalian ang kaso isang kontraktor na mayroon lamang ?1.2 milyong kapital pero binigyan pa rin ng ?1.5 bilyongproyekto.
Hinimok din ni Gatchalian ang DPWH na ipaliwanag kung paano nito tinutukoy ang kinakailangang minimum na kapital para maging kwalipikado ang mga kontraktor sa ilang partikular na proyekto. “Sino ang sumusuri sa kakayahan at kapital ng mga kumpanyang ito?” tanong niya.



