26.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 14, 2026

Gulo sa Tanggapang Pangwika:Bakit kinondena ang pagkahirang sa bagong komisyoner?

- Advertisement -
- Advertisement -

IBA’T-IBANG grupo ng mga tagapagtaguyod ng Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas – mga linggwista, iskolar at mananaliksik ng wika, dalubguro, manunulat at makata, tagasalin, pati mga estudyante ng wika at panitikan – ang mariing kumokondena sa pagkahirang sa bagong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ang KWF ang tanging tanggapang pangwika sa Pilipinas. Ang bagong komisyoner ay si Marites Barrios-Taran, direktor heneral ng KWF, na hinirang bilang kinatawan ng wikang Tagalog, kapalit ni Arthur Casanova, na siya ring tagapangulo.

Halos 20 organisasyong pangwika at pampanitikan at mga departamento ng Filipino ng iba’t ibang unibersidad ang nagpahayag ng kani-kanilang tindig laban sa pagkahirang kay Barrios-Taran. Unang naglabas ng pagtutol ang PSLLF Organization, na agad sinundan ng mga ito: Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS), Sanggunian sa Filipino (SANGFIL), Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Filipinas Institute of Translation (FIT), Kapisanang Diwa at Panitik (KADIPAN PNU), Damlay PUP Sta. Mesa (pangunahing kapisanan ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Edukasyon sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas). Agad ding naglabas ng katulad na pagtutol ang mga departamento ng Filipino ng iba’t ibang unibersidad, tulad ng De La Salle University – Manila (DLSU-M), Pamantasang Ateneo de Manila (ADMU),  Unibersidad ng Pilipinas – Diliman (UPD) kabuklod ang Sentro ng Wikang Filipino (SWF UPD),  PUP – mga guro at estudyante ng Filipinolohiya, Fakulti ng mga Wika at Literatura at Sentro ng Pag-aaral sa Wika ng Philippine Normal University (PNU), UP Los Baños CAS Departamento ng Humanidades, Bulacan State University (BulSU), UP Rural High School (UPRHS), Central Luzon State University (CLSU), at UP Departamento ng Linggwistiks.

Kinukuwestiyon nila ang kwalipikasyon ni Barrios-Taran bilang komisyoner ng wikang Tagalog sapagkat ayon sa Batas Republika 7104 na nagtatag ng KWF, at sa Implementing Rules and Regulations (IRR) nito, ang isang komisyoner ay dapat na “kinikilala sa kanyang kadalubhasaan sa wika, panitikan, kultura, at disiplinang kakatawanin niya.” Ayon sa 20 grupong tumututol, wala pa silang nakikitang ebidensya, halimbawa’y sinulat na mga aklat, artikulong pang-journal, pangwikang saliksik at pag-aaral, na magpapatunay ng kadalubhasaan sa wika, panitikan, at kultura ng Tagalog, ang etnolinggwistikong pangkat na kinakatawan ni Barrios-Taran, isang abogado at certified public accountant (CPA) mula sa Aklan.

Samantala, umaapela naman ang Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF, sa kanilang sulat sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na dinala sa Tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Napagkaitan umano sila ng pagkakataon na tupdin ang kanilang tungkulin kapag may bakante. Ayon sa BR 7104, kapag may nabakanteng posisyon, sa loob ng 30 araw, ang Kalupunan ay magrerekomenda sa Pangulo ng kapalit mula sa isang listahan ng mga nominado galing sa grupong etnolinggwistiko na nawalan ng representasyon. Ngunit nabigla na lamang ang lahat  balita noong umaga ng Agosto 5: tinanggap ng Pangulong Marcos ang courtesy resignation ni Casanova. Nang hapon ding iyon, nahirang namang kinatawan ng wikang Tagalog si Barrios-Taran “vice Arthur Casanova.” Hindi na nabigyan ng pagkakataon ang Kalupunan na maghanda ng listahan ng mga karapat-dapat at magnomina mula sa listahang ito, ayon sa hinihingi ng batas.

Ang liham ay nilagdaan ng anim na part time na komisyoner at ni Casanova.


Ang ganitong pangyayari ay nagbubukas ng mga tanong na kailangang linawin. Nagbitiw si Casanova bilang Tagapangulo, noong Mayo 2025, pag-alinsunod sa atas ng Pangulo na maghain ng courtesy resignation ang mga puno ng mga tanggapang pampamahalaan. Tinanggap ang kanyang pagbibitiw bilang Tagapangulo, pero hindi siya nagbitiw bilang komisyoner. Dalawa ang appointment ni Casanova, una, noong Enero 2020, bilang komisyoner na kumakatawan sa wikang Tagalog; at pangalawa, noong Disyembre 2020, bilang Tagapangulo ng KWF. Samakatwid, nagbitiw lamang siya bilang Tagapangulo, hindi bilang komisyoner. Kung gayon, komisyoner pa rin ba siya? Kung gayon din, balido ba ang pagkahirang kay Barrios-Taran gayong hindi bakante ang posisyon ng kinatawan ng wikang Tagalog. Ang parirala bang “vice Arthur P. Casanova” ay mismong hudyat na ng pagsibak sa isang komisyoner na ayon sa IRR ng KWF ay matatanggal “dahil sa paglabag at pagpapabaya sa tungkulin, malubhang pag-abuso sa kapangyarihan, at iba pang mabigat at mapangangatwiranang kadahilanan.” Walang ganyang mga kaso si Casanova. Samakatwid din, ang nabakante lamang ay ang posisyon ng Tagapangulo, pero hindi ang kinatawan ng Tagalog, na siya namang hinahawakan ni Barrios-Taran.

Sa mga pabalitang ipinakalat ng mismong KWF, si Barrios-Taran ay nahirang na Tagapangulo at kinatawan ng wikang Tagalog, gayong ang papeles pala niya ay nagsasabi lamang ng pagkahirang bilang komisyoner ng Tagalog, hindi bilang Tagapangulo. Samakatwid, posible kaya na mismong pamunuan ng KWF ay nagpapakalat ng maling impormasyon, na maaaring ikalito ng madla?

Nagtatanong ang taumbayan: bakit nangyayari ang ganitong kaguluhan sa tanging ahensyang pangwika ng pamahalaan, ngayon pa namang ipinagdiriwang natin at ipinagbubunyi ang wikang Filipino at ang mahigit sandaan pang mga wika sa Piipinas?

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -