29.5 C
Manila
Lunes, Hunyo 15, 2026

Paramihin ang mga ‘book nooks’ sa bansa

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Una sa serye)

ANG pagbabasa at pagkukuwento ay mahalagang kasangkapan tungo sa pag-unlad. These are potent tools for nation-building. Huwag ipagkamaling pampalipas-oras lamang ang ganitong aktibidad gaya nang tingin dito ng marami sa atin. Sabi nga ng isang kaibigan ko, kaya raw hindi naihihilig dito ang mga bata ay sapagkat minsan daw, parang katamarang maituturing ng mga magulang ang habit ng anak na mahilig magbasa. Mas katanggap-tanggap sa kanila kung ang kanilang mga anak ay naglilinis ng bahay, naghuhugas ng pinggan, naglalampaso, kaysa kung nakaupo lamang sila sa isang sulok at nagbabasa ng aklat.

Kasama ni Dr. Luis Gatmaitan (resource person) ang mga nangunguna sa Book Nook projects: Carlo Ebeo (NBDB), Charisse Aquino-Tugade (kasama ang anak na si Tala; NBDB), Daniel Mariano (NBDB), at Rey Bufi (resource person)

Pero ang pagbabasa ay isang aktibidad na nangangailangan ng ating buong atensiyon. Kailangang maintindihan o ma-decode ang mga salita. Kailangang may pokus o konsentrasyon. Hindi sapat ang kakayahang makabasa lang ng teksto, dapat ay nauunawaan ang binasang teksto/kuwento (reading with comprehension). Kaya kapag seryoso tayong nagbabasa ng aklat, kailangang ito lamang ang ating ginagawa at hindi kasabay ng kung ano-ano pang gawain. Reading requires our full engagement, sabi nga. At nangangailangan din ito ng maayos at angkop na lugar.

Sa isang Book Nook site sa loob ng Nabitasan Integrated School sa Iloilo City; kasama si Daniel Mariano, head ng Readership Division ng NBDB

Mabuti na lang at may itinatag na Book Nook Project sa ating bansa ngayon. Ito’y isang proyektong inilunsad noong 2021 sa pamumuno ni Charisse Aquino-Tugade, Executive Director ng National Book Development Board (NBDB), na naglalayong magtatag ng mga ligtas at inklusibong espasyo para sa pagbabasa. Ang prinsipyong nagbubuklod sa lahat ng Book Nook ay simple lamang: “Aklat para sa lahat.” Hindi dapat limitado ang pagbabasa sa iilan lamang. Ang mga aklat ay dapat na makaabot hanggang sa pinakamalalayong baryo, sa mga bundok at isla, sa bawat lugar kung saan may batang nangangarap at nagnanais matuto.

Ang mga participants ng ‘Sug-alaw’ Book Nook Annual Conference sa Iloilo City

Naanyayahan akong maging isa sa mga tagapagsalita sa idinaos na pambansang pagtitipon ng mga guro, storytellers, artists, at mga tagapagtaguyod ng pagbabasa (o reading advocates) nitong nakaraang buwan sa lungsod ng Iloilo. Isinagawa ito sa ilalim ng Readership Division ng National Book Development Board (NBDB), at tinaguriang “Sug-álaw: A Grand Encounter of Stories, Cultures, and Communities.”


Si Comm. Carlo Ebeo, consultant ng Book Nook project

Nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ang napakaraming Book Nook coordinators at advocates mula sa iba’t ibang panig ng bansa, pati na ang namamahala ng Book Nook center sa Sitangkai, isang isla na mapupuntahan sa pamamagitan ng bangka mula sa Bongao, Tawi-Tawi. Kulang sa dalawang oras sa bangka, ito na ang masasabing pinakamalayong book nook site sa buong Pilipinas.

Mga estudyanteng bumisita sa Book Nook site sa loob ng National Museum of the Philippines-Iloilo kasama ang awtor na si Dr. Gatmaitan

“Nais kong makatulong sa sinasabing kakulangan sa access ng mga libro sa iba’t ibang komunidad,” bungad ni Tugade. “Kaya naisip namin ni Commissioner Carlo Ebeo ng NCCA na magtatag ng mga reading centers na kalaunan ay tinawag naming ‘Book Nooks. Ang aming ahensya ang bibili ng mga aklat na ilalagak namin sa mga itinatatag na book nook sites,” kuwento pa niya. “At kailangan ay mga aklat na inakda ng mga Pilipino, hindi imported books.”

Ang tagapagtatag ng Book Nook Project na si Charisse Aquino-Tugade (dulong kaliwa), kasama ang mga book nook coordinators ng Sitangkai, isang malayong isla sa Tawi-Tawi

Kapuri-puri ang mga ganitong inisyatiba na magtayo ng ligtas at open spaces para sa lahat, lalo na para sa mga bata at kabataan, upang magkaroon sila ng libreng access sa mga aklat na likha ng mga Pilipinong manunulat at ilustrador. Hindi lamang ito mga libreng reading corners, kundi puwede ring pagsalukan o paghugutah ng ating lokal na kultura at wika.

“Lahat ay welcome na magpunta rito,” sabi naman ni Carlo Ebeo, ang consultant ng NBDB. “Ang Book Nook ay hindi lamang sentro ng pagbabasa sa mga bata’t kabataan. Kahit ang mga adults ay welcome pumunta rito para sila man ay magbasa at payamanin ang sariling diwa. May mga aklat ding laan para sa nakatatanda,” dagdag pa niya.

- Advertisement -

Sa loob ng apat na taon, dahan-dahang umusbong ang mga Book Nook sites sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. “Mula sa dating 113 sites, may nadagdag na 20 Book Nook sites pa ngayong taong ito,” may pagmamalaking sabi ni Daniel Lorenzo Mariano, Head ng Readership Division ng NBDB na nakatutok sa gawaing kaugnay sa Book Nooks. “At sana’y mas dumami pa. Dahil lubhang kailangan natin ngayon ang maraming-maraming Book Nooks para sa nangyayaring reading crisis,” nababahalang paliwanag ni Mariano.

Ngayong taong ito, nagtipon-tipon ang mga katuwang sa proyektong ito upang palakasin pa ang kanilang ugnayan at misyon. Matindi ang nakita kong networking at bonding mula sa participants. May mga sesyon na nagbabahagi ang coordinator ng ulirang Book Nook sites ng kanilang ‘best practices’ sa kanilang sariling center, gaya ni Ceci Pefianco mula sa isang Book Nook site sa Antique.

Kung noon ay halos mangarap lang tayo ng mas maraming librong puwedeng basahin, ngayo’y aktuwal na tinutugunan ng NBDB ang pangangailangang ito. At nakalagak ito sa mga itinatag na Book Nooks. Ang tunay na sukatan ng tagumpay ng Book Nook Project ay kung paanong ang mga itinayong reading sites ay magiging tuluy-tuloy na parte ng buhay ng komunidad.

Ang mga diskusyon, plano, at estratehiyang nabuo sa kumperensiyang ‘Sug-alaw’ sa Iloilo City ay inaasahang maisasalin sa kongkretong aksyon: mas maraming Book Nook sa iba’t ibang sulok ng bansa, mas maraming kabataang matututong magbasa, at mas malalim na pagpapahalaga sa sariling panitikan at kultura.

(Itutuloy)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -