31.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Alokabol: Lumalawak na bokabularyo ng korapsyon sa Pilipinas

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NARINIG mo na ba ang salitang ALOKABOL? Bagong salita, di ba? Ingles ba o Filipino ang salitang ito?

Nang una ko itong marinig sa isang pagdinig sa Senado tungkol sa flood control projects, ang unang pumasok sa isip ko ay baka salitang Ingles ito. May salita kasi sa Ingles na ALLOCATE, na nangangahulugang “maglaan ng pondo para sa isang gawain.” Dahil mga pondo para sa baha ang pinag-uusapan, inakala ko na ang salitang ALOKABOL ay tungkol sa perang mailalaan para lunasan ang problema sa baha.

Naisip ko pa, saan kaya ang diin sa wastong bigkas nito? Paano kaya ito papantigin? A-LO-ka-bol, na nasa LO ang diin? O A-lo-ka-bol, na ang diin ay nasa unang pantig na A?

Pero sa isang talk show na naghihimay ng mga paksang pampolitika, natuklasan ko na ang salitang ALOKABOL pala ay bagong imbentong salita, na ang salitang ugat ay ALOK. Ang ALOK ay nangangahulugang mag-offer, o magpresenta, o mag-anyaya o manghikayat ng sino man na gamitin o bilhin ang isang bagay o produkto. Samantala, ang ABOL naman ay mula sa Ingles na panlaping -ABLE na nangangahulugang “may kakayahang gawin ang bagay na isinasaad ng salitang ugat.” Samakatwid, ang ALOKABOL ay may kahulugang “may kakayahang mag-alok o manghikayat na gawin ang isang bagay.”

Sadyang tayong mga Pilipino, malikhain sa pagbubuo ng mga bagong salita. Isang halimbawa na nga ang ALOKABOL. May iba pang mga salita na matagal nang bahagi ng ating lumalawak na bokabularyo. Mga halimbawa: PRESIDENTIABLE. Ibig sabihin, pwedeng maging president. SENATORIABLE, pwedeng maging senador. Ang -ABLE sa Ingles, ikinakabit natin sa kahit anong salita, at ergo, may bagong salita na tayo. Sa pagkaalam ko, ang mga salitang ito ay bahagi ng Filipino English, na tayo lamang mga Pilipino ang gumagamit. Isa pang halimbawa: GODBLESS.


Iba pang halimbawa: Dahil may salitang DOCTORAL, na tumutukoy sa programang gradwado ng mga kumukuha ng digri na doctor in philosophy, nauso rin ang salitang MASTERAL, na kinukutya ng iba, dahil ang standard English nito ay MASTER’S (degree). Pero ganyan tayong mga Pilipino. Sa sarili nating paraan, bumubuo tayo ng mga salita at nagbibigay hindi lamang ng bagong anyo kundi pati na rin mga bagong kahulugan.

May nagsabi nga, na ang kahit anong salita sa Filipino, lagyan lang ng panlaping makadiwa, makangalan, o makauri, ay makabubuo na ng pandiwa, pangngalan, at pang-uri. Pinaghahalo rin natin ang mga salitang Filipino at panlaping Ingles, at ang isang resulta nga ay ALOKABOL.

Ang tinutukoy ng salitang ito ay mga proyekto kaugnay ng baha na ayon sa balita ay pwedeng IALOK o pwedeng IBABA sa isang mataas na opisyal ng gobyerno. May senador nga raw na nagsabing, “Pakisabi kay Sec, MAGBABA sa akin ng proyekto.” At ayon sa pagdinig na naganap kamakailan, ang proyektong pang-flood control ay madaling pagkakuwartahan dahil mahirap mamonitor, mahirap daw patunayan kung epektibo, kung nakompleto ba o hindi, kung may patunay ba na naisagawa.

Kaugnay pa rin ng paksang ito, alam mo ba ang bagong kahulugan ng BASURA? Ito pala ang tawag sa perang nakalagay sa maleta na inihahatid sa bahay ng ilang kongresista. Bakit BASURA ang tawag sa limpak-limpak na salaping kinukulimbat diumano ng ating mga mambabatas? Isang paraan iyan para itago ang tunay na halaga ng delivery, kung tunay nga ito. May mga nagtatanong kasi kung tunay bang idineliver sa bahay ng isinasangkot na mga kongresista ang gayon karaming kuwarta na isinakay sa kung ilang van, na di man lamang nagtanong ang mga guwardiya sa eksklusibong subdibisyon?

- Advertisement -

At ang isa pang tanong, gayon palang katakot-takot na salapi ang delivery, hindi kaya KUMUPIT o UMUMIT ang mga nagdeliver? Mapapansin pa kaya kung bawasan ng isang bungkos ang sangkatutak na pera? UMIT o KUPIT kaya ay hindi natuksong gawin ng mga delivery boys sa KINULIMBAT o DINAMBONG na pera?

Lumalawak ang bokabularyo ng korapsyon sa Pilipinas, habang natutuklasang gayon na pala kalawak ang pandarambong sa kaban ng bayan. The plot thickens, sabi nga sa Ingles. Saan kaya tayo dadalhin ng mga pangyayaring ito? Abangan ang susunod na kabanata.

Kaugnay pa rin ng salitang KORAPSYON, may nagtanong kung ano raw ang tama: KORUPSIYÓN o KORÁPSYON? Parehong mali, kung kahulugan nito ang pinag-uusapan. Hindi dapat nagaganap, o nagiging kalakaran, sa alin mang bansa. Ngunit balik tayo sa ispeling. Mas maraming gumagamit ng KORAPSYON kaysa KORUPSIYON. Patunay ang mga placard, tarp, at patalastas sa naganap na Baha sa Luneta at Trillion Peso March noong Setyembre 21, 2025. Ang KORUPSIYON, gaya ng naipaliwanag na sa nakaraang Wika Nga noong Setyembre 24, ay mula sa wikang Kastila, at binibigkas nang mabilis. Samantala, mas nakakiling na tayo ngayon sa panghihiram sa Ingles, kaya ang KORAPSYON ay mula sa Ingles, pati bigkas nito ay mula sa Ingles, na ang diin ay nasa pantig na RAP. Mas popular din ang ispeling na SYON kaysa sa ipinapataw na tuntunin ng Komisyon sa Wikang Filipino, na SIYON.

Samantala, ang tao na gumagawa ng korapsyon ay tinatawag namang KORAP. Hindi KURAP, na ang ibig sabihin ay pagpikit-pikit ng mata. Kaya siguro KORAP ang mas pinili ng mga tao ay dahil sa malapit ito sa KORAPSYON. At kaugnay nito, may nabasa akong aktibidad na magaganap sa Oktubre, DI KUKURAP SA KORAP. Isang malikhaing paglalaro ng salita.

Parang wala nang gumagamit ng TIWALI, at KATIWALIAN na dating ginagamit noong hindi pa ganito katindi ang gawaing ito.

May mga salitang hindi na sana lumaganap sa ating bansa, tulad ng KORAPSYON at IMPUNITY, na tinumbasan ng KAWALANG PANANAGUTAN sa isang rali sa Liwasang Bonifacio noong Enero 31, 2025. Lumalawak ang bokabularyo ng korapsyon dahil patuloy na lumalaganap ang gawain, dahil hindi napapanagot ang mga may sala. Sana ay hindi na madagdagan pa ang dumaraming mga salita kaugnay ng korapsyon, na mangyayari lamang kung mapipigilan ang paglaganap ng korapsyon sa ating bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -