34 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Ang Panlaping PA-

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikalawang Bahagi)

TINALAKAY NATIN nang nakaraang isyu ang gamit ng panlaping PA- sa pagbuo ng mga salitang pangngalan, pandiwa, pang-uri at pang-abay. Sa lahat ng ito, ang PA- ay nagsasaad ng sanhi o kosatibo, na ginamit ito upang sabihin ang sanhi ng kilos o kahulugang isinasaad ng salitang ugat.

Ang Pa-+Pa-

Naririnig siguro ninyo ang ganitong mga pahayag:

  1. PAPArating na ang bagyo, bilisin na ang paghahanda.
  2. PAPAlapit nang papalapit ang mga lindol, baka lugar na natin ang susunod?
  3. PAPAalis na ang bagyo, kaya malapit nang makauwi ang mga bakwit sa kani-kanilang bahay.
  4. PAPAlayo na ang mga yabag kaya nakahinga na kami nang maluwag.
  5. PAPAlaot na ang mga mangingisda nang biglang magdilim ang langit.
  6. PAPAbaba na ang mga mountaineer nang biglang kumidlat at bumuhos ang ulan.
  7. PAPAtapos na ang semester nang biglang yumao ang aming guro.
  8. PAPA-Mendiola na ang mga raliyista matapos ang programa sa Liwasang Bonifacio.
  9. PAPAsimula na ang programa nang bigla kaming pagbawalang magpatuloy ng gawain.

10.PAPAtulog na sana kami nang biglang yumanig ang paligid.


  1. PAPAlabas na kami nang dumating siya.
  2. Nang lumindol, nagkasalubong kami sa hagdan: PAPAbaba kaming mga Pilipino ay PAPAakyat naman silang mga Hapones.

Ang tanong: magkaiba ba ang mga sumusunod, ang may pag-uulit ng PA- at ang wala: (1) paparating at parating, (2) papalapit at palapit, (3) papaalis at paalis, (4) papalayo at palayo, (5) papalaot at palaot, (6) papababa at pababa, (7) papatapos at patapos, (8) papa-Mendiola at pa-Mendiola, (9) papasimula at pasimula, (10) papatulog at patulog, (11) papalabas at palabas, at (12) papaakyat at paakyat? Iba ba ang unang PA- sa pangalawang PA-?

Batay sa ilang halimbawa sa itaas, ito ang aking masasabi: isa lamang ang una at pangalawang PA-. Mayroon lamang pag-uulit. Kung gayon, ano ang epekto ng pag-uulit sa mga salitang may dalawang PA-? Sa tingin ko, (1) mas matindi ang epekto kapag may pag-uulit ng PA-; ibig sabihin, mas dama ang pangangailangang kumilos na habang maaga para maiwasan ang ano mang sakunang maaaring ibunga ng ibinababala. Isa pa, (2) hindi lahat ng salitang ugat ay maaaring kabitan ng 2 PA-. May mga salitang ugat na sa palagay ko ay magiging kakatwa kung kakabitan ng dalawang PA-. Parang weirdo, o hindi ko pa naririnig o nababasa ang ganitong mga halimbawa: papalaba, papaluto, papagising, papaligo, papasagwan. Posible rin naman na maaaring wala pa lamang gumagamit sa ngayon. At (3) napansin ko na karamihan ng mga salitang ugat na ginamitan ng 2 PA- ay may direksyon o patunguhan.

Iyan ay mga obserbasyon na mangangailangan ng dagdag pang pagsusuri at mga datos.

Ang pasariling PA-

- Advertisement -

Ito ay batay sa obserbasyon ni Dr. Ricardo Ma. Nolasco, kinikilalang linggwista mula sa UP Diliman. Ayon sa kanya, may gamit na PASARILI ang panlaping PA-: ibig sabihin, iisa ang aktor at ang tagatanggap o benepisyaryo ng kilos. Tingnan natin ang mga halimbawa:

  1. May PABIGAS ang kongresista sa mga pensyonado ng SSS noong anibersaryo ng ahensya. (Sino ang nagbigay ng bigas, ang kongresista, di ba? Sino ngayon ang makikinabang sa bigay niyang bigas, di ba, siya rin, dahil mas makikilala siya ng mga botante at maaalala pagdating ng halalan.)
  2. NagPABAHAY ang mayamang negosyante sa kanyang mga empleado kaya lalo siyang napamahal sa mga ito. (Sino ang sanhi ng pagkakaroon ng bahay ng mga empleado, ang kanilang among negosyante, di ba? Sino, sa bandang huli ang makikinabang sa pabahay? Hindi lamang ang mga empleado kundi pati ang negosyante dahil naging mas masipag ang mga empleado at naging mas produktibo nang magkaroon ng sariling bahay. Kaya mas lumaki ang tubo ng negosyo.)
  3. NagPASAKLA ang mga naulila para makalikom ng pampalibing. (Sino ang nagdaos ng sakla, ang mga naulila, at sila rin ang makikinabang sa kikitaing tong.)
  4. NagPAAHIT sa barbero ang artista. (Ang artista ang inahitan, siya ang tumanggap ng kilos ng pag-ahit, at siya rin ang nakinabang dahil lalong gumwapo at naging kaaya-aya ang itsura).

Ang mga halimbawang ito ay nagpapakita ng kilos na pasarili: Ang isang tao ang sanhi ng kilos, hindi man siya ang gumawa nito, siya naman ang dahilan kung bakit nagawa ang kilos. At siya rin ang tumanggap ng kilos o nabiyayaan ng bunga ng kilos.

Iba naman ito sa gantihang kilos, na may dalawang tao na nagsasagawa ng parehong kilos at ang tinatamaan ay ang isa’t isa. Mga halimbawa: (1) NAGBATUHAN ng tuligsa ang mga kongresista at senador kaugnay ng maanomalyang flood control projects. (2) May maaasahan pa kaya tayong mapapanagot gayong nakikita natin ang PAGTATAKIPAN ng mga maykapangyarihan sa isa’t isa?  PROTEKTAHAN na iyan!

Ang PROTEKTÁHAN ay may diin sa TA, at nangangahulugang pagprotekta at pagtatakip sa isa’t isa. Narinig ko ito sa Facts First ni Christian Esguerra, 10/20/2025.)  Iba ito sa PROTEKTAHÁN, na ang diin ay nasa huling pantig at nangangahulugang “to protect someone,” pero hindi ang isa’t isa.

Ang PA- na nakabatay sa pang-uri at pag-uulit

Ang mga pangungusap na ito ay naglalarawan ng mga salitang may PA- na nakabatay sa pang-uri at pag-uulit. Mula pa rin kay Dr. Nolasco ang mga halimbawang pangungusap.

- Advertisement -
  1. Parang kada taon, pasikip nang pasikip ang tren.
  2. (P)alungkot ako nang palungkot tuwing birthday ko.
  3. Pamahal nang pamahal ang mga bilihin kaya ako napamura.
  4. Palala nang palala ang trapiko sa SLEX.
  5. Nararamdaman n’yo siguro na palamig na nang palamig, di ba?

Ang pangalawang pag-uri na inuulit ay nagpapakita ng papasidhing kilos. Mas sumisikip ang tren, mas lumulungkot ang nagsasalita, mas nagmamahal ang mga bilihin, mas lumalala ang trapiko, mas lumalamig ang klima: ito ang ipinapahayag ng pag-uulit.

Hindi pa gaanong napapag-usapan ang ganitong mga talakay sa mga usapang panggramatika. Hindi lamang gramatika ang saklaw nito kundi pati na pagpapakahulugan sa mga anyong gramatikal, na nagpapakitang sa bawat pagbabago ng anyo ng salita, may nababawas o nadadagdag na kahulugan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -