32.3 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Mangyari o hindi, pinangangambahang ‘The Big One’ dapat paghandaan

- Advertisement -
- Advertisement -

KAKULANGAN sa mga structural engineer, psychiatrist at mga bubuwag sa maling impormasyon ang mga kinakailangang solusyunan ng pamahalaan bilang bahagi ng kahandaan sa sakuna, gaya ng lindol, partikular na sa pinangangambahang “The Big One.”

Joselito Castro, dating chief ng Batangas Provincial Risk Reduction and Management.

Ito ang ibinahagi ni dating Batangas Provincial Risk Reduction and Management chief Joselito Castro sa isang panayam sa Pinoy Peryodiko (pinoyperyodiko.com) sa pamamagitan ng voice recording na ipinadala sa email.

Aniya, ito ang mga nakita niyang “gap” sa pagresponde ng pamahalaan nang panahon ng pagputok ng bulkang Taal na kinakailangang aksyunan ng pamahalaan upang maging mas handa kung sakali mang magkaroon ng malaking sakuna sa bansa gaya ng pinangangambahang “The Big One” o ang paggalaw ng West Valley Fault na tinatayang kikitil sa mahigit 30,000 katao sa magnitude na 7.2. (May kaugnay na ulat nitong Oktubre 15, 2025)

Kokontrata ng structural engineer


“Noong lumindol po sa Batangas ito po ang kulang: yung serbisyo ng magsasagawa  ng rapid damage assessment – yung expertise ng structural engineer. Maniniwala po ba kayo na sa amin sa provincial government sa Batangas ng time ko, wala kaming structural engineer? At ako po ay nagtanong-tanong, nalaman ko na ang structural engineer pala ay napakamahal ng services. So, ayan po ang isa, kapag nagkaroon po ng malawakang kapinsalaan ay wala tayong basta mahagip na uri ng inhinyero na may kabatiran sa assessment ng nasirang istraktura,” saad ni Castro.

Dagdag pa ni Castro, may nakapanayam at nakausap silang asosasyon ng mga structural engineer na nagsabi na tutulong sa lalawigan ngunit wala umanong nangyari dahil “hindi sila tumulong.”

“Ang totoo may negatibo pa nga kaming natanggap na balita na may mga structural engineer na nangontrata sa may kakayanan na magbayad para i-assess ang kanilang bahay,” sabi ni Castro.

Kung kaya, kukuha na lamang ng structural engineer na babayaran ang serbisyo ng provincial capitol sakaling may mangyaring pinsala dulot ng malaking paglindol.

- Advertisement -

Psychosocial intervention

Bukod sa structural engineer, kulang na kulang din, aniya, ang mga taong may kakayahang magsagawa ng psychosocial intervention, gaya ng mga psychiatrist.

“Isa pang gap natin sa mga nagdaang kalamidad, ang kulang na kulang po ay mga eksperto na magpo-provide  ng psychosocial intervention sa mga biktima. Nakita ko po ang mga naging biktima ng paglindol– mga bata, matanda, sumisigaw, umiiyak, nasa kalagayang trauma, pero wala po,” ani Castro.

Balik-tanaw niya, noong panahon nya sa PDRRM ng Batangas, mayroon lamang dalawang trained para rito.

Nang sumabog ang bulkang Taal, nagpadala ang Department of Health ng 10 at ang Philvocs, anim. Dali-dali rin aniyang nagpa-training ang Department of Education sa mga maaaring makatulong sa pagka-counsel sa mga biktima.

Subalit, ipinaliwanag din niya, na hindi lamang mga biktima ang nangangailangan ng psychosocial intervention kundi maging ang mga kawani ng gobyerno na tumutugon sa pangangailangan ng mga tao.

- Advertisement -

“Ang totoo hindi lang mga biktima lamang ang nagkaroon ng psychosocial (issue), maging mga practitioners sapagkat kapag na-prolong na ang operations, nakakaapekto na rin yan sa aming judgement. Kung kami apektado ang aming isip, sa containment sa stress, nangangailangan din kami. Yun ang nakita kong kulang sa mga ganoong eksperto, sana ang gobyerno magprovide ng ganyan,” sabi pa ni Castro.

Panganib ng maling impormasyon

Isa pa sa kinakailangang aksyunan ng pamahalaan ang paglaban sa mga maling impormasyon, mga iresponsableng tao na nagkakalat ng mali na maaaring magpahamak sa publiko.

“Ang isa pang kulang sa risk communication. Paano iko-combat ang mga negative na dumarating na maling impormasyon, nagpapakalat ng maling impormasyon, ginagamit ang social media para dayain ang mga tao para ma-deceive sa impormasyong kanilang ibinibigay,” ani Castro.

Saad pa niya, habang tumatagal ito, nagkakaroon ito ng malaking epekto sa operasyon at nagpapabagal dahil nagkakaroon ng malaking paggambala sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Binigyang-diin ng dating opisyal ang kahalagahan na maging responsable sa social media dahil isa ito sa nagpapahirap sa trabaho ng Disaster Risk Reduction and Management.

“Nagiging negative ang nangyayari sa atin dahil sa social media. Ang isa po sa experience namin na nahihirapan kami dahil sa maling impormasyon na umiiral, na kung minsan kaya napapahamak ang mga tao dahil nadadala sila ng maling impormasyon, mga maling impormasyon na ikinakalat ng mga  iresponsable. Kaya sana ang mga tao, doon lamang sa proper authorities kumuha ng tamang impormasyon para sa ikaliligtas sa panahon ng sakuna,” sabi ni Castro.

Magpraktis ng earthquake drill

Ayon kay Castro, naging matagumpay ang mga earthquake drill na isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan at mga paaralan bilang paghahanda sa paglindol.

Isa itong programa ng pamahalaan kaakibat maging ang pribadong sektor upang maging handa ang bawat isa upang maiwasan ang sakuna at maging ligtas.

Ayon kay Castro, kinakailangang mas seryosohin ng mga Pilipino ang kahandaan sa kalamidad kung saan iminungkahi niya ang pakikiisa sa mga earthquake drill at pagsasagawa rin nito sa bawat bahay.

Aniya, bahagi ng paghahanda ang involvement ng mga pamilya. “Kung ang pamilya ay handa mas magiging maganda po ang kalalabasan kung sakali mang dumating ang kalamidad,” saad ni Castro. “Hindi lamang basta alam nya, kailangan maisagawa para magkaroon ng kasanayan, ang bagay na sanay tayo ay madaling gawin kaya ito po ang ikinakampanya sa mga barangay kaya dapat makiisa hindi lang every quarter kundi mas mabuti mas madalas para ang mga tao ay sanay.”

Epektibo aniya ang “drop, cover, and hold” na ginagawa sa mga earthquake drill.

“Itong drop, cover and hold ay tested po ito, yung effectiveness nito tested naman sa naranasan nating mga lindol dito sa Batangas,” ani Castro.

Ngunit hindi lahat nakikisali sa earthquake drill. Ito aniya ang isa sa mga kamalian na dapat ituwid. Nang dahil sa kakulangan sa partisipasyon, sa halip na isagawa ang ‘drop, cover, and hold’ kapag yumayanig ng malakas, pagtakbo agad ang naiisip.

“Dahil sa kakulangan ng partisipasyon nila sa drill sa halip na isagawa muna ang drop cover and hold kapag yumayanig, ang  intensyon agad ay tumakbo mula sa dako na kanilang kinaroroonan. So ang nangyayari tumatakbo agad. Palibhasa lalo kung malakas ang lindol may tendency na lalong madisgrasya ang tao na gusto ang mabilis na paglikas. Kundi dapat isagawa muna ang drop cover and hold at pag tumigil saka mag evacuate,” paliwanag pa niya.

Payo pa ni Castro, dapat ding isaalang-alang sa drill ang scenario ng aftershock.

“Dapat iconsider din sa drill ang scenario ng aftershock dahil kapag malakas ang lindol madalas po ang aftershock – pag kulang sa kaalaman ay nagkakaroon ng insidente,” sabi ni Castro.

Gayundin, kinakailangan aniya ang kaalaman ng mga tao kung saan ang tamang lugar na pupuntahan lalo na sa mga lugar pasyalan.

“Obserbasyon ko kapag lumilindol ang mga tao hindi nila alam san ang dako ng paglikas lalo na sa mga papamasyal, mall, dapat inuuna matingnan saan ang evacuation area kung saan, para maging ligtas sa sakuna dulot ng pagyanig,” ani Castro.

Mga kailangang ihanda

Ayon kay Castro, kasama sa programa ng pamahalaan ang kahandaan ng bawat pamilya. Mahalaga aniya na magkaroon din ng family emergency drill.

Bukod rito, binanggit rin ni Castro ang iba pang kakailanganin sa oras ng sakuna. Kabilang na rito ang ‘go’ bag na naglalaman ng mga kakailangan ng isang pamilya.

Ayon sa emergency go-bag checklist  ng Unicef, ito ang mga dapat ilaman sa go bag: toiletries gaya ng sabon, toothbrush at toothpaste, damit, menstrual pad, diaper at wet wipes para sa mga bata, pagkain, gamot at first aid kit, thermometer, emergency tools gaya ng flashlight, power bank, pito para sa bawat myembro, kandila at posporo, tali, kumot, notebook at lapis, listahan ng mga emergency number at contact number ng barangay o LGU, laruan o comfort object para sa mga bata; mga mahahalagang dokumento at cash.

Gagampanan ng Batangas

Bagama’t walang masasabing sapat na paghahanda, ayon kay Castro, nakalatag na ang magiging operasyon ng pamahalaan sa oras na yumanig ang West Valley Faulth.

Bagama’t hindi direktang nadadaanan ng West Valley Fault (WVF), tinatayang aabot pa rin sa magnitude 6 ang magiging lindol sa Batangas kung yayanig ng magnitude 7.2 sa naturang fault line.

Sa kabila nito, nakaatas sa Batangas at lalawigan ng Quezon na rumesponde at magbigay tulong sa mga masasalanta sakaling lumindol, ayon kay Castro.

“Ang papel na gagampanan ng Batangas at Quezon sa lalawigang nasasakupan ng Calabarzon, katuwang po ang lalawigan ng Batangas sa magreresponde sa Metro Manila at mga lugar kung saan nandun ang West Valley Fault, ang koordinasyon po nito mula po sa NDRRMC, Office of Civil Defense ng region hanggang provincial na mga NDRRMO ay naka ‘in place’ ang coordination. Ang coordination po na ito ay ibat-ibang government agencies, NGOs, NGAs, involve po sa coordination na ito, dahil may iba’t ibang contingency plan po ang iba’t ibang ahensya,” ani Castro.

“Ang mga planong ito ay binubuo ng mga cluster o grupo ng mga ahensya na may kanya-kanyang gampanin kapag may sakuna,” paliwanag ng dating opisyal.

Mga aral mula sa Taal at iba pang kalamidad

Ibinahagi ng dating opisyal na malaki ang naituro ng pagsabog ng Bulkang Taal sa paghahanda laban sa mga sakuna.

“Sa pagputok ng bulkang Taal, ang mga hazards po ng lindol palibhasa may tinatawag tayong volcanic quakes gaya ng pagkabiyak ng lupa na sumira sa mga kabahayan, gusali at kalupaan, so, ang natutunan po natin sa Philvocs, kapag ito po ay mangyayari, yung mga lugar po na may fissures, na kung ihalintulad kung sa lindol ay faultline, dapat malayo po ng limang metro o higit pa, at kinakailangan sa may faultine walang itatayong istraktura para wala pong mapinsala sa lindol,” paalala ni Castro.

Teknikal at damayan mahalaga

Para sa dating opisyal, parehong mahalaga ang teknikal na kahandaan at disiplina ng tao.

Aniya parehong kinakailangan ang technical preparation at malasakit sa kapwa.

“Kinakailangan yung discipline yung attitude ng tao dapat mabago. Dapat umiral sa tao ang compassion, kung kailan may kalamidad magdamayan, hindi sana mangyari pa kung kailan may emergency saka pa may mga taong nananamantala. Napakapangit, bumibigat pa lalo pag ganyan ang nangyayari,” saad ni Castro.

Bilang huling mensahe, sinabi ni Castro na kinakailangan magkaroon ang mga Pilipino lalo na sa mga nasa fault line, ng “culture of safety.”

“Ang mga nakalagay po na mga dadaanan o dinaanan na concerned ang the big one from Bulacan downwards to Laguna and Cavite, siguro ang mensahe na pwede natin sabihin yung kahandaan. Nagawa na ng Philvocs ang walk through, naidentify na (kung) nasaan ang fault, minarkahan na yan, ininform na iyan. Isa po rito yung mga structures na kasama sa tatamaan ng fault, inilipat na, kinondemn na. Sana ganoon lahat. Kasi marami pa rin lalo na sa bahagi ng Metro Manila yung fault tumatama sa community, (ang) bukambibig ng tao: no choice kundi mag stay pa rin.

“To what extent na ready sila, kung talagang seryoso tayo, yung faultline kung ang ating lokasyon andun sa faultimne magmadali na tayo, gumawa na tayo ng hakbang para lumipat na, yan po ang pinaka safe sa lahat, ang mga tao ay hindi dapat maging kampante na yung panganib na maaaring idulot ng The Big One. Mahirap sabihin na matagal pa yan. Baka di mangyari yan. Yan yung mga kaisipan na nakikita nating mas nagiging negatibo ang resulta, yung paghahanda, kaalaman, awareness, kabatiran, kasunod na dyan ang kasanayan, o pagsasanay para mamayani ang culture of safety,” pahayag ni Castro.

“Gusto ko ring hiramin yung sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum: Magkaroon tayo ng disaster imagination, you always expect the worst. Ang pagpaplano natin ay nakabatay sa mas malala na maaaring mangyari. Imagine, possibly 30,000 deaths with the exception of the injured and missing, matindi yun kaya dapat maging mas seryoso tayo sa paghahanda,” pagtatapos ni Castro.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -