29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Kilos na, Ginoong Pangulo

- Advertisement -
- Advertisement -

ANO na namang pakulo itong pinapuputok ng mga demonyong tinamaan ng bagsik ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.?
Laman ng social media na nagsanib-pwersa ang mga tagasunod nina Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy, Annointed Son of God (Hinirang na Anak ng Diyos) kuno, isa pang moog ng makalangit kuno na pananampalataya, ang Jesus is Lord Church Worldwide (JILCW), na si Senador Joel Villanueva, at ang Iglesia ni Cristo (INC).
Di umano ay magsasama-sama ang mga alagad ng tatlo sa isang rali, alin kung sa Nobiyembre 16-18, na siyang unang napabalita, o sa Nobiyembre 30, araw ng paggunita sa kabayanihan ni Andres Bonifacio.
Ang nakakaalarma rito ay ang ngayon pa  lang ay maugong nang panawagan sa pagbitiw ni Pangulong Marcos Jr.
Bakit pagbibitiwin si Bongbong?
Pinakamaugong na dahilan ay ang nabulgar na talamak na korapsyon sa pamahalaan.
E, di ba’t si Bongbong nga ang naglantad sa mga katiwaliang iyon?
Sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA), isiniwalat ni Bongbong na mayroong 15 kontraktor ang kumokorner sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), pangunahin na rito ang mag-asawang Discaya. At pagkaraan ng pagbubunyag, buong ngitngit siyang humiyaw:
“Mahiya naman kayo!”
Malinaw na ang di-matapus-tapos na alingasngas sa flood control projects ay pumutok bunga ng pagbubulgar ng Pangulong Marcos Jr.
Tapos ngayon, siya pa ang buntunan ng matinding pag-alipusta.
Dapat maalarma ang bayan.
Sino ba ang pasimuno ng mga balak na pagbabalikwas?
Si Pastor Apollo Quiboloy ay kinailangan ang napakalaking  pwersa ng kapulisan upang mapasuko mula sa kanyang pinagtataguan sa napakalaking kalupaan ng KOJC. Ngayon ay nakakulong siya sa Pasig City Jail dahil sa mga paratang na krimen, kabilang na ang panggagahasa ng nasasakupang kababaihan ng kanyang simbahan.
Si Senador Joel Villanueva ay nabulgar naman sa Senado na tumanggap ng napakalaking halaga bilang lagay kapalit ng di-umano ay “suporta” sa mga maanomalyang flood control projects.
Natuklasan din na ang senador ay naparusahan na ng korapsyon sa Ombudsman, bagay na nailihim sa mahabang panahon.
Sa kaso ng Iglesia ni Cristo, dapat na mailapat ang kasabihan sa English: “Birds of the same feathers flock together.” (Nagsasama-sama ang mga ibong may magkakahalintulad na balahibo.)
Simbahan ka ni Cristo, alam mo nang kriminal, sasamahan mo pa.
Kung di ka ba naman isa pa ring… Hmph!
Mababasa ba sa bibliya ang talata na may totoong dambuhala na nababalahibuan ng maamong tupa?
Kaingat, Bayan.
Minsan nang tayo ay nalinlang.
Tanging sa bisa ng matatamis na salita ay napagmukhang mga walang isip na daga ang mga Pilipino, ibinulid sa ilog ng kapariwaraan ng asta Pied Piper na si Ninoy Aquino.
Tulad sa himig ng pluta, tumagos sa kalamnan ng sambayanan ang  mga panghikayat ni Ninoy sukdulang kapag minanduhan ka niya na tumalon mula sa isang gusali, ang tanging magagawa mong wikain ay: “Mula sa anong palapag?”
Tatalon ka nga!
Hindi ba ganon ang nangyari noong 1986?
Sa paggabay ng Amang Marcos, ang Pilipinas ay pumangalawa na sa kaunlaran sa Asya.
At sa usapin ng ugnayang panlabas, nagagawa nang kumalas ng Pilipinas sa pundiyo ng Amerika, nakikipagkaibigan sa mga sosyalistang China at Russia.
At ang mga base militar ng Amerika ay nagawa nang patawan ni Marcos Sr. ng upa na napalalaki kada limang taon –  milyun-milyong dolyares para sa patuloy na pag-unlad ng Pilipinas.
Ang taong 1986 ang nakatakdang panahon para sa negosasyon ng susunod na pagtaas ng upang iyun.
Aayaw na rito ang Amerika.
Sa salita nI Cory: “Tama na! Sobra na! Palitan na!”
Sa snap presidential election ng 1986, panalo  si Marcos sa bilang ng Batasang Pambansa, ang siyang tanging may kapangyarihang magcanvasss ng resulta ng halalan.
Subalit nag-walk out ang mga canvassers ng Namfrel, nagpapahayag na nandaya si Marcos.
Iyun ang senyas ng EDSA People Power 1 na nagpabagsak kay Marcos.
Pero, teka.
Pinag-uusapan natin si Ninoy at ang animo’y Pied Piper na panghahalina niya sa sambayanan na parang mga dagang  tumalon sa ilog ng kapariwaraan.
Oo nga.
Patay na si Ninoy nang panahong iyun. Binaril sa pagbaba ng eroplano nang hapon na iyun noon pang Agosto 21, 1983.
Oo nga.
Ano’ng pakialam ni Ninoy sa EDSA People Power ng 1986?
Sa gabing iyun ng Pebrero 22, 1986, kakapiranggot na wala pang 50 ang nagtipon sa kanto ng EDSA at Aurora Boulevard, nanawagan ng paghihimagsik.
Subalit ano ang bandila na kanilang iwinawagayway?
ATOM.
August Twenty One Movement.
Agosto 21, 1983.
Ang araw na nagpakamatay si Ninoy sa pamamagitan ng pagpapabaril sa sarili at sa gayon – sa personal na away nila ni Marcos sa pulitika – sa wakas siya ang nagwagi.
Pinaging-Diyos na nga si Ninoy nang Pebrero 1986 upang oras na manawagan na si Jaime Cardinal Sin na damayan ang ATOM, dagsa ang dambuhalang sambayanan sa pagtalon sa gusali na ni hindi na naisip na magtanong man lang kung mula anong palapag tatalon.
Umabot sa 2 milyun ang bilang ng masa na dumaluyong sa EDSA 1. Bumagsak si Presidente Ferdinand E. Marcos.
At ang Pilipinas ay bumulusok sa silong ng mga bansang Asean.
Wala akong datos kung anong ranggo ng Pilipinas sa rehiyon sa ngayon.
Sa mga palatandaan, nagsisikap ang presidente na iahon ang bayan.
Bakit ginugulo ni Sara?
Kung gusto niyang humalili sa panguluhan, hintayin niya na lang sana ang eleksyon sa 2028.
Sabi nga ni Senador Allan Peter Cayetano bilang paghahambog sa lakas ni Sara, “Talunin nyo na lang sa 2028.”
Hindi, e, ngayon pa lang gusto nang humalili.
Huwag na tayong maglukuhan dito.
Bakit pagbibitiwin si Bongbong?
Para ngayon pa lang ay si Sara na ang pumalit.
Paulit-ulit na lang ang sistemang ito na tanging dahil sa makasariling ambisyon, sisirain ng isa na namang Ninoy ang demokratikong proseso upang ibagsak ang nakaupo at siya ang maluklok.
Sa isang sanaysay na pinamagatang Knowing Ninoy at nilimbag  sa aking website na Kamao (kamaopunch.blogspot.com), idiniin ko na terminal case na si Ninoy, wala nang itatagal pa ang buhay, kaya tuparin na lang ang nabitiwang panata: “I will dedicate the last drop of my blood for the dismantlement of your dictatorship.”
Tutal hindi ka na rin lang magtatagal, pabaril ka na lang.
Bayani ka pang lalabas.
Pansinin na dalawa nang Aquino ang dumating at umalis sa Malakanyang, si Cory at si Noynoy, subalit sa kabila ng kahindik-hindik na kapangyarihan ng presidente, hindi ang asawa ni ang anak ang lumutas sa katanungan kung sino ang nagpabaril kay Ninoy.
(May hiwalay na pagtatakakay sa paksang ito.)
Bago pa lumala ang mga pangyayari, kilos na, Ginoong Pangulo.
Lagi kong aalalahanin ang winika mo sa burol ng iyong ama noong 1989: “Nahaharap ako sa kamangha-manghang responsibilidad na punan ang mga sapatos ng aking ama.”
Talamak na ang sakit na pa-People-People-Power ng mga ambisyoso’t ubod ng gahamang pulitiko.
Walang ibang paraan upang gamutin ito.
Punan mo ang sapatos ng iyong ama nang gabing iyun ng Setyembre 22, 1972.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -