26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Bye, 2025. Hello, 2026

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

PAANO NGA ba magpaalam tayong mga Pilipino?

Kapag pauwi na tayo matapos ang handaan, pagtitipon, pagdalaw sa kaibigan, ano ang sinasabi natin bilang pagsasabing paalis na tayo?

Sa mga palabas sa telebisyon, o sa mga salin ng mga telenovela, ganito ang sinasabi ng paalis na bisita:

“Paalam.”

“Mauna na ‘ko.” Na pabiro namang pwedeng sagutin ng ganito: “Talagang ganyan ang buhay, una-una lang tayo.” (Na ang ibig sabihin, sige, mauna ka na. Mauna ka nang mamatay. Hindi tayo sabay-sabay na mamamatay.)


Pero sa tunay na buhay, sa pagpapaalam nang harapan, o sa telepono, o sa Messenger, obserbahan ninyong mabuti, ganito ang maririnig natin:

“O, sige, ha?”

“Sige na.”

Hiram na salitang SIGE, mula sa Kastila. Hindi PAALAM, na sa mga palabas lang maririnig. O sa mga salin ng mga telenovela. Salin siguro ng “goodbye” sa Ingles. At ang “Mauna na ‘ko,” salin din siguro ng “I’ll go ahead,” na sinasabi bilang pagpapaalam sa Ingles. Sa atin, kapag sinabi mong “Mauna na ‘ko,” ibig sabihin, kayong dalawang magkausap, parehong aalis pero mauunang umalis ang nagsalita, at ikaw na kausap niya ay susunod ding aalis pagkaraan ng ilang sandali.

- Advertisement -

Pero binabago ng pagsasalin ang ating mga pahayag. At malay natin, baka lumaganap ang ganyang klase ng pananalita mula sa salin (na hindi natin alam na salin pala.)

Pinili kong gamitin na lamang sa huling kolum na ito sa 2025 ang pangkalahatang BYE bilang pagpapaalam sa dating taon. HELLO naman bilang pagpapatulóy sa bagong taong 2026. Paano natin tinatanggap sa ating tahanan ang ating mga bisita? Paano natin sinasabing WELCOME sila? Wala raw tayong salitang katumbas ng WELCOME. Mayroon. Sinasabi nating TULOY PO KAYO.

Kaya, TULOY, 2025.

Mga salitang tumatak nitong 2025

Maraming salitang tumatak nitong 2025 kaugnay ng mga pangyayaring gumimbal kamakailan sa ating bansa.

Tungkol sa 2026 Budget, na nilagdaan sa dalawang Kapulungan ng Kongreso noong Disyembre 29,   headline ng mga balita ang salitang BINUBUSISI ang nasabing badyet. Sinusuring mabuti ang kahulugan nito sa ating pambansang kamalayan, pero ayon sa aking kaibigang taga-Batangas, sa kanilang probinsya, mahalay ang salitang ito dahil ang BINUBUSISI  ay pribadong bahagi ng katawan. Samantala, ang salitang LANDI naman ay hindi mahalay para sa kanila dahil nangangahulugan lamang ito sa kanila ng pagtatampisaw sa tubig. Kaya, ang mga batang naglalaro sa baha, ay NAGLALANDIAN. Ganyan ang varayti ng wika. Isang salita, posibleng magkalayong-magkalayo ang kahulugan sa iba’t ibang lugar.

- Advertisement -

May librong matagal na naming gustong sulatin ni Dr. Jayson D. Petras ng Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, na ang pamagat ay MAGLANDIAN TAYO. Pero hindi pa ito natutuloy. Ngayon, pwede na kayang ituloy na ganito ang pamagat: MAGLANDIAN TAYO (Sa Dagat ng Korapsyson). Maging katanggap-tanggap kaya para ilathala sa UP Press o sa UP Sentro ng Wikang Filipino ang librong may ganitong pamagat?

PERFORMATIVE ang isa pang salitang lumutang kaugnay naman ng mga pasabog ng batang-batang kongresista mula sa Batangas, si Leandro Leviste. Maraming nagsasabing isa siyang NEPO BABY dahil galing sa dinastiyang Legarda at Leviste, ang ina ay kasalukuyang senador samantalang ang ama naman ay dating gobernador ng Batangas. Ang una niyang pasabog ay pagbibigay ng allowance sa mga estudyante ng Batangas mula sa sariling bulsa. Tunay na kahanga-hanga, di ba? Mula ito sa negosyo niyang solar panels na naghatid sa kanya ng bilyon-bilyong salapi. Interbyu rito, panayam doon. Lalo pang sumikat nang sabihing nasa kanya ang Cabral Files, na ibinigay raw ng nag-resign na yumaong DPWH Usec noon pang Setyembre pero ibinunyag lamang niya (Leviste) nang wala na ang nasabing opisyal. Gayon man, wala naman daw RESIBO ang files, at ayaw i-AUTHENTICATE (kompirmahing totoo) ng bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Performative dahil mahusay lang daw ang kongresista sa AKTINGAN na pang-FAMAS at may paiyak-iyak pa. Ayon sa isang vlogger, NGANGA lang ang kongresista, hanggang NGAWNGAW lamang dahil hindi pinayagang makapag-privilege speech sa Mababang Kapulungan, na biglang nag-ADJOURN matapos pirmahan ang 2026 budget.

At nagsara ang Kongreso na ang naiwang imahe ng performative na kongresista ay ang pagkompara sa kanya sa isa pang performative na NEPO BABY, na may pambihirang pagtatangi sa mga pusang dayuhan. Bakit dayuhan? Ang mga pusang Pilipino, ang iyak ay NGIYAW, hindi MEOW. Amerikano ang pusang umiiyak ng MEOW, kasi hindi nabibigkas ng mga Amerikano ang tunog ng NG sa unahan ng salita.

Balikan natin ang dating DPWH Usec. Siya raw ay hindi nadulas o nawalan ng panimbang sa gilid ng bangin, kundi kusang tumalon, NAGPATIHULOG o NAGPATIWAKAL. Maaalala natin ang talakay tungkol sa mga patay na panlapi. Ang dalawang huling salita ay may patay na panlaping TI. Ganito ang pagkakabuo ng salita: panlaping makadiwa na MAG- + PA (sanhi)+ TI (patay na panlaping nagsasabi na ang gumanap ng aksyon ay siya ring tagatanggap) + salitang ugat na WAKAL (maaaring kailangan pa nito ng dagdag na pagsusuri).

Paano naman natin sinasalubong ang Bagong Taon? Syempre, sa pamamagitan ng kabi-kabilang pagsasaya, paingay, paputok at pailaw. Masaganang pagkain sa MEDIA NOCHE (literal na kahulugan ay hatinggabi) dahil naghihiwalay raw ang LUMANG TAON (2025) at ang BAGONG TAON (2026) eksaktong alas dose ng hatinggabi. 12 MIDNIGHT. 12 ng HATINGGABI. Pero ngayon, hindi na yata alam ng marami kung paano sabihin ang alas dose ng hatinggabi at alas dose ng tanghali. 12 MIDNIGHT at 12 NOON. Nabago na: 12 AM at 12 PM. Parang mas nakakalito. Hindi na rin yata alam gamitin ang mga salitang hatinggabi at madaling-araw. Ala una (1 AM) ay MADALING-ARAW hanggang mga 5:00 AM. Sinasabing UMAGA kapag sumikat na ang araw. Pero ang mga katawagang ito ay noong araw pa. Iba na yata ngayon ang pagsasabi ng oras.

Maaalala natin ang panlaping PA- at ang kahulugan nito ng pagiging sanhi ng sinasabi ng salitang ugat. Kaya, ang PAILAW ay nagbibigay ng ilaw (tulad ng LUSIS), ang PASABOG ay sanhi ng pagsabog. Noong dati, ang mga paputok lamang ay rebentador at watusi. Naging mas mababangis na, naging TRIANGGULO, PLAPLA, GOODBYE PHILIPPINES at iba pang mga GOODBYE. Nakakaputol hindi lamang ng mga daliri, kundi pati na ng buhay! Mabuti na lamang at ipinagbawal na ang mga paputok. Masama na nga ito sa mga baga, delikado pa rin sa mga tainga, lalo na sa ating mga alagang hayop.  Mga fireworks na lamang ang pinapayagan sa mga itinakdang lugar.

Ang mga paingay naman ay TOROTOT, BARIL-BARILAN, pagpapatunog sa mga kaldero, pagkalansing ng mga barya. At dapat din daw magsuot ng mga damit na may bilog-bilog na disenyo, kasimbilog ng mga salapi noong araw (paper bills na ngayon ang may mas malaking halaga, tulad ng sanlibo – Php 1,000) para palapitin ang salapi sa ating buhay, lalo na sa pagsisimula ng Bagong Taon. Maghanda rin daw ng 12 bilog na prutas. Ang kaso, NABIBILOG lang ng mga politiko ang ating mga ulo at pagdating ng eleksyon, sila pa ring mga nang-uto sa atin ang muli na naman nating iboboto.

Sabi nga ng magkaibigang Jerry Gracio at Dr. Joselito de los Reyes sa kanilang lingguhang programa sa DWAR, ang “Tamang Kuwentuhan,” kahit may mga prutas at paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, kapag ibinoto ang mga political dynasties, mamalasin pa rin tayo.

Maraming pangyayaring gumimbal sa atin nitong 2025. Mabuti’t natagpuan na ang MISSING BRIDE-TO-BE nitong Disyembre 29. Pero may iba pa raw nagdi-DISAPPEARING ACT,gaya na lamang ng dating kongresista ng Marikina. Bakit kaya? Matagal na ring hindi sumisipot sa Senado si BATO kaya tuloy hindi na makasigaw si DARNA, kailangan muna kasi niyang isubo ang bato bago siya sumigaw. Pero nawawala nga si Bato. NAGTATAGô (dahil may kasalanan), hindi simpleng NAGTATAGò lamang.

Sabi ni Stargazer, na may programa tuwing Sabado ng gabi sa Radyo 630, mas magiging magulo raw kaysa 2025 ang 2026. May nagbabanta ng panibagong IMPEACHMENT sa Bise Presidente, na ang kampo naman niya ay nananakot din ng impeachment laban sa Pangulong Marcos Jr. Laganap pa rin ang korapsyon, KAWALANG PANANAGUTAN (IMPUNITY), marami pa ring ALLOCABLE at INSERTION ang 2026 budget, marami pa rin ang mga patayan, na mga punerarya ang nakikinabang.

Sa kabila ng lahat,  MANIGONG BAGONG TAON ang bati at hiling ko para sa lahat!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -