ANG pagdalo at partisipasyon sa mga research conference ay isang pagkakataon upang matuto at makapagbahagi ng mga kaalaman, metodolohiya at metodo sa inyong kinabibilangang disiplina. Sa pamamagitan nito ay naipalalaganap ang pananaliksik sa mas nakararami at nagbubukas din ito ng pagkakataon para sa palitan ng karunungan, kolaborasyon sa pagitan ng mga indibidwal at institusyon, at kontekstwalisadong aplikasyon sa iba’t ibang sektor at larangan. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang alituntunin at paalala ukol sa pagiging bahagi ng isang research conference.
· Humanap ng mga komperensiya na tumatambal sa iyong larangan ng pananaliksik at adbokasiya.
· Magsumite ng research abstract kung may call for submission sa isang research conference.
· Alamin ang tema ng komperensiya at tiyaking alinsunod dito ang iyong ipapasang research abstract. May mga subtheme din ang mga komperensiya na maaaring maging batayan kung saang parallel session magiging kabahagi ang iyong pananaliksik at presentasyon.
· Alamin din kung maaaring bumuo ng isang parallel session kasama ang iba pang mananaliksik na kalinya ng iyong paksa o subtheme.
· Tiyaking maitampok sa iyong research abstract ang unique value proposition (UVP) ng iyong pananaliksik para mabigyang-diin ang ambag nito sa larangan at lipunan.
· Iwasan ang forum shopping o ang pagsusumite sa mga multiple conference ng parehong research abstract. Itinuturing ding unethical research dissemination practice ang pagpapasa ng papel na naipresenta na dati sa ibang komperensiya.
· Puliduhin ang research abstract at itampok ang mga key word upang mas madaling matukoy ang kaangkupan ng iyong pananaliksik sa komperensiya.
· Tiyaking tinataglay ng iyong research abstract ang mga sumusunod: paglalagom ng layunin, lente, metodo, resulta at pagsusuri ng pananaliksik.
· Sikapin ding maging malikhain at kapukaw-pukaw ang titulo ng iyong pananaliksik. Kadalasan makikita na agad sa titulo pa lang kung pumapaloob ang pananaliksik sa tema ng komperensiya.
· Unawain na may mga komperensiya na nagpapasumite rin ng buong pananaliksik (full paper). Maging handa kung ito man ang kalakaran ng iyong sasalihang komperensiya.
· Abangan kung natanggap sa komperensiya ang iyong pananaliksik. Intayin ang opisyal na kompirmasyon at iba pang mahahalagang detalye mula sa conference organizer.
· Sumangguni sa kinauukulan ng iyong pamantasan kung may pampinansiyang suporta na maaaring mahingi para matustusan ang mga magiging kagastusan sa presentasyon kagaya ng registration fee, transportation fare at hotel accommodation.
· Paghandaan mabuti ang presentasyon. Tiyaking nagtatambal ang ontolohiya, epistemolohiya, teleolohiya, axiolohiya, teorya at metodolohiya ng iyong pananaliksik. Sumangguni rin sa babasahing ito ukol sa mga batayang kaalaman sa pananaliksik: Pananaliksik: Konteksto at Kontradiksyon – Pinoy Peryodiko
· Tiyaking maitampok sa presentasyon ang sapat na datos at ebidensiya na magpapatunay at magpapatibay sa iyong pagsusuri at interpretasyon.
· Ihanda ang file ng slide deck at tiyaking may PDF version din nito.
· Sumunod sa takdang oras na inilaan ng conference organizer para sa presentasyon.
· Maging handa sa mga katanungan mula sa panelista at tagapakinig.
· Maging bukas sa puna at rekomendasyon ng mga panelista at tagapakinig. Para ito sa higit na ikahuhusay ng iyong papel at pananaliksik.
· Tandaan na malaki ang maitutulong ng presentasyon sa isang research conference upang higit na mapaunlad ang pagdadalumat, pagkakabalangkas at pagkakasulat ng iyong pananaliksik. Sa pamamagitan ng mga constructive feedback na ito ay mas magiging malaki ang pagkakataon na mailathala (o mapublish) ang iyong papel sa mga academic journal.
· Tiyaking dumalo sa keynote address, plenary speech at mga parallel session ng research conference. Maraming matututunan mula sa iskolaship at praktika ng mga kapwa iskolar.
· Matuto mula sa mga bagong kaalaman at metodolohiya sa iyong larangan. Patuloy na nagbabago ang academic at research landscape at kailangan nating lahat umangkop nang may kritikal na pananaw at panuntunan.
· Ugaliing magnote-taking habang nasa komperensiya para magtala ng mga mahahalagang kaalaman.
· Gawing pagkakataon din ang okasyon upang matuto at malinang ang intercultural communication.
· Bumuo ng network mula sa mga conference organizer, presenter at iba pang dumalo para sa posibleng research collaboration sa hinaharap. Basahin din ang munting artikulong ito ukol sa research collaboration bilang panimula: Research Collaboration 101 – Pinoy Peryodiko
· Dumalo ng fellowship night kung mayroon nito at may pagkakataon. Pagtitibayin at pagagaanin nito ang relasyon sa isa’t isa.
· Basahin din ang katambal na artikulong ito ukol sa pagdalo sa mga komperensiya: Gabay sa pagdalo sa mga komperensiya – Pinoy Peryodiko
· Tiyaking makakuha ng kaukulang sertipikasyon ng partisipasyon at maidokumento sa pamamagitan ng litrato ang aktuwal na presentasyon.
· Umantabay sa mga research conference sa hinaharap. Kadalasan ay magkikita-kita muli kayo sa susunod na komperensiya at may mga iba pa na bagong makikilala. Bubuo ito at makapagpapatibay rin ng pagkakaibigan sa inyong kapwa iskolar at tagapagtaguyod ng pananaliksik sa larangan.
Bilang pagbubuo(d), tandaan na ang presentasyon sa isang research conference ay dapat pinaghahandaan mabuti. Dapat linangin pareho ang tiwala sa sarili at kababaang loob. Malaking tulong ang tiwala sa sarili upang maging epektibo ang presentasyon at mahalaga rin ang kababaang loob para sa bukas na pagtanggap ng konstruktibong puna at mungkahi. Tiyakin din na demokratikong nabibigyan ng pagkakataon ang lahat na maging bahagi ng pagdalo sa mga komperensiya. Linangin ang kasanayan ng lahat at ipagkaloob sa bawat isa ang kinakailangang pagsasanay at suporta upang sabay-sabay na umunlad sa larangan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

