MAITATANONG sa panahon ng giyera, papayagan ba ang isang mamamahayag ng bansang kalaban ng Pilipinas na gumamit sa media ng Pilipinas upang banatan ang Pilipinas?
Ganyan ka detalyado dapat ang tanong. Sangkot dito ang prinsipyo ng malayang pamamahayag, at ang prinsipyong ito ay universal. Pag sinabing universal, pang-buong sangkatauhan, hindi nalilimitahan ng mga hangganang nasyunal. Magandang sabihin sa panahon ng kapayapaan.
Subalit sa panahon ng digmaan? Nandiyan ang problema. Binabanatan ka nga ng kaaway gamit ang media ng Pilipinas, papayagan mo pa?
Iyan ang tinatakbo ngayon ng kaso ni Raymond Powell, ang retiradong koronel ng US Air Force na sa loob ng nakaraang dekada ay walang humpay sa pagpapasa-demonyo sa China kaugnay ng sigalot sa South China Sea.
Ewan kung sa makabayang prinsipyo na isulong ang kapakanan ng Amerika o sa iwing kalansing ng salapi, subalit walang ginawa ang Powell na ito kundi araw-araw ay tuligsain ang China sa pamamagitan ng internet. At ang mga tuligsang ito ay pini-pick-up ng mainstream media at pinakakalat na lehitimong balita.
Sa ngalan ng kalayaan sa pamamahayag, maaaring kunsentihin ang gawain ni Powell. Subalit kalayaan nga ba sa pamamahayag? Sa haba ng panahong ginugol sa gawaing ito, na kada hampas ng kanyang panulat ay pawang kasiraan ng China ang layunin, maliwanag na hindi ganun. Ang lumilitaw na nag-iisang adhikain ni Powell ay sawatain ang di-mapigil na pag-unlad ng China at bigyang-puwang pa rin ang pagpipilit ng Amerika na makapangibabaw.
Na sa bawat pagkakataon nga ay bigo. Iyan ang totoo kay Powell. Desperado sa kanyang personal na pagpupunyaging makita sa labanan nito sa China ay manaig ang Amerika. Naging klaro ito nang magbigay siya ng testimonya sa US Foreign Relations Committee noong Oktubre 2025. Sa isang napakahabang naratibo, inilahad ni Powell ang mga pangyayari kung papaanong dekada na ang naging abante sa pag-unlad ng China kontra Amerika.
Pahayag ni Powell, “(Malayang salin sa Tagalog ng orihinal na English) Sa kabila ng mga pakontrang pagtutol ng Beijing, inilalarawan ko ang China sa ngayon bilang mapagpalawak na kapangysrihan. Samantalang ang mga agresyong teritoryal ng Russia gamit ang dahas ay malamang na tampok sa mga headline at nag-aakit ng mga internasyunal na pagresponde, ang China ay tahimik na nakapagtamo ng mga pananagumpay sa pagtatag ng mga emperyo, kalakhan sa mundo ng karagatan. Nagawa niya ito sa pamamagitan ng gray zone – o illegal, coercive, aggressive and deceptive (ICAD) – na mga estratehiya sa pakikipagdigmang pulitikal na lingid sa pagmamasid ng mundo.
Subalit sa kabila nito, ang Estados Unidos ay ni hindi nakapag-ingay o nakapagpatupad ng epektibong mga estratehiyang kontra-ICAD. Sa bilang, mga dekada na ng pagkatalo ang ating tinamasa sa pakikipagdigmang gray zone – bagay na ni hindi natin alam ay dapat nating ipinakikipaglaban.”
Sa kabuuan, inilahad ni Powell ang mga pananagumpay ng China sa di-umano’y mga imperyal na pananakop nito sa Paracel Islands (1974), Johnson South Reef (1988), Mischief Reef (1994), Scarborough Shoal (2012), etc. Ganyan inilarawan ni Powell ang mga pangyayari: mga pananakop ng China upang magtayo ng emperyo. Hindi ito totoo. Sa buong kasaysayan, ang buong South China Sea ay teritoryal na karagatan ng China, ang mga napangalanang sinakop ng China ay dati nang mga bahagi nito, napangalanang Xisha Qundao (Paracel Islands), Chigua Jiao (Johnson South Reef), Meiji Jiao (Mischief Reef), at Huangyan Dao (Scarborough Shoal).
Paano nagkaroon ng mga pangalang Chino ang nasabing mga lugar kung sila ay hindi naging bahagi na ng China mula’t sapul? Sa kanyang testimonya sa US Senate Foreign Relations Committee, hindi ito pinunto ni Powell – mangyari pa. Pinalitaw niya nga na mga pananagumpay imperyal ang ginawa ng China. Doon pa lang bagsak nang lumalagapak si Powell sa kanyang pagpupustura ngayon bilang lehitimong mamamahayag.
Kabilang sa mga pamantayan ng isang journalista ay ang katapatan, pagiging makalahatang-panig at paninindigan sa ipinahayag. Ni isa sa mga ito ay wala si Powell. Marami siyang itinatago sa pagpupunyaging ipagwagi ang totoong imperyal na intensyon ng pinapanginoon na Estados Unidos. Higit sa lahat, huwag kaligtaan na laging tumbok ng kanyang mga gawi’t pangungusap ay pag-alabin ang galit ng Pilipinas sa China. Lahat ng mga pag-aalburoto ni Tarriela sa di-umano’y panggigipit ng China sa Pilipinas sa South China Sea (na paboritong tawagin ni Powell na West Philippine Sea, pangalang inimbento ni Hilary Clinton noong siya ang US State Secretary) ay laging namimintong pag-alabin ang mga Pilipino upang humantong sa pakikipagdigma sa China.
Masdan ang laman ng kanyang dalawang-bahaging “Bad cop, good cop, Beijing’s playbook in Manila” na ayon sa kolumnista na si Bobi Tiglao ay nagawang ipuslit sa espasyo ng Manila Times (April 12, 2026). Tinuligsa niya ang polisiya na binuo ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na tanging ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang ahensya na dapat umintindi sa usapin ng South China Sea (West Philippine Sea, paggigiit ni Powell).
Ayon kay Powell, binabalewala nito ang mga pagsisikap ng iba pang ahensiya ng gobiyerno ng Pilipinas na “idokumento ang mga panghihimasok ng China sa West Philippine Sea .“ Mangyari pa, partikular na ipinasasaring ni Powell ang regular na pag-iingay tungkol dito ni Tarriela. Sa patakarang ipinatutupad ni DFA Secretary Lazaro, ganap nang napipilan ang boses ni Tarriela. Alalaon baga’y kung kaya minarapat na ni Powell na maging contributor ng piyesang pang-opinyon sa Manila Times.
Kaya balik tayo sa unang tanong: Papayagan ba ang isang mamanayan ng bansang kaaway ng Pilipinas na tumuligsa sa mga patakaran ng pamahalaan ng Pilipinas, partikular kung ang tuligsa ay magsisilbing pagwasak sa kredibilidad ng pamahalaan ng Pilipinas? Ganyan kaselan ang kaso ni Powell.
Sa loob ng napakahabang panahon, wala siyang ginawa kundi sikaping pag-alabin ang damdamin ng mga Pilipino laban sa China sa imbing layuning papakipagdigmain ang Pilipinas sa China. Isa itong estratehikong hakbang tungo sa direkta nang pakikialam ng Amerika ayon sa bisa ng mga tratadong pangmilitar na pawang nagtatali sa Pilipinas sa, sa salitang aktibistà, pundiyo ng Amerika: ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998, at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2016.
Sa estratehiya ni Powell, ang pakikipagdigma ng Pilipinas sa China ay kondisyon sa pagpapabilis ng habol ng Amerika sa matatag nang kapangyarihan ng China sa Asya Pasipiko.
Ganyang ang lumilitaw na pamamahayag ni Powell ay tutungo pala sa ultimong kapariwaraan ng Pilipinas, anong kalayaan sa pamamahayag ang maaari niyang angkinin? Sa kanyang iniambag na opinyon sa The Manila Times, walang habas na pamununa ang inihambalos ni Powell mismong sa gobyerno ng Pilipinas sa usapain ng pakikipagrelasyon sa China. Sagrado itong tungkuling nasyonal, sensitibong usapin na roon ay nakaangkla ang seguridad ng Pilipinas. Ang pakialaman mo ito tanging sa dahilang isulong ang pambansang kapakanan ng Amerika, hindi ba isinasakripisyo mo ang pinakaibuturan ng kapanatagan ng Pilipinas? Pag-aralan ko nga ang probisyon ng Konstitusyon ng Pilipinas sa krimen na treason.

