ANG korupsyon ay ang pag-abuso sa pampublikong kapangyarihan (o public power) para sa pampribado o personal na kapakinabangan (o private gain). Sa pagitan ng mga nagsasabwatan, ito ay tumutukoy sa paghingi, pagbibigay o pagtanggap ng anumang bagay o serbisyo na may kinalaman sa isang pabor upang makaganansya o makalamang sa iba. Ito ay mayroong politikal, ligal, pampamamahala, pangkaunlaran at etikal na implikasyon at alalahanin. Ilan sa mga halimbawa ng korupsyon ay panunuhol, ekstorsyon, nepotismo, kroniyismo at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang mga sumusunod ay ilang tala ng mga paalala at alituntunin upang labanan ang istruktura ng korupsyon at katiwalian sa personal at lalo na sa organisasyonal at panlipunang antas.
- Pagtibayin ang pagiging transparent sa mga patakaran, plano, programa, proyekto at proseso. Itinuturing na “fishbowl existence” ang public administration dahil pampublikong pondo ang tinutustos para sa operasyon nito.
- Tiyakin din ang pananagutan (o accountability) ng bawat isa sa lahat ng mga transaksyon sa tanggapan o ahensiya.
- Linangin ang anti-corruption culture sa larangan at lipunan. Dapat maging bahagi ito ng prinsipyo, istruktura at proseso ng organisasyon.
- Ituring ang corruption prevention bilang bahagi ng moral reform sa pamahalaan at lipunan.
- Tandaan na maliban sa academic excellence ay kapwa rin mahalaga ang professional at moral excellence. Ayon ito kay dating senador Miriam Defensor-Santiago (MDS).
- Ipaunawa mabuti sa mga kinauukulan at nasasakupan ang ethical code of conduct sa propesyon. Bigyang-diin na ito ay dapat isinasabuhay sa lahat ng pagkakataon.
- Gawing high-risk at low-gain ang korupsyon sa halip na ang umiiral na kabaligtaran nitong high-gain at low-risk sa pamamagitan ng pagpapaigting ng mga batas laban sa katiwalian.
- Tandaan na mahalaga ang prinsipyo, pamunuan at patakaran sa kampanya kontra-korupsyon.
- Palakasin ang sistema ng internal control upang pagtibayin ang mga mekanismo at plataporma laban sa katiwalian. Tambalan din ito ng external control.
- Gamitin ang socio-ecological model (SEM) upang matukoy ang iba’t ibang level of influence/engagement kung saan maaaring ipatupad ang corruption prevention. Kabilang rito ang mga intrapersonal, interpersonal, at pampatakarang antas.
- Bigyang-diin ang kolektibong katangian ng laban sa katiwalian. Ang pakikibaka laban sa korupsyon ay dapat maging malawakan at maramihang panig.
- Paigtingin ang mekanismo ng monitoring at auditing upang sagkaan ang iba’t ibang porma ng korupsyon at katiwalian (petty o grand corruption man ito).
- Palakasin ang human-technology nexus upang higit na umunlad ang sistema ng oversight sa taxation, budgeting, expenditure, bidding, procurement at audit.
- Paunlarin din ang workflow management at ipatupad nang buong ganap ang citizen charter bilang mga mekanismo kontra-katiwalian.
- Repasuhin din ang mga patakaran at proseso upang tiyakin na mananatili ang mga ito na corruption-proof at ang mga kawani na incorruptible.
- Magsagawa ng regular na rotasyon hindi lamang upang mahasa ang mga kinauukulan sa iba’t ibang larangan kundi upang mailantad din ang mga kalakarang baluktot at tiwali. Kadalasan ay nadidiskubre ang katiwalian kung wala sa dating assignment (post o duty) niya ang kinauukulan.
- Gawing patakaran ang pagsagot sa declaration form upang ipagtapat ang conflict of interest (COI) at tukuyin kung paano ito tutugunan sa etikal na paraan.
- Palakasin ang sistema ng check and balance sa organisasyon upang malinang ang institutional trust mula sa publiko. Wika nga, “public office is a public trust” ayon sa Artikulo XI Seksyon 1 ng Konstitusyon ng Pilipinas.
- Tiyakin ang pagpapanaig ng batas (rule of law) at tamang kaparaanan ng batas (due process) sa lahat ng pagkakataon.
- Tandaan na bagaman ang korupsyon ay usapin ng pag-uugali (personal o micro), ito ay isyung mas may kinalaman sa institusyon (structural o macro). Hindi lamang ito usapin ng character failure kundi mas isyu ng structural failure.
- Bigyan-diin ang implikasyon ng korupsyon at katiwalian sa kaunlaran. Pinalalala nito ang kahirapan (poverty), pagiging atrasado (underdevelopment) at hindi pagkakapantay-pantay (inequality) sa lipunan.
- Tandaan na banta ang korupsyon at katiwalian sa larangan ng pamumuhunan, negosyo at kalakalan – o sa ekonomiya sa pangkalahatan.
- Isaisip na ang mga ayuda, gamot at libro na hindi nakarating sa inaasahang benepisyaryo ay korupsyon sa anumang pamantayan.
- Unawain na ang pinakamahihirap sa komunidad ang pumapasan ng pinakamabigat na epekto ng korupsyon at katiwalian.
- Tandaan na nagiging epektibo lamang ang anumang batas kung may katiyakan ang pagpapatupad nito. Gayundin, nagiging epektibo lamang ang pagpapataw ng parusa kung may katiyakan ng makatarungang implementasyon nito (certainty of punishment o unavoidability of consequence).
- Itambal sa epektibong monitoring ang sistematikong paraan ng reporting (o pag-uulat) upang maidokumento ang mga paglabag sa batas at ang mga tagumpay sa kampanya laban sa katiwalian.
- Tiyaking maayos at hindi maanumalya ang mismong reporting channel at reporting mechanism na umiiral.
- Protektahan ang mga whistleblower upang matiyak ang kanilang kaligtasan mula sa mga tiwali at kawatan. Sa pamamagitan din nito ay lalakas ang loob ng iba pang nais maglantad ng korupsyon at katiwalian sa kani-kanilang tanggapan.
- Maging masinsin sa pangangalap at pag-iingat ng mga ebidensiya laban sa mga napatunayang sangkot sa korupsyon. Tatagan ang loob dahil nasa panig ka ng katwiran at katotohanan.
- Isaisip ang mahalagang papel ng mga mamamayan sa corruption prevention. Maaasahang haligi ang lokal na komunidad upang pagtibayin ang mga patakaran at programa laban sa katiwalian.
- Tandaan na epektibong estratehiya laban sa katiwalian ang pagkakaroon ng mapagbantay na mga mamamayan (public vigilance).
- Tandaan na kritikal na bahagi ang public awareness sa anumang kampanya para sa katwiran, katarungan at karapatan. Public awareness ang lunsaran tungong civic action.
- Paigtingin ang kampanya laban sa korupsyon sa pamamagitan ng epektibong development communication, political communication, policy communication, social justice communication at advocacy communication.
- Tugunan pareho ang banta ng public sector corruption at corporate corruption. Kapwa umiiral ang korupsyon sa gobyerno at negosyo kaya pareho rin dapat silang inilalantad, hinahamon at tinutuldukan. Kadalasan ay may sabwatan pa nga ang dalawa.
- Ipaloob ang pag-aaral ng corruption prevention sa kurikulum ng paaralan at pamantasan upang maunawaan sa murang edad pa lamang ang kahalagahan nito.
- Ipaloob ang pag-aaral ng corruption prevention hindi lamang sa formal education kundi maging sa nonformal at informal education upang mas maging masaklaw at tagus-tagusan.
Bilang pagbubuo(d), pakatandaan na ang korupsyon ay banta sa kaunlaran at moralidad ng isang lipunan. Magiging matagumpay lamang ang kampanya laban sa katiwalian kung magkakaroon ito ng malakas na intersektoral, interpropesyonal at interhenerasyonal na katangian. Ang pampolitikang kapasyahan (political will) na labanan ang korupsyon at katiwalian ay nangangailangan din ng kaukulang reporma sa pagpapatupad ng batas, prosekusyon, paglilitis, pagpaparusa at rehabilitasyon. Panghuli, isaisip na kung sa sabwatan umiiral at lumalaganap ang korupsyon ay sa kolektibong paraan at antas din ito maaaring maaksyonan at masolusyunan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

