32.3 C
Manila
Huwebes, Hunyo 11, 2026

Walang dada, pag bulaga, dakma 

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

DI ba natin napupuna? Ganyan ang nangyayari sa administrasyon ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. Sa mahahalagang kaso na humamon sa kredibilidad ng pamahalaan, tahimik lang at walang halong paepal ang diskarteng tugon ng presidente.

Walang magagarbong paugong sa media na sa maraming kaso ay siyang nagiging panuntunan ng publiko sa pagdesisyon kung ano ang tama at mali sa  tumatampok na mga isyu.

Sa anomalya ng mga flood control projects, halos zero sa kamalayan dito ang balana bagama’t noon pang 2016 talamak na pala ang katiwaliang ito. Sa isang pagdinig ng senado, ito ang inamin ni Sarah Discaya, may-ari kasama ng kanyang asawang si Curlee ng ilang kumpanya sa konstruksyon na halos kumupong sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pahayag ng Ginang, mula sa taong 2016, lumobo ang yaman ng kumpanya sa halagang P42 bilyon. Kung bakit natapos at natapos ang administrasyong Duterte ay ni hindi man lang sumingaw ang katiwaliang sangkot sa paglobo ng yaman ng mga Discaya, at bagkus ay nagpatuloy sa pagyabong hanggang sa pagpasok sa ikalawang taon na ng administrasyong Bongbong Marcos Jr.

At bigla-bigla nga, sa kanyang Ikalawang SONA,  nagpupuyos sa galit na nanawagan si Bongbong: “Mahiya naman kayo!”


Tinutukoy ang mga sangkot sa anomalya ng flood control projects, alin kung substandard o kung hindi man ganap nang mga multong proyekto. Ibig sabihin, wala ni anumang proyektong naganap subalit pinaglustayan ng bilyong salapi ng bayan.

At doon na nga biglang naipundàr ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) na may layuning imbistigahan ang buong nagaganap na korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

At wala nang preno na umandar ang hustisya. Natanggal sa tungkulin ang mga tiwaling opisyal at nabawi ang mga ninakaw na yaman kapwa ng mga opisyal na ito at ng mga pribadong kasabwat ng mga ito tulad ng mga Discaya.Kalabisan na kung iisa-isahin pa natin ang mga ito.

Mahalagang puntuhin na lamang na tinukoy sa imbistigasyon ng ICI ay mga matataas na pinuno ng DPWH, na pawang inutusang ibalik ang mga salaping ninakaw, dalawang nakaupong senador, isang dating senador na pormal nang nakasuhan sa korte kung kaya nakakulong na sa Quezon City Jail.

- Advertisement -

Sa malaganap nang napabalita na direktang pagkasangkot sa anomalya sa obras publikas ng dating chairman ng House Appropriations Committee, si Ako Bicol Representative Elizaldy Co, maraming bagyo na, kumbaga, ang nagdaan.

Nagbitiw sa tungkulin ang dating kongresista, nangimbang-bansa upang umiwas sa pagkaaresto, at sa isang panahon ay tila nabaon na sa limot.

Ang naparatangang kasabwat ni Co sa korapsyon na si Dating House Speaker Martin Romualdez ay nagbitiw na sa tungkulin at sa huling pahayag ni Bongbong ay nasampahan na ng kaukulang kaso.

Wala ni isa sa mga napangalanang sangkot sa flood control projects ang hindi pa nakakasuhan.  Subalit sa huling ratsada sa social media, si Co ay pursigido sa pagtuligsa sa presidente, patuloy na pilit iniuugnay si Bongbong sa mga katiwaliang  gawa ng pugante.

Nang di kaginsa-ginsa’y heto si Pangulong Bongbong, nag-aanunsyo na si Co ay arestado na sa Prague, Czech Republic.

Si Co ang pinakamatingkad nang hamon sa determinasyon ni Bongbong na labanan ang katiwalian. Sa buong panahon ng kanyang pagiging pugante, palibhasa’y may pakiramdam na siya ay hindi na abot ng kamay ng batas, may lakas pa ng loob si Co na sindakin ang presidente: ibubulgar aniya ang lahat niyang alam upang idikdik si Bongbong sa mga katiwalian na ibinibintang sa kanya. Sa bawat ganitong paninindak, laging kalmante ng disposisyon ang tugon ng Presidente: “Sumige ka sa bawat iyong maibigan.”  Ngayong dakma ka na, ano na  Zaldy Co?  Wala pang malinaw tungkol sa pagkakahuli kay Co.

- Advertisement -

Sa Isang naratibong kumalat sa social media, ipinahayag diumano ng Prague na walang Filipino ang naaresto sa Czech Republic. Isang maliwanag na masugid na tagasuporta ni Bongbong ang nangatwiran na gamit nga ni Co ang Golden Visa ng Portugal kung kaya hindi siya kaagad na kinilala bilang Filipino. At kung pag-usapan naman ang kanyang kabansaan, hindi na nga siya maaaring kilalanin bilang Filipino dahil kanselado na ang kanyang Philippine passport.

Kaya nga’t bagama’t arestado nga siya sa Czech Republic, walang katiyakan ang mga awtoridad ng Prague na Filipino nga siya.  Sa katunayan iyon ang dahilan kung bakit siya ay inaresto sa, sa katunayan, Germany. Tinangka niyang pumasok sa bansang iyon, subalit dahil gamit nga lang ay ang Golden Visa ng Portugal at walang maipakitang dokumentong panlakbay tulad ng passport, pinigil na siya ng mga awtoridad ng Germany at ibinalik sa Czech Republic.

Sa dahilang walang extradition treaty ang Pilipinas sa Czech Republic, pinag-aaralan pa kung papaanong ibabalik ng Czech Republic si Co sa Pilipinas.

Kung bakit kaayaw-ayaw ni Presidential Spokesperson ni Dating Presidente Rodrigo Roa Duterte na si Harry Roque ang maibalik sa Pilipinas si Co. Ang mariing payo ni Roque kay Co ay huwag pumayag na maibalik sa Pilipinas. Ano ang ikinatatakot ni Roque na mabulgar kung si Co ay mabalik sa kustodiya ng pamahalaan. Kung si Bongbong na pilit nilang idinadawit sa korapsyon sa flood control projects ay gustong-gustong tumestigo si Co, balintuna naman na mga kaaway pa ni Bongbong ang tumututol ngayon.

Anu-ano ang maaaring ibulgar ni Co kung saka-sakali?  Inungkat ni Roque na naging napakalapit niya sa ama ni Co at bilang pagtanaw sa relasyong ito, ipinaliwanag ni Roque na tatanungin si Co ng mga awtoridad sa Prague kung gusto niya ng asylum at iyun ang kanyang hingiin. Ang gawing ito ni Roque ay dokumentado ng isang video na lumaganap sa social media.  At ito ang nakaaalarma. Ayon kay Roque, maaaring ipapatay si Co oras na makabalik sa Pilipinas para pigilan di-umano’ ang mga pagbubulgar niya laban kay Bongbong.

Sa katunayan, pwedeng gawin iyun mismo upang pigilan nga ang pagbubulgar na kinatatakutan talaga ni Roque.  Hindi ganon kasimple ang pagpapabalik kay Co.  Kritikal ang magiging testimonya niya sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng flood control projects. Bakit kaayaw-ayaw ni Roque na pauwiin siya sa Pilipinas? Ang testimonya ni Co ay makakapag-bigay-linaw sa malawak na korapsyon na sangkot sa anomalya.

Sa lumilitaw na pagpupursige ngayon ni Pangulong Marcos Jr. na pabalikin sa Pilipinas ang isang pangunahing testigo sa anomalya ng flood control projects, lalo lamang  na napapasinungalingan ang mga pasaring na ang anomalya sa flood control ay hindi magaganap nang walang basbas ang presidente.

Tengang kawali lamang si Bongbong sa mga pasaring na ito. Alam niya ang totoo.

Kung nakasanayan man niya na manahimik na lang sa harap ng mga batikos, ngayon ay muli niyang patutunayan na ang mga naunang pahayag ni Co ay pawang kasinungalingan.

Naging ugali na nga lang ni Bongbong ang walang drama na paghabol sa hustisya. Tahimik na imbestigasyon hanggang kailangan.

At oras na umaksyon, huli ka.

Sa pagiging pugante ni Co, sino ang maniniwala na hindi sa lahat ng oras ay naka-monitor si Bongbong sa kanyang mga kilos sa Europa?   At sa pagkaaresto sa puganteng koraptor ngayon, ang Pangulo pa ang unang-unang magbabalita.  Napakalalim ni Bongbong upang di masapol ang talagang inisip ng mga katunggali tulad ni Roque.  Sisiguruhin ni Bongbong ang maximum security sa pangangalaga sa kaligtasan ni Co at sa pag-iral ng katotohanan at pawang katotohanan lamang.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -