IKINAALARMA ni Senate Committee on Labor at Committee on Migrant Workers Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang lumalalang bilang ng ating mga kababayan na nabibiktima ng illegal recruitment, human trafficking at scams.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor and Employment and Human Resources Development joint with Committee on Migrant Workers noong April 30, binigyang-diin ni Sen. Raffy na madaming OFW ang nawalan ng trabaho dahil sa krisis sa Middle East na napilitan na lang umuwi ng bansa at ngayo’y walang pangkabuhayan.
Bukod pa rito, maraming negosyo ang nahihirapang bumangon at magsara kaya naman napipilitang sumugal sa mga online job hiring ang ating mga kababayan para magkaroon ng maayos na hanapbuhay.
Ayon kay Sen. Tulfo nagbubukas ito ng oportunidad sa mga illegal recruiters upang mapalago ang kanilang human trafficking schemes lalo pa’t kadalasang kapit patalim na ang ating mga kababayan para kumita.
Isa sa mga ibinahaging insidente ni Senator Tulfo ay ang reklamong idinulog sa kanya ng tatlong Pilipinang dating OFWs sa Malaysia kung saan pinagtrabaho sila bilang sex workers bagay na taliwas sa nasa kanilang kontrata bilang massage therapists.
Kwento nila pang front lang pala ng mga employer ang spa business at hindi nila lubos maisip na sex worker pala ang kanilang aktwal na trabaho. Dagdag pa nila sa pagdinig, may mga pagkakataon ding nilalagyan ng powder at drogang ecstasy ang kanilang mga inumin saka sila pagsasamantalahan.
Ayon kay Sen Tulfo, hindi ito katanggap-katanggap at dapat ay mahigpit itong natututukan sa pamamagitan ng strict monitoring ng mga ahensya ng gobyerno partikular na ang mga departamento DICT, IACAT, DOLE, Bureau of Immigration (BI)) at DMW para mapigilan ang mga iligal na mga recruitment na naglipana sa online.
Isa pa sa mahigpit na inirekomenda ni Sen Raffy sa DMW ay dapat i-require nito ang OFW na magtatrabaho bilang singer, dancer, entertainer, na maging TESDA certified upang matiyak na talaga qualified sila para sa trabaho at para na rin mamonitor ang lugar ng kanilang deployment kung ito ba ay lehtimo at maiwasang mabiktima sila ng sex at human trafficking abroad.
Muling kinalampag ni Sen Tulfo ang DMW sapagkat matagal na niyang inobliga ang nasabing ahensya na dapat pagkatapos madeploy ng OFW ay may monitoring sila sa sitwasyon ng mga ito bagay na hanggang sa mga oras na ito ay marami pa ring nakakalusot na problemadong OFWs.
Sa huli, inobliga ni Sen. Raffy na dapat ay makasuhan at mapanagot agad ang mga bogus at fly by night recruitment agencies na kanyang isinumite sa DMW upang matuldukan na ang naglipanang illegal recruiters na nagsasagawa ng human trafficking gayundin ang may masampolan sa kanila.



