NAGBIGAY si Senador Bam Aquino ng kanyang pahayag sa Senado kahapon, Miyerkules, para mag-sponsor ng isang resolusyon upang papurihan at batiin ang Filipino P-pop group na BINI dahil sa kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa California, USA.

“I rise today to sponsor a resolution congratulating and commending the Filipino P-pop group, BINI, for their historic performance at the Coachella Valley Music and Arts Festival in California, USA.

“Sa kauna-unahang pagkakataon, isang Filipino group ang nagtanghal sa isa sa pinakamalaki at pinakasikat na music festivals sa buong mundo. Masasabi natin na ang tagumpay na ito ay isang Salamin ng galing at talento ng Pilipino sa pandaigdigang entablado.
“Ang tagumpay ng BINI ay isang panalong dapat ipagdiwang sa gitna ng mga hamon at krisis na kinakaharap ng ating bansa. Sa kanilang pagtatanghal sa Coachella, ipinamalas nila ang ating Filipino Pride sa pamamagitan ng pagsasama ng mga tradisyonal at Pantropiko na elemento sa kanilang mga kasuotan, musika, at koreograpiya. The Cherry On Top was when BINI introduced themselves in their native languages.
“Higit pa rito, ang kanilang tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon sa napakaraming kabataang Pilipino na mangarap at maniwala na kaya rin nilang maabot ang world stage. Sa bawat hakbang ng kanilang karera, ipinakita ng BINI ang antas ng dedikasyon at disiplina na kailangan upang magtagumpay sa global arena.
”Mr. President, ang tagumpay na ito ay hindi lamang panalo para sa industriya ng musika, kundi para sa buong Pilipinas. Pinatutunayan nito ang lumalaking potensyal ng ating creative economy at ang kakayahan nitong magbigay ng dangal at oportunidad sa ating mga kababayan sa buong mundo.
“Kaya naman, Mr. President, Huwag Muna Tayong Umuwi hangga’t hindi natin naipapasa ang resolusyong ito bilang pagkilala sa pambihirang tagumpay ng BINI.
Kaya muli po, congratulations kay Maloi, kay Mikha, kay Sheena, kay Jhoanna, kay Gwen, kay Stacey, kay Aiah, at kay Colet, sa BINI. Ito po’y panalo para sa bawat Pilipino.”

