26.4 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 22, 2026

Kailan epektibo ang pagtataas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng interest rate?

BUHAY AT EKONOMIYA     

- Advertisement -
- Advertisement -

KAMAKAILAN ay itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pangunahing interest rate sa antas na 4.5% bunga ng pagbulusok ng inflation rate sa 7.2% noong Abril. Ang desisyong ito ng Lupon ng Pananalapi ng BSP ay upang mahupa ang inflation rate at pigilin ang patuloy na depresasyon ng PH piso. Sa maikling sanaysay na ito ay susuriin ko kung angkop ba ang mahigpit na patakarang pananalapi na ipinatutupad ng Bangko Sentral sa pagtugon sa panloob at panlabas na katatagan ng PH piso.

Ang inflation rate na 7.2% na naitala noong Abril ay napakabilis at ito ay lagpas na tinatarget na inflation ng BSP na hanggang 4% lamang.  Patuloy na tumaas ang inflation mula pa noong Febrero na naitala lamang sa 2.4% at tumaas pa ito sa 4.1 % noong Marso sa taong kasalukuyan.  Dalawang pangunahing dahilan ang ibinibigay ng BSP sa pagbilis ng inflation rate. Una, ang krisis sa Gitnang Silangan na nagpataas sa presyo ng krudong langis at produktong petroleo bunga ng pagkitid ng suplay ng langis sa buong mundo. Dahil ang mga produktong petroleo ay ginagamit ng maraming ekonomikong sektor sa produksiyon at distribusyon nagtaasan din ang presyo ng kanilang produkto at serbisyo.  Ikalawa, ang pagtaas ng presyo ng mga pagkaing butil dahil sa tagtuyot na epekto ng El Niño. Nakaragdag din sa pagbilis ng inflation rate ang napakababang 1.4 % naitala noong Abril noong nakaraang taon.

Tulad ng nabanggit natin sa mga nakaraang artikulo sa kolum na ito ang pagtaas ng presyo ay bunga labis na demand relatibo sa suplay ng mga produkto at serbsiyo. Dalawang dahilan ang maaaring mauwi sa labis na demand. Una, ang pagtaas ng demand at walang pagbabago sa suplay. Ikalawa, walang pagbabago sa demand ngunit bumababa ang suplay.   Sa nararanasan ng ekonomiya ng Pilipinas sa kasalukuyan, nagkukulang ang suplay ng mga produkto at serbisyo bunga ng krisis sa Gitnang Silangan at ang epekto ng El Niño na nauna nang binanggit.

Ang pagtaas ng interest rate ng BSP ay isang paraan upang mahupa ang inflation rate. Sa pagtaas ng interest rate nagiging mahal ang presyo ng salapi kaya’t hihigpitan ng mga mamimili ang kanilang pagkonsumo. Ang patakaraang ito ay angkop at mabisa kung ang inflation rate ay bunga ng pagtaas ng pangkalahatang demand habang ang pangkalahatang suplay ay hindi nagbabago. Ang problema natin sa mabilis na inflation rate sa kasalukuyan ay nakaugat sa pagbaba ng pangkalahatang suplay. Sa ganitong kundisyon, labis pa rin ang pangkalahatang demand sa pananaw ng BSP dahil bumaba ang pangkalahatang suplay kahit hindi naman nagbabago ang pangkalahatang demand.

Sa aking pananaw, ang pagtaas ng interest rate ay hindi matutugunan ang pagtaas ng presyo ng produktong petroleo at pagbabawas ng prodksiyon ng pagkaing butil bunga ng tagtuyot. Ang ginagawa ng pagtaas ng interest rate ay lalong pinahihirapan ang mga mamimili at negosyante na napipilitang magtipid dahil tumaas na nga ang presyo ng mga produkto at serbisyo ay tumaas pa rin ang presyo ng salaping gagamitin nila sa pagkonsumo at pangangapital.


Sa aking palagay nahuhupa ang inflation rate ngunit sa napabigat na sakripisyo sa mga mamimili at negosyante. Idagdag pa rito, dahil bumababa ang pangkalahatang demand upang tugunan ang bumababang suplay nauuwi ito mabagal sa paglaking ekonomiko at maaaring mauwi sa desempleyo. Sa harap ng mataas na inflation rate ang malawakang desempleyo nagbabadyang pumasok ang ekonomiya sa panahon ng stagflation. Wala ring nagagawa ang pagtaas ng interest rate sa pagpapalawak ng kakulangan ng suplay-ang pangunahing ugat sa bumibilis na presyo ng mga produkto at serbisyo.

Sa kabilang dako, ang pagtaas ng interest rate ay maaaring angkop at epektibo sa pagpapahupa sa depresasyon ng PH piso.

Ang eksternal na halaga ng PH piso ay bumababa bunga ng dalawang sanhi: ang lumalalang deficit sa kalakalan dahil sa labis na inaangkat kung ihahambing sa iniluluwas; at ikalawa, ang paglabas ng pondong US dolyar mula sa Pilipinas upang ilagak sa ibang mga bansang may matatatag na bilihan sa mga pondong pananalapi.

Sa aking palagay ang ginagawa ng pagtaas ng interest rate ay hindi nakatuon sa pagpapakitid ng inaangkat o pagpapalawak ng iniluluwas bagkus ginagawang mahal ang presyo ng PH piso upang magamit sa pagbili ng US dolyar at ilipat ito sa ibang bansa. Dahil nagiging mahal ang paghawak ng PH piso napipigilan ang mga negosyante na mamili ng US dolyar gamit ang mahal na PH piso.

- Advertisement -

Dahil sa pagtaas ng interest rate sa loob ng Pilipinas, maaaring maenganyo ang mga negosyante sa ibang bansa na ilagak ang kanilang pondong US dolyar sa Pilipinas at ipagpalit sa PH piso dahil mataas na balik sa PH piso bunga ng mataas na interest rate.

Samakatuwid, mas angkop at mas mabisa ang mahigpit na patakarang pananalapi upang mapatatag ang eksternal na halaga ng PH piso sa halip na patatagin ang internal na halaga ng PH piso na ipinakikita sa matatag na presyo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -