UNCLE, may nabasa akong bagong konsepto. Ang tawag daw ay “Die With Zero.” Ang ibig sabihin, gastusin mo raw ang yaman mo habang malakas ka pa at kaya mo pang mag-enjoy, imbes na ipunin lahat para sa pamana o ipagpaliban ang sarap ng buhay pag matanda ka na.
Naku, Juan, kung sa Amerika o sa Europa yan, baka posible! Kasi ang social security system nila pagdating sa pension at healthcare ay maganda at kaya kang suportahan.
Pero sa Pilipinas? Iyan ang mahirap intindihin! Paano mo gagawin ‘yan kung ang daming umaasa na kapamilya sa yo kahit retired ka na. Mahirap ding asahan ang gobyerno lalo na sa suporta sa pagkakasakit pag matanda ka na at wala kang pera. Ang “Die With Zero” sa ating konteksto puedeng maging “Die with Burden” lalo na kung walang tutulong sa yo, hindi ba?
Ang “Die With Zero” o DWZ philosophy, na minungkahi ni Bill Perkins, ay nagsasabing dapat nating i-maximize ang ating mga karanasan sa buhay habang tayo ay bata pa at malakas, imbes na mag-ipon nang sobra para sa puedeng ipamana o ipagpaliban ang pag-enjoy para sa kinabukasan na gusto mong protektahan kung ikaw ay matanda na at wala ng oportunidad na magtrabaho at kumita. Ang ideya ay gamitin ang pera para sa mga experiences – paglalakbay, pag-aaral, hobbies – na nagbibigay ng pinakamalaking halaga sa buhay at siguraduhin na ang ating yaman ay “maubos” nang sabay sa ating buhay, nang hindi nagiging pabigat sa iba.
Napaka-simpleng ideya. Pero sa Pilipinas, Juan, ibang usapan ‘yan! Ang ating pananaw sa pera at pamilya ay malalim ang ugat sa kultura, at tila salungat sa prinsipyong DWZ.
Una, may Ilan sa atin na iniisip na mahalaga ang pagbibigay ng pamana sa anak kung ikaw ay wala na. Sa kanila, ang mana ay hindi lang basta pera o ari-arian; ito ay simbolo ng pagmamahal, paghahanda ng magulang para sa kinabukasan ng anak, at pagtataguyod ng pamilya. Ang pag-iiwan ng mana ay itinuturing na isang obligasyon, isang paraan upang magkaroon ng “head start” ang mga anak sa buhay. Ang DWZ ay maaaring ituring na kapabayaan o pagiging madamot sa kapamilya.
Pangalawa, malalim ang konsepto ng “utang na loob” at pag-aalaga sa mga magulang sa kanilang pagtanda. Maraming magulang ang nag-iisip na ang kanilang mga anak ang mag-aalaga sa kanila, financially man o physically. Kung ang magulang ay “mamatay nang walang pera,” ang bigat ay direktang mapupunta sa mga anak, na tila kabaligtaran ng layunin ng DWZ na maging hindi pabigat.
Pangatlo, sa ating bansa, kung saan limitado ang social safety nets at healthcare, ang pagkakaroon ng ipon para sa “baon sa pagtanda” o emergency fund ay napakahalaga. Ang DWZ ay puedeng magdulot ng pangamba sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng sakit, natural disaster, o matagalang pangangailangan sa pag-aalaga.
At panghuli, ang pagiging bukas-palad at pagtulong sa kapamilya at kaibigan ay bahagi ng ating pagka-Pilipino. Ang purong DWZ, na nagtutulak sa personal maximization ng experiences, ay maaaring tingnan bilang pagiging masyadong nakasentro sa sarili, lalo na kung ang pamilya ay nahihirapan.
May negatibong financial impact ang DWZ sa konteksyo nating mga Pilipino.
Una, kung walang sapat na pagpaplano at talagang “mauubos” ang lahat ng pera, may malaking tsansa na ang magulang ay maging pabigat sa kanilang mga anak, lalo na kung matagal silang mabubuhay at magkakasakit. Ito ay salungat sa layunin ng DWZ na maging financially responsible.
Pangalawa, maaari itong magdulot ng matinding samaan ng loob at pagkasira ng relasyon sa pamilya, lalo na kung hindi nauunawaan ang iyong intensyon.
At pangatlo, imbes na maging stress-free, maaaring magdulot ito ng matinding psychological pressure sa magulang na “ubusin ang pera” habang nakakaranas ng pangamba sa kinabukasan.
Marahil sng isang alternatibo ng Die with Zero na mas akma sa atin ay ang “Live Fully, Leave Wisely” o “Enjoy Now, Plan Later for Legacy.” Ito ay isang adaptasyon na isinasama ang mga prinsipyo ng DWZ sa ating kultural na konteksto. Puede nating ipatupad ang BUHAY na stratehiya.
B- udget ang dapat ihanda para sa mga karanasan na nagpapayaman sa buhay – paglalakbay, hobbies, pag-aaral ng bagong skill. Ito ay nagbibigay ng kaligayahan at memories, na mahalaga para sa mental health. Ngunit siguraduhin na mayroon pa ring nakatabi para hindi mauwi sa pagkaubos ng pondo.
U – nahin ang pagtaguyod ng isang matibay na retirement plan at emergency fund habang bata pa. Mag-invest sa health insurance at PhilHealth para hindi maging pabigat sa mga anak sakaling magkasakit. Ito ang iyong “zero” safety net – para sigurado kang hindi ka magiging burden.
Ito ay magbibigay ng peace of mind, magproprotekta sa sarili at sa pamilya mula sa biglaang financial shocks, at sumusunod sa diwa ng “financial responsibility.”
H- uwag tayong masyadong OA sa pagpapahalaga sa pagbibigay ng pamanang pera o property sa ating pamilya. Unahin natin ang ating mga sarili, o self-love ika nga, lalo na kung mabibiyayaan tayo ng mahabang buhay. Sapat na maiwanan natin ng pamanang edukasyon, values, o life lessons ang ating mga anak na mas mahalaga kaysa anumang salapi.
A- sikasuhin ang pagkakaroon ng komunikasyon sa pamilya tungkol sa iyong mga financial plans at ang iyong pananaw sa DWZ. Ipaliwanag na ang layunin mo ay mag-enjoy sa buhay, ngunit hindi sila pababayaan. Bigyang diin ang kahalagahan ng kanilang sariling financial independence. Maiiwasan ang samaan ng loob, nagbibigay linaw sa expectations, at nagtuturo ng financial literacy sa mga anak.
Y -aman ng ating bansa ay gamitin sa mga tamang social safety net projects na magdudulot ng mas mataas na pensyon at epektibong health care system. Ang DWZ ay magagawa mo lang kung sigurado tayo na may maaasahan tayo sa gobyerno sa ating pagtanda na hindi tayo matatakot kung wala tayong sapat na ipon para matustusan ang mga pangangailangan lalo na pagdating sa kalusugan.
Sa huli, Juan, ang pag-iisip na “Die With Zero” ay isang challenge sa ating nakaugaliang pananaw sa yaman. Hindi ito nangangahulugang maging iresponsable o madamot.
Bagkus, ito ay isang paalala na ang buhay ay dapat i-enjoy at ang mga karanasan ay dapat pahalagahan. Ngunit bilang Pilipino, kailangan nating hanapin ang tamang balanse – ang kakayahang mag-enjoy sa ating pinaghirapan, habang tinitiyak ang seguridad ng ating pagtanda. Ito ang tunay na “Live Fully, Leave Wisely” para sa ating lahat.
Pero malaki ang hamon sa ating gobyerno na magbigay ng karampatang budget para sa ikagaganda ng ating social pension at healthcare systems. Sa totoo lang, kulang ang pensyon na binibigay, lalo na sa pribadong insurance tulad ng SSS, para mabuhay ka ng disente na hindi ka aasa sa anak o sa ibang tao sa iba pang mga pangangailangan. Ganun din sa health care na kulang din ang suporta ng Philhealth lalo na kung nagkasakit ka ng malala at kailangan ng mahabang gamutan.
Kaya dahil sa Pilipinas, pag wala kang pera sa iyong pagtanda ay para kang kawawa at walang silbi, takot na takot tayong magretire, magkasakit, gumastos sa pagbabakasyon, o tumanda ng walang ipon. Kung tutuusin, pagkatapos ng maraming taon ng pagsasakripisyo para sa pamilya, siguro naman deserve natin ang magpahinga at enjoyin ang nalalabi pa nating panahon sa mundong ito. Kaya kailangan magkaroon ng kapakipakinabang at malakas na sistema at polisiya para aa isang social safety net na angkop sa tamang suporta para mabuhay ng disente at may dignidad ang dumadaming retired at matanda ng ating henerasyon.

