29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Dapat resolbahin ng Comelec ang mga kaso ng disqualification, nuisance candidates bago ang halalan – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Upang hindi makompromiso ang integridad at kaligtasan ng eleksyon, dapat mabilis na kumilos ang Commission on Elections (Comelec) para resolbahin ang mga kaso ng disqualification, kabilang ang mga kasong kinasasangkutan ng mga nuisance candidate.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1061 o An Act Providing An Additional Ground for Canceling the Certificate of Candidacy of a Nuisance Candidate and Make the Acts of Nuisance Candidate an Election Offense, Amending Sections 69, 261 (CC) and 264 of Batas Pambansa Blg. 881, o mas kilala bilang Omnibus Election Code of the Philippines.

Sabi ni Gatchalian, kung maagap ang pagresolba ng mga kaso ng disqualification at nuisance candidates ay maiiwasan ang iba’t ibang uri ng tensiyon sa pulitika at maaari nitong hadlangan ang hindi maayos na mga salungatan sa pagitan ng mga pulitiko. Binigay halimbawa ng senador ang kaso ng pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Inihayag ng Comelec si Degamo bilang bagong nanalo sa 2022 Negros Oriental gubernatorial race noong Oktubre ng nakaraang taon matapos ilipat sa kanya ng poll body ang mga boto na nakuha ng kandidatong “Ruel G. Degamo” na idineklara bilang nuisance candidate apat na buwan pagkatapos ng halalan. Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Comelec noong nakaraang buwan.

“Layon ng panukalang batas na pigilan ang umuusbong na hindi etikal na electoral practice ng ilang indibidwal na kumikita mula sa halalan sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang mga pangalan na may layuning abusuhin ang sistema na sumisira sa mithiin ng karapatang pagboto at malayang halalan. Dapat matigil na ang ganitong gawain at ang pagtukoy at pagpaparusa sa mga gawaing ito ay tamang hakbang upang protektahan ang ating demokrasya,” sabi ni Gatchalian.

Nakasaad sa panukala ni Gatchalian na ang mga nais lang na makakuha ng pera o anumang kita o kaparehong konsiderasyon sa paghahain ng certificate of candidacy (CoC) ay maituturing na isang nuisance candidate. Sa ilalim ng umiiral na batas, ang mga kandidatong itinuturing na nuisance candidate ay ang mga naglalayong ilagay ang proseso ng halalan sa pangungutya o kasiraan, nagdudulot ng kalituhan sa mga botante dahil sa paggamit ng parehong pangalan ng mga rehistradong kandidato, at wala talagang intensyong tumakbo para sa pampublikong katungkulan batay sa mga ipinapakitang kilos o batay sa sitwasyon.

Samantala, nauna nang sinabi ng Comelec na ililipat nito ang paghahain ng certificate of candidacy (CoC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) tatlong buwan bago ang botohan sa Oktubre 30 upang magkaroon ito ng sapat na panahon upang malutas ang mga kaso ng disqualification at nuisance candidates.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -