Salin mula sa Tuesdays with Morrie
NANG sumunod na Martes, dumating akong dala ang aking nakagawian nang bag na puno ng mga pagkain — pasta na may mais, potato salad, apple cobbler—at isa pa: isang Sony tape recorder.
“Gusto kong maalala kung ano ang pinag-usapan natin,” sabi ko kay Morrie. “Gusto kong makuha ang boses mo para puwede ko itong pakinggan sa kalaunan.”
“Kapag patay na ako.”
“Huwag mong sabihin ‘yan.”
Tumawa siya. “Mitch, mamamatay naman talaga ako. Hindi matagal pa, malapit na.”
Tiningnan niya ang bagong makina. “Ang laki,” sabi niya. Pakiramdam ko’y nanghihimasok ako, tulad ng iba pang mga reporter, at nagsimula kong isipin na ang isang tape recorder sa pagitan ng dalawang taong naturingang magkaibiga’y isang kakaibang bagay, isang tengang artipisyal. Sa dami ng mga taong nag-aagawan sa kanyang oras, siguro’y masyado akong maraming oras na nakukuha sa kanyang mga Martes.
“Sandali,” sabi ko, habang binubuhat ang recorder. “Hindi natin kailangang gamitin ito. Kung hindi ka kumportable dito—”
Pinatigil niya ako, iwinawagayway ang hintuturo, at tinanggal niya ang kanyang salamin, hinayaan itong bumitin sa taling nakasabit sa kanyang leeg. Tumingin siya nang diretso sa aking mga mata. “Ibaba mo ‘yan,” sabi niya.
Ibinaba ko ito.
“Mitch,” pagpapatuloy niya, mahina na ang boses ngayon, “hindi mo naiintindihan. Gusto kong sabihin sa iyo ang aking buhay. Gusto kong sabihin ito sa iyo dahil baka hindi ko na ito masabi pa.”
Bumaba sa isang bulong ang kanyang boses. “Gusto kong marinig ng ibang tao ang aking kuwento. Puwede ka ba?”
Tumango ako.
Tahimik lang kaming umupo nang ilang segundo.
“Okay,” sabi niya. “Naka on na ba ‘yan?”
Sa totoo lang, ang tape recorder na ‘yan ay hindi lamang isang uri ng pag-aalala. Nawawala ko na si Morrie, mawawala na si Morrie sa aming lahat — ang kanyang pamilya, mga kaibigan, mga dating estudyante, mga kasama niyang propesor, mga kaibigan sa discussion group na mahal na mahal niya, mga dating kasama sa pagsayaw, kaming lahat. At sa tingin ko ang mga tapes, tulad ng mga litrato at video, ay isang desperadong paraan para magnakaw ng isang bagay mula sa maleta ng kamatayan.
Pero nagiging mas malinaw na rin sa akin — sa pamamagitan ng kanyang tapang, mga biro, pagiging pasensiyoso, at pagiging bukas — na si Morrie ay tumitingin sa buhay mula sa isang sobrang kakaibang lugar kaysa sa sino pa mang kilala ko. Isang mas kaaya-ayang lugar. Isang mas matinong lugar. At malapit na siyang mamatay.
Kung may anumang malinaw na isipang mistika ang dumating sa kanya nang tinitigan niya ang kamatayan, alam kong gusto itong ibahagi ni Morrie. At gusto ko rin itong maalala hanggang sa kung kailan ko ito kaya.
Nang una kong makita si Morrie sa “Nightline,” inisip ko kung ano ang mga pagsisisi niya nang malaman niyang malapit na siyang mamatay. Nalungkot ba siya sa mga nawalang kaibigan? May mga bagay ba siyang dapat ay ginawa nang iba? Inisip ko na kung ako angnasa lugar niya, mapupuno ba ako ng kalungkutan sa kakaisip sa lahat ng aking hahanap-hanapin? Pagsisisihan ko ba ang mgasikretong aking itinago?
Nang sinabi ko ang mga ito kay Morrie, tumango lang siya. “Yan din ang inaalala ng karamihan, hindi ba? Na ano kung ito na nga ang huling araw niya sa mundo?” Tiningnan niya ang aking mukha, at siguro’y nakita niya ang kawalan ng katiyakan sa aking mga pinagpipilian. Mayroon akong bisyon na isang araw ay tutumba na lang ako mula sa aking silya, habang nasa gitna ng pagsusulat ng iisang istorya, at kukunin ng aking mga editor sa aking kamay ang istorya ko habang inilalayo ng mga mediko ang aking bangkay.
“Mitch?” sabi ni Morrie.
Umiling ako at wala kong sinabi. Pero naiintindihan ni Morrie ang aking pagbabantulot.
“Mitch,” sabi niya, “hindi tayo itinutulak ng ating kulturang isipin ang mga bagay na ito hanggang malapit na tayong mamatay. Masyado tayong nakatutok sa mga pansariling bagay, sa trabaho, pamilya, pagkakaroon ng sapat na pera, pambayad sa bahay, pagbili ng bagong kotse, pag-ayos ng radiator pag nasira ito—nakatutok tayo sa trilyones na maliliit na bagay para lang tayo makaandar. Kaya hindi tayo nagkakaron ng ugaling maglalakad nang paurong at tumingin sa ating buhay at sabihing, Ito lang ba? Ito lang ba angaking gusto? May kulang ba?”
Tumigil siya sandali.
“Kailangan mo ng isang taong magtatanong sa iyo ng mga ganitong bagay. Hindi naman awtomatik lang na nangyayari ang mga ito.”
Alam ko ang kanyang ibig sabihin. Kailangan natin ng mga titser sa ating mga buhay.
At ang akin ay nakaupo sa aking harapan. Okay, naisip ko. Kung ako ang magiging estudyante, ang gagawin ko’y magiging estudyante akong magaling sa abot ng aking
makakaya.
***
Sa eroplano pauwi nang araw na iyon, gumawa ako ng maliit na listahan sa aking yellow pad paper, mga isyu at tanong na ating kinakaharap, mula sa kaligayahan hanggang sa pagtanda hanggang sa pagkakaroon ng mga anak hanggang sa kamatayan. Sa totoo lang,marami namang mga self-help na librong tumatalakay sa mga ito, at marami ring mga cable shows sa telebisyon, at konsultasyon na nagkakahalaga ng $90 bawat oras.
Ang Amerika’y naging isa ng malaking Persian bazaar ng mga bagay na makatutulong sa sarili. Pero parang wala pa ring malinaw na mga sagot. Aalagan mo ba ang ibang mga tao, o aalagaan mo ang batang nasa loob ng iyong sarili? Babalik sa mga tradisyunal na paniniwala o titingnang walang pakinabang ang tradisyon? Maghahanap ng tagumpay o simpleng buhay lang? Magsasabi ba ng ayaw o gagawin mo na lang?
Ito lamang ang tanging alam ko: si Morrie, ang aking matandang propesor, ay wala sa negosyo ng pagtulong sa sarili. Nakatayo siya sa riles ng tren, nakikinig sa sipol ng tren ng kamatayan, at malinaw na malinaw sa kanya ang mga mahalagang bagay sa buhay.
Gusto ko ang linaw na iyan. Alam kong ang lahat ng mga naguguluhan at nahihirapang mga kaluluwa’y gusto ang linaw na iyan.
“Tanungin mo ako ng maski ano,” laging sinasabi ni Morrie. Kaya isinulat ko:
Kamatayan
Takot
Pagtanda
Pagkaganid
Pag-aasawa
Pamilya
Lipunan
Pagpapatawad
Isang buhay na may halaga
Nasa bag ko ang listahan ng bumalik ako sa Newton sa ika-apat na pagkakataon, isang Martes nang matatapos na ang Agosto, kung saan nasira ang air-conditioner sa Logan Airport terminal, at nagpapaypay ang mga tao at galit na nagpupunas ng pawis mula sakanilang mga noo, at sa bawat mukha’y makikita ko ang tingin na handa nang makapatay ng isang tao.
Nag magsimula ang aking ikaapat na taon sa kolehiyo, marami na akong nakuahang mga klase sa Sociology, ilang units na lamang ay puwede na akong magkaroon ng degree rito. Nag-suggest si Morrie na gumawa ako ng isang honor’s thesis.
Ako? Tanong ko. Ano naman ang isusulat ko? “Kung ano ang nakaka-interes sa iyo,” sabi niya.
Pinag-usapan namin ito nang paulit-ulit, hanggang sa makapag-desisyon kami na susulat ako, sa lahat pa ng bagay na maaaring isulat, tungkol sa sports. Nagsimula ako sa isangproyektong umabot ng isang taon tungkol sa kung paanong ang football sa Amerika’y naging isang ritwal. Halos isa nang relihiyon, isang opium para sa mga masa. Hindi ko alam na paghahanda na pala ito sa aking magiging career sa hinaharap. Ang alam ko lang noo’y binigyan ako nito ng isa pang lingguhang sesyon kay Morrie.
At, tulong niya, nang dumating ang tagsibol ay mayroon na akong tesis na umabot ng 112 pahina, sinaliksik ko, nilagyan ng mga footnote, dokumentado, at malinis na ipinabind sa itim na katad. Ipinakita ko ito kay Morrie na may hambog ng isang Little League na tumatakbo sa field sa unang pagkakataon.
“Congratulations,” sabi ni Morrie.
Ngumiti ako habang binabasa niya ito, at tumingin ako palibot ng kanyang opisina. Ang mga lalagyan ng libro, ang kahoy na sahig, ang karpet, ang sopa. Inisip ko na naupuan ko na ang halos lahat ng puwedeng maupuan sa kuwartong ito.
“Hindi ko alam, Mitch,” sabi ni Morrie nang nag-iisip, inaayos ang kanyang salamin habang nagbabasa, “kapag ganito ang iyong trabaho, puwede ka naming kunin uli para sa graduate school.”
“Yeah, right,” sinabi ko.
Ngumisi ako, pero sandalling natuwa ako sa ideyang iyon. Ang isang bahagi ng sarili ko’y takot umalis ng iskwelahan. Ang isang bahagi nama’y desperado nang makaalis. Ang tensyion ng magkabilang panig. Pinanood ko si Morrie habang binabasa niya ang aking tesis, at inisip ko kung gaano kalaki ang mundo sa labas.