30.6 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Mga dating bilanggo tinulungang magkahanapbuhay

- Advertisement -
- Advertisement -

NABIGYAN ng pagkakataon para mapabilang na maging benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Disadvantaged Workers o Tupad ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga dating bilanggo sa Marinduque Provincial Jail.

Ayon kay DoLE Marinduque provincial director Philip Alano, 15 dating persons deprived of liberty (PDL) ang tumanggap ng payout matapos magtrabaho ng 15 araw sa komunidad.

“Sila po ay tumulong sa mga gawaing pangkomunidad tulad ng paglilinis, pagtatanim, at pagkukumpuni ng mga kagamitan at pasilidad sa loob ng 15 araw kaya ngayon ay matatamasa na nila ang pinakahihintay na bunga ng kanilang pinagtrabahuhan,” pahayag ni Alano.

Dagdag pa ng panlalawigang direktor, maaari nang makuha ng mga benepisyaryo ang kanilang sahod sa partner remittance center kung saan ang bawat isa ay makatatanggap ng P5,325 o P395 kada araw na sweldo na nakaayon sa bagong minimum wage order ng Mimaropa.

“Hindi ko po akalain na mapapasama ako sa Tupad. Masaya po ako sa naging trabaho ko sa paaralan at natuwa naman po ang punong-guro sa aming serbisyo. Salamat po at mayroong Tupad para sa amin. Nakakagana po lalong magsumikap at muling maghanap ng disenteng trabaho kapag ganito po ang pagtanggap sa amin,” wika ng isang dating PDL na nagmula sa bayan ng Santa Cruz.

Katuwang ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Livelihood and Manpower Development-Public Employment Service Office (LMD-PESO) sa pangunguna ni Provincial PESO manager Alma Timtiman at sa pakikiisa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Marinduque Provincial Jail na pinamumunuan ni provincial warden Ronaldo Togonon, matagumpay na naisakatuparan ang pagbibigay ng agarang trabaho para sa mga dating nabibilang sa grupo ng PDL.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, hindi madali ang paghahanap ng trabaho para sa mga ito lalo na at sila ay pinangungunahan ng takot, kaba, at kasama na ang mga matang mapanghusga dahil sa kanilang naging karanasan. Gayunpaman, ang hiling ni Provincial Warden Togonon sampo ng dating mga PDL ay walang pag-aalinlangang tinugunan ng kagawaran.

Sa pagtatapos ng programa ay ipinaliwanag rin ni Alano na ang mga proyekto ng DoLE na katulad ng Tupad ay nakalaan upang maipaabot ang tulong lalo na sa mga sektor na lubos na nangangailangan.

Bukod sa hanapbuhay, hangad ng kagawaran na ang mga programang ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ay maging simbolo ng pag-asa sa pagsisimula ng kanilang bagong buhay. (RAMJR/PIA Mimaropa – Marinduque)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -