TUMANGGAP ng starter toolkits mula sa pamahalaang panlalawigan ang mga butterfly breeder sa probinsya ng Marinduque nitong Huwebes, Pebrero 1.
Ayon kay Dr. Zoraida Amper, provincial director ng Tesda-Marinduque, ang 67 benepisyaryo na nabigyan ng mga starter toolkit ay ang mga nagsipagtapos ng Butterfly Production Level II mula sa iba’t ibang training center sa lalawigan.
Nasa 25 na mga graduate mula sa Buyabod School of Arts and Trades (BSAT), 22 mula sa Torrijos Poblacion School of Arts and Trades (TPSAT) at 20 mula sa Provincial Training Center ang dumalo sa naturang pamamahagi na pinangunahan ni Provincial Administrator Vincent Michael Velasco kasama si Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office Manager Alma Timtiman at mga opisyal ng Tesda-Marinduque.
“Layunin ng programang ito na ang mga graduate sa Tesda na kumuha ng Butterfly Production Level II ay mabigyan ng mga materyales na magagamit sa pag-aalaga ng paru-paru gayundin para makapagsimula ng sarili nilang negosyo na tiyak makatutulong upang madagdagan ang kanilang kita,” pahayag ni Amper.
Sinabi naman ni Velasco na sa pamamagitan ng pagpapakita ng ganda at potensyal ng butterfly farming sa probinsya ay maaaring mas maraming mga bisita ang ma-engganyo at magkaroon ng interes sa Marinduque.”Sa patuloy na suporta at pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan at ng TESDA, sabay-sabay po nating payabungin ang butterfly industry sa lalawigan at maging pinakamalaking tahanan ng mga paru-paru sa buong bansa,” saad ng panlalawigang administrador.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ay 2 aerial net o sigpaw, 25 piraso ng fine mesh net, 5 piraso ng cocolumber, 2 piraso ng good lumber at isang plywood na may kabuuang halaga na P4,270 habang aabot sa P350,000 ang pondong inilaan dito ng ahensya.
“Labis-labis po ang aking pasasalamat sa Tesda lalong lalo na sa Buyabod School of Arts and Trades (BSAT) dahil sa training ng Butterfly Production II, ngayon po ay isa na rin ako sa tagapagturo ng short term course na ito,” wika ni Minerva Sadol, isa sa mga graduate sa Tesda-BSAT-Sta. Cruz.
Ang Butterfly Production Level II ay ipinagmamalaki ng Tesda sapagkat isa itong school based program na nabuo dahil sa pinagsama-samang adhikain at pangangailangan ng mga nasa sektor ng agrikultura, pangkagubatan at pangisdaan sa Marinduque bukod pa sa hangaring panatilihin na Butterfly Capital of the Philippines ang probinsya. (RAMJR/PIA Mimaropa – Marinduque)