30.2 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

DoH nagbigay ng paalala para maging ligtas sa epekto ng oil spill

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGBIGAY ng mga paalala ang Department of Health (DoH) sa mga residente ng Gitnang Luzon upang manatiling ligtas mula sa mga posibleng epekto sa kalusugan dulot ng oil spill.

Ito ay kaugnay ng pagtagas ng langis mula sa sunud-sunod na insidente sa karagatan sa lalawigan ng Bataan, kabilang ang paglubog ng dalawang barko na MTKR Terranova sa Limay at MTKR Jason Bradley sa Mariveles, at ang pagkakabalahaw ng MV Mirola 1 sa baybayin ng Mariveles noong nakaraang habagat na pinalakas ng bagyong Carina.

Ipinaliwanag ni Jose Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) Center for Toxicology and Biomarine Poisoning Head Leslie Garcia na ang oil spill ay tumutukoy sa pagkalat ng langis o krudo mula sa tanker o barko dahil sa aksidente o hindi inaasahang pangyayari habang nasa karagatan.

“Ang langis ay mayroong kemikal na mapanganib at maaaring makaapekto sa kalusugan ng tao at hayop. Nakapipinsala ito sa mga pinagkukunan ng tubig at maging sa pagkaing-dagat,” aniya.

Ayon kay Garcia, ang oil spill ay maaaring magdulot ng hindi magandang epekto sa kalusugan sa pamamagitan ng paglanghap, pagdikit sa balat, at pagkain.

Kung nalanghap ng isang tao ang langis, maaari itong magdulot ng pagduduwal, pag-ubo, pagtaas ng presyon, hirap sa paghinga, sakit ng ulo, iregular na tibok ng puso, sakit ng lalamunan, pangangati ng mata, at hirap sa pag-concentrate.

Samantala, kung ang langis ay nadikit sa balat, maaari itong magdulot ng pangangati, pamamaltos, pagkasunog, pamamalat, at dermatitis.

Kung nakakain naman ng mga lamang-dagat mula sa lugar na apektado ng oil spill o nakainom ng tubig mula dito, maaaring makaranas ng pagduduwal, pagtatae, pananakit ng tiyan, pagkairita, pagkawalan ng malay, at pag-ubo.

Giit ni Garcia, mahalaga na kahit ano pa man ang sintomas na maranasan ng mga taong na-expose sa oil spill ay agad na magpatingin sa pinakamalapit na health center o ospital.

Samantala, upang matiyak ng mga residente ang kanilang kaligtasan habang at pagkatapos ng oil spill, binigyang-diin ng DoH ang mga hakbang na dapat gawin.

Una, kung nadikitan ng langis o tar ball sa balat, hugasan ito agad ng banayad na tubig at sabon. Pangalawa, huwag hayaang pumunta ang mga alagang hayop sa mga lugar na kontaminado ng langis.

Pangatlo, siguraduhing maitatapon sa maayos at tamang pamamaraan ang mga basura, debris, at mga tira-tirang bagay na apektado ng oil spill. At panghuli, hugasan ang mga damit na may langis sa karaniwang paraan, at iwasang gumamit ng mga matatapang na detergent, solvents o iba pang kemikal.

Bukod dito, ibinahagi rin ng DoH ang mga ipinagbabawal gawin tulad ng paglangoy sa mga lugar na apektado ng oil spill; pagdikit sa sediment, buhangin, lupa o mga bagay na kontaminado ng langis; at paggamit ng tubig na kontaminado ng langis para sa pagkonsumo ng tao o hayop.

Gayundin ay kinakailangang iwasan muna ang pagkain ng mga isda, molusko at iba pang pagkaing-dagat na nahuli sa lugar na malapit sa oil spill, at ang pagsusunog ng mga labi tulad ng maruming basura o driftwood na kontaminado ng langis.

Tiniyak naman ni Garcia na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay masusing nakikipag-ugnayan sa isa’t isa upang maiwasan at mabawasan ang mga komplikasyon dulot ng oil spill.

Para sa mga katanungan o agarang medikal na tugon, maaaring magpunta sa pinakamalapit na Poison Control Center o makipag-ugnayan sa hotline ng JBLMGH na 0923-411-7107 o (045) 409-6688.

Maaari ding tumawag sa Bataan General Hospital and Medical Center sa 0919-386-7335 o (047) 237-9771, o sa East Avenue Medical Center na may numerong 0923-271-1183 o (02) 8928-0611. (CLJD/MAECR, PIA Region 3-Nueva Ecija)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -