NANINIWALA si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na palalakasin ng Archipelagic Sea Lanes Law ang territorial integrity at seguridad ng bansa. Niratipikahan ng Senado ang panukala kahapon matapos itong ipasa ng bicameral panel ng Senado at Kamara.
Ayon kay Tolentino, panel chair at may akda ng Senate version ng panukala, pormal na isusumite ang Archipelagic Sea Lanes Law, kasama ang kaugnay nitong Philippine Maritime Zones Law sa Malacañang sa susunod na linggo.
“Patitibayin ng dalawang panukala ang ating territorial claim at jurisdiction sa mga karagatan na nakapaligid sa ating arkipelago alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Seas (Unclos), at iba pang international laws,” paliwanag nya.
Dagdag ng senador, itinatalaga ng Archipelagic Sea Lanes Law ang archipelagic sea lanes ng bansa at ang pagdaan ng mga banyagang sasakyang pandagat at panghimpapawid. Samantala, dinideklara ng Maritime Zones Law ang poder at mga karapatan ng bansa sa nasasakupan nitong maritime zones.
Matapos lagdaan ng Pangulo, isusumite ang dalawang batas sa International Maritime Organization (IMO), na sya namang magbibigay alam sa mg kasapi nitong bansa ukol sa mga bagong lehislasyon.
“Mahigpit ang mga mekanismo ng IMO. Kung hindi sila susunod, pwedeng hindi natin sila padaanin sa ilalim ng panukalang ito,” pagtatapos ng senador.