25 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 7, 2024

P4.3M financial grant, ipinamahagi ng DA sa 2 kooperatiba sa Oriental Mindoro

- Advertisement -
- Advertisement -

UMABOT sa P4.3 milyon na halaga ng  Enhanced Kadiwa Financial Grant ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Division (AMAD) sa dalawang kooperatiba mula sa mga bayan ng Pola at Bansud sa probinsya ng Oriental Mindoro.

Ayon sa social media post ng DA, kanilang iniabot ang P1.3 milyon at isang service vehicle sa Matulatula Agrarian Reform Community Cooperative (MARCCO) bilang dagdag puhunan para sa paggawa ng iba’t ibang uri ng produkto mula sa kalamansi at sasakyan na kanilang magagamit sa pagkuha ng mga kalamansi at sa paghahatid ng mga natapos na produkto sa merkado.

Sinabi ni Modesto Landicho, chairman ng MARCCO, na “Gusto kong makita ang aming mga kasaping magsasaka na umangat ang kabuhayan gayundin ang aming kooperatiba sa pamamagitan ng tulong ng Kadiwa at ito ay aming payayabungin hanggang sa mapakinabangan pa sa mga susunod na henerasyon.”

Samantala, tumanggap naman ang Bansud Livestock Multi-purpose Cooperative (BLMC) ng P3 milyon, mga manok at isang delivery truck mula sa DA.

Ayon sa chairman ng BLMC na si Reynaldo Matining, “Taos puso naming tinatanggap ang proyekto ng Kadiwa at asahan ninyo na ito ang magiging daan upang ang mga produkto ng magsasaka ay maipaabot sa mga mamimili sa murang halaga at palaging mayroon anumang oras.”

Ang Kadiwa ay isang programa ng Department of Agriculture na naglalayong patatagin ang farm-to-market supply chain sa pamamagitan ng direktang pag-uugnay sa mga lokal na gumagawa ng produkto patungo sa mga mamimili. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -