26.1 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Pagsungkit sa Palanca: Bakit walang ‘amateur division’ at ‘professional division’ sa Palanca awards?

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikaapat sa serye tungkol sa Palanca Awards)

MASASABING ang Palanca Award na nga ang pinakaprestiyosong patimpalak pampanitikan ng bansa. Itinuturing itong ‘Pulitzer Prize’ ng Pilipinas. Ito ang sinasabing ‘Oscars’ ng panitikan sa Pilipinas. Kahit ang mga pinagpipitagan nating manunulat, buhay man o namayapa na, ay nagwagi na rin ng Palanca. Kabilang dito si Nick Joaquin na hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at Ramon Magsaysay Awardee para sa Literatura at Journalism. Tatlong ulit siyang nagwagi ng Unang Gantimpala sa kategoryang ‘short story’ (English division). Ang iba pa nating National Artists sa larangan ng Panitikan ay kinilala rin ng Palanca noong sila’y mas bata pa, kagaya nina Virgilio Almario, F. Sionil Jose, Bienvenido Lumbera, Edith Tiempo, NVM Gonzales, Resil Mojares, Gemino Abad, at Ricky Lee.

Ang Palanca Awards ay inihahalintulad sa Pulitzer Prize ng Amerika

Marami pang manunulat na tinitingala natin ang kinilala na ng Palanca ang kani-kanilang akda. Ilan dito ay sina Liwayway Arceo, Rogelio Sicat, Lualhati Bautista, Genoveva Edroza-Matute, Jun Cruz Reyes, Efren Abueg, Cristina Pantoja-Hidalgo, Marjorie Evasco, Jose ‘Butch’ Dalisay, Alfred ‘Krip’ Yuson, Leoncio Deriada, Reynaldo Duque, Gregorio Brillantes, Rene Villanueva, Ed Maranan, Ricky De Ungria, Malou Jacob, Lilia Quindoza-Santiago, Fanny Garcia, at marami pang iba. Sa ating kolektibong gunita ay pambansa silang lahat sapagkat ang mga akda nila ay ating binasa, pinag-aralan, minahal, at itinangi.

Pinarangalan ng Palanca Awards si Sylvia Palanca-Quirino (nasa gitna) na naglingkod bilang direktor-heneral ng Carlos Palanca Foundation sa loob ng maraming taon. Kasama niya sa larawan sina Carlos Palanca IV (presidente ng CPF) at Dang Cecilio-Palanca

Naniniwala ako na bawat manunulat, sa anumang yugto ng buhay nila, ay nangangarap ding makasungkit ng Palanca. “Kahit third prize lang, okay na ko,” gayon ang narinig kong sinabi minsan ng isang manunulat.  Sa dami nga naman ng akdang inilalahok sa bawat kategorya ng Palanca – minsa’y umaabot pa ng higit sa isandaan depende sa kategorya – ang makapuwesto lamang sa ‘third prize’ ay isa nang biyaya. Labis na ang dulot nitong tuwa sa isang manunulat.

Kasama ng may akda, Dr. Luis Gatmaitan, sina Chanda Romero, Nemie Bermejo, at National Artist Ricky Lee, sa 2022 Palanca Awards night

Minsan, nakausap ko ang Ilokanong manunulat na si Reynaldo Duque (+), Palanca Hall of Fame awardee at dating patnugot ng Liwayway Magasin.  Tinanong ko siya kung bakit walang amateur division ang Palanca. Napansin ko kasing magkahalong sumasali ang mga propesyunal na manunulat  at mga baguhan pa lang sa isang partikular na kategorya. Parang unfair, sabi ko. Bakit labo-labo?  Dapat kako’y magkahiwalay ang dalawang dibisyon. Kumbaga sa boxing, nakabukod dapat ang ‘amateur division’ sa ‘professional division.’ Ano kako ang laban ng amateur writer sa professional/veteran writer? Naitanong ko ito nang panahong bago pa lamang akong sumasali sa Palanca.


Taon-taon, mas nakahihigit ang first time winners sa Palanca Awards. Kasama ng mga officers ng Palanca Awards ang mga awardees sa iba’t ibang kategorya.

Nagulat ako sa kanyang naging tugon. Sa halip na ako’y kanyang kampihan, ang sabi niya’y ganito: ‘Sa tingin ko, mas mabuti ‘yung ganu’n. Baguhan man at beteranong manunulat ay pantay lang ang tsansang manalo sa Palanca.” Hindi ako makapaniwala sa kanyang sinabi. “Ano’ng silbi nang nanalo ka nga pero sa amateur division naman?” dugtong pa niya. “Di ba’t mas maganda, kung tutuusin, na ang napili ng mga hurado ay ang entry ng isang baguhan kaysa sa mga beterano na sa pagsusulat? Mas malaking karangalan ‘yun para sa isang baguhang manunulat!” pagbabahagi niya. “Maniwala ka, maraming baguhang manunulat na ang tumalo sa mga batikang manunulat diyan sa Palanca!”

Si Reynaldo Duque (+), Palanca Hall of Fame awardee at dating patnugot ng Liwayway Magasin

Sa paglipas ng mga taon na ako’y sumasali sa Palanca, napatunayan kong may katotohanan ang mga tinuran ni Rey Duque. Taon-taon, sa tuwing nag-uulat si Sylvia Palanca-Quirino,  dating direktor-heneral ng Palanca Awards Foundation, tungkol sa resulta ng katatapos na contest (na ngayo’y ginagampanan ni Dang Cecilio-Palanca bilang representative ng Palanca family, napapansin kong mas nakahihigit nga ang first time winners sa Palanca. Higit sa 50% ng mga nagwawagi ay kadalasang first time winners! Ibig sabihin, mas madalas na lumulutang ang akda ng mga baguhang manunulat kumpara sa mga beteranong manunulat. At ito’y dapat nating ipagdiwang! Ibig sabihin nito, buhay ang panitikan!

Ang minimithing Palanca Gold medallion na ipinagkakaloob sa mga nagwagi ng Unang Gantimpala sa ano mang kategorya ng Palanca Awards

Ano ba ang mayroon sa akdang isinali ng isang baguhang manunulat? Bakit minsa’y mas napapansin ito kaysa sa lahok ng mga beterano na sa pagsali ng Palanca? Sa palagay ko, maaaring ang pagiging ‘raw’ ng isang akda ang nagiging bentahe. May nagsasabing masyado na raw kasing ‘aral’ ang entry ng ilang manunulat (dahil sadyang aral ito sa sari-saring literary theories). Siguro’y ang isang factor na hinahanap ng mga hurado sa isang akda o sa taong nasa likod ng akda ay ang sinasabing ‘rawness’ nito.

Nang manalo ng First Prize sa Essay ang broadcast journalist na si Atom Araullo

Ano ba ang nais tukuyin nang pagiging ‘raw’ sa paraan ng pagsusulat? Yung sinasabing ‘raw’ ay ang klase ng panulat na matapat, unfiltered, at hindi takot na ipakitang vulnerable ang manunulat. Mas nakapokus ito sa pagiging direkta at makatotohanan (authentic) ng piyesa kaysa sa pagpapakinis ng mga elementong kaakibat nang pagsulat. Kumbaga, hindi ito nagpapa-impress. Kapag sinabing ‘raw’, ang estilo ng pagsusulat ay simple at tagos sa puso ng babasa. Maaaring masabing kulang sa kinis o di gaanong polished ang piyesa pero bumabawi naman ito sa taglay nitong emotional impact sa mga mambabasa.

- Advertisement -

Sa madaling sabi, ang sinasabing ‘raw’ sa panulat ay mas yumayakap sa estilong mas direkta, mas tapat, at mas may hatid na impact! Umiiwas ito sa tradisyunal na prosa na waring napaka-perpekto at napakakinis. Hindi masamang bagay kapag sinabing ‘raw’ ang ating panulat. Huwag itong ipagdamdam. Baka ito pa nga ang maging lamang ng isang baguhang manunulat sa pagsali niya sa Palanca.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -