28.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 20, 2026

Lacson umaasang may mananagot sa kinurakot na flood control projects sa ‘logical conclusion’

- Advertisement -
- Advertisement -

BUNSOD ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng paglulunsad ng “Sumbong sa Pangulo” website, nakilahok na sa wakas ang sambayanan laban sa mga palpak at guniguning flood control projects — ngunit  may nakabitin pang huling pagsubok, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo.

Ayon kay Lacson, ang huling pagsubok na ito ay nasa katiyakan ng pagpaparusa: ang makasuhan, mahatulan at makulong ang lahat ng sangkot, lalo na ang mga tinaguriang “malalaking tao.”

“It took the 4th SONA of the President, followed by the launching of (the) sumbongsapangulo.ph website to get the nation involved in monitoring and reporting substandard and ghost flood control projects all over the country. The final test lies in the ‘logical conclusion,'” ani Lacson sa isang post sa X.

Binigyang-diin ni Lacson sa mga panayam nitong weekend na kung walang katiyakan ng pagpaparusa, magpapatuloy ang korapsyon, kasabay ng patuloy na pagkasayang ng buwis ng taumbayan at pagkawala ng mga buhay.

“Sana may malalaking tao na makasuhan, ma-prosecute, ma-convict, at makulong para nang sa ganoon huwag nang pamarisan. Ang tinatawag kong maski nasa law enforcement pa ako, ang certainty of punishment, ang accountability. Pag walang makitang accountability o certainty of punishment, mawiwili ang dating gumagawa at ma-eencourage ang di dati gumagawa,” aniya.

Sa kanyang SONA noong Hulyo 28, ipinahayag ng Pangulo ang pagkadismaya sa mga palpak at guniguning flood control projects na hindi lamang sumasayang ng trilyong piso mula sa buwis ng mamamayan, kundi kumikitil din ng buhay at sumisira ng kabuhayan at ari-arian.

Noong Agosto 20, idinetalye ni Lacson sa isang privilege speech ang lawak ng korapsyon sa likod ng mga palpak at guniguning flood control projects.

Binigyang-diin din ni Lacson na mahigit P1.9 trilyon ang inilaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) lamang para sa mga flood control projects mula pa noong 2011, subalit bigo pa rin itong maresolba ang problema ng pagbaha. Dagdag pa niya, posibleng hindi bababa sa kalahati ng P1.9 trilyon ang nawaldas dahil sa korapsyon.

Bagama’t ikinatuwa ni Lacson na nakikilahok na ang publiko sa pagmamanman at pagrereport ng mga kuwestyonableng flood control projects sa pamamagitan ng “Sumbong sa Pangulo” website, iginiit niya na dapat itong palawakin upang masaklaw ang lahat ng infrastructure projects.

Basahin din sa: https://pinglacson.net/2025/08/24/lacson-final-test-of-action-by-an-awakened-nation-vs-corrupted-flood-control-projects-lies-in-logical-conclusion/

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -