30.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 20, 2026

Villar Land, tinatapos na ang 2024 financial statement gamit ang cost basis, burado ang P1.3 trilyong kita base sa fair value

- Advertisement -
- Advertisement -

PINATAWAN ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Villar Land Holdings Corp. pati ang mga direktor at opisyales nito ng kabuuang P12 milyon dahil sa hindi nito pagsusumite ng 2024 annual report at first quarter 2025 report sa itinakdang araw, at dahil sa paglalabas ng mga disclosure na maaaring magligaw sa mga mamumuhunan.

Sa kautusan ng Markets and Securities Regulation Department (MSRD) ng SEC na may petsang Agosto 18, 2025,  inihayag nito ang pagpataw ng tig-iisang milyon sa kompanya at sa bawat kasapi ng board at mga opisyales.

Mandato ng SEC

Isang ahensya ng gobyerno ang SEC na may layuning pangalagaan ang interes ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng pagtitiyak na malinaw at mabuti ang pagpapatakbo ng mga kompanya at market professionals.

Layunin din nito na panatilihin ang integridad ng securities market sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga batas laban sa pandaraya, manipulasyon at iba pang ilegal na aktibidad.


Pinamamahalaan rin ng SEC ang mga aktibidad ng mga korporasyon at pamumuhunan, nag-aapruba ng rehistro ng securities at sumusubaybay sa mga kalahok sa merkado.

Gumagawa rin ito ng mga polisiya at regulasyon upang bigyang-linaw o ipatupad ang mga batas pang securities na ipinasa ng Kongreso.

Kabilang sa mandato nito ang pag-iimbestiga sa mga paglabag sa securities law at magdemanda kung kinakailangan sa mga indibidwal o kompanyang may kinalaman sa mga ilegal na gawain.

Magmulta na lang

- Advertisement -

Kung tutuusin, maaari ngang suspendihin ng SEC ang permit ng Villar Land ngunit mandato rin nito na pangalagaan ang interes ng mga mamuhunan.

Sabi ng SEC sa halip na suspendihin ang registration statement ng kompanya at permit na mag-alok ng securities, magmulta na lamang ang kompanya at ang 11 opisyales nito.

Bukod pa sa tig-iisang milyong piso ang kompanya at bawat direktor at opisyales nito, may dagdag pang P2,000 kada araw na multa simula Hulyo 1, 2025 hangga’t di naisusumite ng kompanya ang mga kinakailangang report sa SEC.

Dalawang beses na binigyan ng palugit

Una sa lahat, mandatory at non-negotiable ang pagsusumite sa tamang oras ng annual at quarterly report, ayon sa SEC. Sa kabila nito, dalawang beses nang binigyan ng palugit ang Villar Land. Mula sa orihinal na petsa ng pagsusumite nito noong Abril 15, 2025, pinagbigyan ito hanngang Abril 30 na naging Hunyo 30, subalit hindi pa rin nakapagsumite ang kompanya.

Hiniling ng Villar Land na maisumite ito hanggang katapusan ng Agosto ngunit hindi na ito pinagbigyan ng SEC.

- Advertisement -

Mga opisyales ng Villar Land na pinagmumulta

Kabilang sa 11 opisyales ng kompanya na pinagmumulta ng SEC sina Manuel Villar Jr., chairman; Cynthia Javarez, pangulo; Manuel Paolo Villar, Camille Villar, at Mark Villar, mga direktor; Ana Marie Pagsibigan at Garth Castañeda, mga independent directors; Estrellita Tan, chief financial officer at ingat-yaman; Gemma Santos, corporate secretary; Ma. Nalen Rosero, assistant corporate secretary; at Kate Cator, compliance officer.

Ayon sa SEC, walang dahilan para maantala ang pagsusumite ng kompanya dahil inaasahan na ang audit at valuation issues na sinasabi ng Punongbayan & Araullo, mga external auditor ng Villar Land,  kaugnay ng pagbili ng Villar Land sa Althorp Land Holdings Inc., Chalgrove Properties Inc., at Los Valores Corp. nitong bandang huli ng 2024 bilang bahagi ng property development ng Villar City.

Di totoong pahayag?

Bagama’t wala pang opisyal na 2024 financial report ang kompanya na isinumite sa SEC, nakapagtataka na noong Marso 28, 2025 nag-file ang Villar Land ng Form 17-C kung saan sinasabi nitong inaprubahan ng board nito ang paglabas ng 2024 financial statement ng kompanya na nagpapakita ng P1.33 trilyong fair value gains sa investment properties at total assets na nagkakahalaga ng P1.37 trilyon para sa taong 2024.

Mali (misleading) ito ayon sa SEC dahil kalaunan inamin ng kompanya na hindi pa kumpleto ang awdit at nirerebisa pa ang valuations nito.

Matapos ang disclosure na ito, binigyang-diin ng SEC, na lumipad ang trading turnover ng Villar Land kung saan nag-a-average ito araw-araw ng P2.11 milyon mula Marso 25 hanggang 31, kumpara sa P218,000 lamang sa mga unang araw ng buwan.

Iba pang nilabag

Ayon sa kautusan ng SEC, ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita ng paglabag sa section 54.1 ng Securities Regulation Code dahil sa paglikha ng ‘untrue statements of material fact,’gayundin ng Section 26.3 ng SRC dahil sa panlilinlang o pandaraya.

Maaari ring papanagutin ang Villar Land at mga opisyales nito dahil sa paglabag sa Financial Products and Services Consumer Protection Act dahil sa pagkabigo nitong magbigay ng tama at pare-parehong disclosures, at gayundin sa Revised Corporation Code dahil sa gross negligence o bad faith sa pamamahala ng corporate affairs nito.

Wala nang extension

Hindi na pinagbigyan ng SEC ang kahilingan ng Villar Land na panibagong ekstensyon na hanggang Agosto 31, 2025 upang maisumite nito ang mga report. Sa halip, binigyan ng SEC  ng hanggang 10 araw ang mga opisyales nito na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga dagdag na paglabag.

Pahayag ng Villar Land

Naging oportunidad naman para sa Villar Land ang naging kautusan ng SEC upang ipaliwanag ang panig nito kung bakit naaantala ang kanilang pagsusumite.

Ayon sa pahayag nito, hindi ayaw pirmahan ng external auditor nito ang 2024 Audited Financial Statement ng kompanya kundi dahil sa ibat ibang kahilingan ng auditor nito na magsagawa ng karagdagang audit procedures upang rebisahin ang halaga ng mga ari-ariang nabili ng Villar Land na nasa Villar City.

Naniniwala ang Villar Land na dapat fair value ang isaad sa financial statement nito subalit upang mapadali nirekomenda nito sa external auditor nito na gamitin ang cost basis sa pagtatala ng mga naturang ari-arian.

Ayon sa isang ulat, pumayag na umano ang Villar Land na itala sa P8.6 bilyon ang halaga ng 366.3 ektaryang Villar City, na mataas ng kaunti sa pagkakabili nito sa halagang P5.2 bilyon noong Setyembre 2024.

Dahil dito, lalabas na kumita lamang ang kompanya ng P3.4 bilyon sa mga lupang ito halip na mahigit P1.3 trilyon na nauna nitong inihayag.

Gamit ang cost basis sa pag-aawdit, nasa P2,356 kada metro kwadrado lamang ang halaga ng lote sa Villar City samantalang kung fair value ang pag-uusapan, umaabot na ang halaga nito sa P365,700 kada metro kwadrado.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -