ANG konsepto ng kaunlaran ay masalimuot, kontrobersyal at kinapapalooban ng maraming elemento kagaya ng istruktural na transpormasyon, panlipunang katarungan, demokratisasyon, likas-kayang pamamahala ng rekurso, kultural na integridad, pangkomunidad na oryentasyon, pangkasariang konsiderasyon at iba pa. Bilang isang proseso, ang kaunlaran ay tumutukoy rin sa tambalan at talaban ng teorya at praktika. Mula sa kritikal na pananaw at paninindigan, ang mga sumusunod ay ilang gabay at paalala sa pagsusulong ng kaunlaran sa konteksto ng kasaysayan at kasalukuyang kalagayan ng bansa.
- Ilapat ang modelong pangkaunlaran sa konteksto ng lipunan kung saan ito ipapatupad.
- Iwasan ang pagsandig sa false paradigm model na ayon sa ekonomistang si Michael Todaro ay ang sapilitang paglalapat ng mga dayuhang pilosopiya, lohika at balangkas ng kaunlaran na hindi angkop sa katutubo o lokal na konteksto.
- Tandaan na ang paglalapat ng teorya sa praktika ay dapat nakapook. Isaisip at isapuso na konteksto ang nagdudugtong sa teorya at praktika.
- Langkapan ng malakas na pangkomunidad na oryentasyon ang mga patakaran, proyekto at programang pangkaunlaran. Ang komunidad ay sentral at hindi periperal na elemento sa praksis ng pag-unlad.
- Aralin ang kasaysayang pangkaunlaran (development history) ng bansa upang maunawaan ang batayan ng umiiral na sitwasyon, sistema at istruktura ng lipunan.
- Gawing demokratiko ang proseso ng konsultasyon gamit ang wikang nauunawaan ng batayang sektor. Kasama rito ang pagsusulat ng batas at jurisprudence sa iba’t ibang wika upang maging aktibo ang pakikipagtalastasan at partisipasyon ng mga mamamayan.
- Isama ang batayang sektor sa buong proseso ng pagsusulong ng kaunlaran mula pagpaplano hanggang pagdedesisyon, pagpapatupad, pagsubaybay at ebalwasyon.
- Matuto mula sa masa na may mayamang karanasan at malalim na balon ng kontekstuwalisadong karunungan (situated knowledge).
- Tiyaking may malakas ng intersektoral, interpropesyonal at interdisiplinal na katangian ang pagpaplanong pangkaunlaran (development planning).
- Ikonsidera ang natatanging heograpiya ng bansa upang matiyak ang transboundary na dulog sa kaunlaran.
- Ibatay ang pagbalangkas ng batas at patakaran sa demokratikong konsultasyon, kritikal na pagsasakasaysayan at siyentipikong pananaliksik.
- Humalaw ng aral, inspirasyon at pakinabang mula sa lokal at pambansang kasaysayan.
- Matuto rin mula sa kasaysayan at karanasan ng mga bansang kakonteksto at kahanay ng Pilipinas. Ginagamitan dapat ito ng kritikal na komparatibong dulog.
- Siyasatin at bigyang-kahulugan ang mga usaping pangkaunlaran alinsunod sa iba’t iba at salimbayang dimensyon at larangan (pangkabuhayan, pangkalikasan, heograpikal, pangkalusugan, politikal, administratibo, ligal, kultural, sikolohikal, komunikasyonal at etikal).
- Isulong ang soberanyang pang-agrikultura (agricultural sovereignty) ng bansa na dapat nagsisilbi sa kapakanan ng mga masang prodyuser at batayang konsyumer.
- Depensahan ang pangisdaan at teritoryo ng mga masa at munisipal na namamalakaya mula sa pananamantala ng dayuhan at lokal na naghaharing uri.
- Tugunan ang umiiral na resource divide, income divide, education divide, infrastructural divide, technological divide at digital divide sa lipunan.
- Isulong ang repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon upang malansag ang kontrol ng dayuhan at lokal na naghaharing-uri sa ekonomiya ng bansa.
- Ituring ang kalusugan, edukasyon, pabahay, patubig, akses sa kuryente at maging internet bilang karapatang pantao.
- Tugunan ang ugat ng pagiging atrasado ng ekonomiya at hindi lamang ang mga sintomas nito.
- Lumikha ng kondisyon na magpapayabong sa lokal na empleyo upang mas may malawak na opsyon ang mga mamamayan sa halip na mandarayuhan sa labas ng bansa.
- Idesentralisa ang kaunlaran upang kapwa makinabang ang mga mamamayan sa kanayunan.
- Hamunin ang Luzon-centric, NCR-centric at urban-centric na modelo ng kaunlaran.
- Tandaan na ang mga problemang metropolitan kagaya ng polusyon at ‘carmageddon’ ay nangangailangan din ng mga solusyon sa metropolitan at istruktural na proporsyon.
- Lansagin ang dinastiyang politikal na itinuturing ang kapangyarihan at posisyon na mistulang pagmamay-aring minama-mana ng mga kaanak sa kasalukuyan at kasunod na henerasyon.
- Tandaan na walang puwang ang dinastiyang politikal sa modernong demokrasya.
- Bumalangkas ng badyet na tunay na nagsisilbi sa interes ng mga mamamayan.
- Palakasin ang sistema ng pagpapanagot sa responsableng paggamit at pagpapaunlad ng rekurso ng bansa.
- Ituring ang prayoritisasyon sa batayang serbisyong panlipunan bilang moral na tungkulin.
- Ibigay sa mga mamamayan ang nararapat para sa kanila at iwaksi ang pag-iisip na ang serbisyo publiko (o ayuda) ay dapat nila ituring na utang na loob sa mga nasa poder.
- Palakasin ang sistema ng checks and balances sa pamahalaan upang pigilan ang sabwatan ng power elite.
- Lansagin ang istruktura ng korupsyon. Gawin itong high risk at low reward sa halip na high reward at low risk.
- Bantayan mabuti ang mga big ticket infrastructure project upang hindi pagsamantalahan ng mga kawatan sa publiko at pribadong sektor.
- Pag-igtingin ang kultura ng pananagutan, pagpapanaig ng batas (rule of law) at tamang kaparaanan ng batas (due process) sa pamamahala at pamunuan.
- Ireporma ang mga batas sa parehong substantive at procedural dimension.
- Palakasin ang proteksyon sa lakas-paggawa at kalikasan upang hindi pagsamantalahan ng lokal at dayuhang negosyo.
- Idemokratisa ang akses sa pautang at lansagin ang mga loan shark na nagsasamantala sa bulnerabilidad ng iba.
- Palakasin ang diskurso at talastasan ukol sa pambasang kaunlaran sa antas ng pamilya, paaralan, organisasyon, midya at komunidad.
- Ituring ang pagpili ng pamunuan bilang isang moral na pananagutan.
- Gamitin ang eleksyon bilang pagkakataon upang “maglinis ng dumi” sa lahat ng antas ng pamunuan.
- Ilantad at hamunin ang mga pekeng party-list na sa katotohanan ay nagsisilbi lamang sa interes ng mga naghaharing-uri.
- Humalaw ng mga angkop na solusyon at istratehiya mula sa katutubong kaalaman, sistema at praktika (indigenous knowledge systems and practices).
- Depensahan ang mga katutubong lupain ng pambansang minorya (indigenous people) at igiit ang kanilang karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya (right to ancestral land and self-determination).
- Tukuyin at imapa ang bunerabilidad ng mga komunidad at mamamayan sa kalamidad.
- Palakasin ang sistema ng reintegrasyon sa lipunan ng mga biktima ng krimen at kalamidad (at maging ng mga nagbabalik na OFW at mga lumaya sa piitan).
- Ugatin ang puno’t dulo ng armadong pakikibaka upang matugunan ito bilang usaping pangkaunlaran at pangkapayapaan.
- Unawain ang ugnayan ng mga problemang lokal, pambansa at pandaigdigan.
- Ilantad at hamunin ang dayuhang interes na kumokontrol sa pagdedesisyon, pagsasabatas, pamamahala, pagpapatupad at pamumuhunan sa bansa.
- Palaganapin ang development studies, development management at development communication sa kurikula at sistema ng edukasyon.
- Paunlarin din ang critical medical humanities, critical environmental humanities at critical transportation humanities upang maitampok ang naratibo lalo na yaong mula sa ibaba.
- Bigyang puwang at oportunidad ang mga may kapansanan na umunlad sa kani-kanilang piniling larangan.
- Tiyakin ang pagiging gender-responsive, gender-inclusive at gender-transformative ng mga patakarang pangkaunlaran.
- Palakasin ang critical media literacy upang mailantad ang mga arkitektura ng disimpormasyon na humahadlang sa pag-unlad ng mapanuring kamalayan.
- Paunlarin ang kulturang bayan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga lokal na panitikan, sining, pagdiriwang, aklatan at museo.
Bilang pagbubuo(d), mahalagang tandaan na ang kaunlaran ay dapat mayroong demokratikong katangian. Hindi ito matatawag na ganap kung iilan lamang ang nagbabalangkas, nagtatakda at nakikinabang. Tulad ng nais ipahiwatig ng etimolohiya nito na desveloper na ang salin sa wikang Ingles ay “unwrap,” “unveil” at “unfurl,” ang pag-unlad ay proseso ng pagbabago, paglaya at pagyabong ng lahat at para sa lahat.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

