32.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

Balikong ulat Kano sa Unclos at PCA

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
HINDI totoo, kaya di dapat palampasin na walang pantuwid na kontra banat: ang sustenidong propaganda ng Amerika na nagwagi ang Pilipinas sa kasong arbitration nito laban sa China at samakatwid tinitindigan ng arbitration ang posisyon ng Pilipinas na sa kanya ang mga inaangking katubigan, kalupaan at mga likas na yaman ng inaangking West Philippine Sea.
Popular na katwiran, ang mga yaman ng karagatan sa dakong iyun ay pasok sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na 200 nautical miles mula sa baybayin.
Iyan ay kung susundin ang letra ng Unclos. Pero ang siste mo ay ito. Ang Eleven Dash Line ng China ay minarkaham na sa mapa noon pang 1947, samantalang ang Unclos ay napagtibay noong 1994 lamang.
Isa pa, ang probisyon ng Unclos hinggil sa EEZ ay ito: na hindi nito binabago ang anumang kalakaran na naroroon na bago pa magkabisa ang Unclos.
Halos magkalahating siglong naroroon na ang Eleven Dash Line ng China bago pa mabuhay ang Unclos.
Magkaganun man, pumirma ang China sa Unclos. Samakatwid tinatanggap niya ang anumang desisyon nito.
Dapat.
Bakit tumatanggi siyang kilalanin ang kapasyahan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na sa pangangalandakan ng Amerika ay pinagwagian ng Pilipinas?
Una muna, sa simula pa lang ay illegal na ang arbitral proceedings na iyun. Di ba nga at tumangging lumahok doon ang China.
Ang arbitration ay isang sapilitang proseso na dapat daanan ng mga kasapi ng Unclos  na hindi magkasundo.
Dito nangangailangan ng masusing paglilinaw, lalo’t higit ang publiko na madaling linlangin ng propaganda ng Amerika.
Wagi ba ang Pilipinas sa arbitration?
Hindi.
Sa una pa lang nilinaw mismo ng Pilipinas na hindi nito habol na magpasya ang PCA sa usapin ng soberaniya o kung sino ang may-ari ng alin. Gusto lang ng Pilipinas na klaruhin ang mga hangganan ng kanyang exclusive economic zone at iba pang teknikal na usapin tulad ng continental shelf at low tide elevation.
Nangyari na sa paglilinaw sa mga usaping ito, hindi maiiwasang masagasaan ang eleven  dash line ng China – na sa kaduluduluhan ay ideneklara ng PCA na illegal.
Iyun ang pinanghawakan ng Pilipinas sa pagbandilyo sa sarili na nagwagi laban sa China.
At pangunahin iyun sa mga sinasangkalang dahilan ng Amerika na wagi ang Pilipinas sa arbitration.
Sumunod sa paboritong piyesang pampropaganda ng Amerika kaugnay ng paksa ay ang di-paglahok ng China sa arbitration proceedings.
Dahil nga naman sapilitan (malayang salin ng English na “compulsory”) lumilitaw na obligado ang China na pumaloob dito sa sandaling sampahan siya ng reklamo ng Pilipinas. Subalit ang tunay  na alituntunin dito ay, “pwera na lamang kung ang kaso ay pumailalim na sa pagpapasya ng may awtoridad na humusga rito.”
Sa kaso ng Pilipinas at China, ang kanilang hidwaan ay napasailalim na sa pagdinig ng Declaration of Conduct of Parties in the South China Sea o DOC, na nagsasabing ang paglutas sa mga hidwaan sa South China Sea ay pagpapasyahan ng kanilang mga sarili lamang, walang nakikialam na dayuhang poder.
Sa simula pa lang, dapat pigil na ng DOC ang anumang pakikialam ng Unclos sa hidwaan ng Pilipinas at China sa karagatan ng West Philippine Sea.
Sa simula pa lang, walang hurisdiksyon ang Unclos sa kaso.
Sa palasak na termino void ab initio.
Sa termino ng mga ekspertong ligal na nagsagawa ng kritikal na pag-aaral sa desisyon ng  PCA, ultra vires, desisyong gawa ng walang awtoridad na gumawa nito.
Subalit ke sehudang ganun. Tanging sa bisa ng walang humpay na propaganda dapat ipagpilitan ng Kano na wasto ang PCA, wasto ang desisyon nito at nasa tama ang Pilipinas na ipaglaban ng patayan ang West Philippine Sea.
O, anong giting umugong ang pahayag ni Bongbong simula sa kanyang inaugural hanggang sa ikalawang SONA: “Hindi ko ipamimigay ang kahit isang kwadro pulgada ng teritoryo ng Pilipinas sa kahit na sinong banyagang kapangyarihan.”
Ganon?
E, ano yung kwadro-kwadradong ektaryang mga base militar na ipinagkaloob mo gratis et amore sa Amerika sa ilalim ng EDCA?
Hindi lang libreng maaaring pagdeployan ang mga baseng iyun ng mga tropa’t pasilidad ng Kano kundi hindi rin maaaring inspeksyunin man lang ang mga tropa’t pasilidad na iyun maging ng presidente ng Pilipinas!
Masahol pa rito, bagama’t sinasabi sa kasunduang EDCA na hindi maaaring magdeploy ng mga sandatang nukleyar sa mga nasasakop na base, dahil hindi pwedeng inspeksyunin man lang ang mga baseng iyun ng mga awtoridad ng Pilipinas, walang kasiguruhang walang sandatang nukleyar ang Amerika sa mga baseng iyun.
Naglipana na nga ang mga Typhon missile launch system sa buong bansa, ano na ang kasunod nito kundi ang nuclear missile na ilulunsad.
At nito lamang kararaang mga panahon, ano ang pinirmahan ni Bongbong para sa Amerika?
Ang Agreement for Reciprocal Trade (ART). Nagkakaloob kuno sa Amerika at Pilipinas ng pantay na pakinabang sa kalakalan pero huwag ka, pagpapanibagong-sigla sa di-pantay na tratadong Parity Rights amendment sa 1935 Constitution. Sa ilalim ng tratado, may magkapantay na karapatan ang mga Amerikano at Pilipino na maglinang ng likas na yaman ng Pilipinas. Ang siste mo, may puhunan ang Amerikano, ang Pilipino ay wala. Suma total, ang paglilinang ng likas na yaman ng Pilipinas ay napunta na lahat sa Amerikano.
At sasabihin ng Kano, parity rights.
Hanggang sa kasalukuyang panahon, walang pagsidlan ang Amerika sa panlilinlang sa Pilipinas.
At walang ring sawa sa pagsunod sa pang-uuto ng Kano ang mga lider na ke sehudang mapahamak ang bayan masunod lamang ang kanilang mga luho.
Kabilang sa  pinirmahan ni Bongbong sa ART ay ang  karapatan ng mga Amerikano na linangin ang likas na yaman ng West Philippine Sea.
Sa layuning ito naka-angkla ang.bawat kilos ng Amerika sa rehiyong Asya Pasipiko. Kailangang matupad ang America’s Pacific Century, kailangang giyerahin ng Pilipinas ang China. Noon lamang maaaring makialam ang Estados Unidos at umasa na sa ganung pakikialam ay pagwagian ang higante ng Asya.
Sa ilalim.ng Mutual Defense Treaty (MDT), ituturing ng Amerika na pag-atake sa kanya ang anumang pananalakay sa Pilipinas, at vice versa.
Sa mga tagasulong sa media ng doktrinang Unclos sa sitwasyon ng Pilipinas at China sa ngayon, ang imbing layuning ito ng Amerika ang inyong itinutulak.
May panahon pa upang mag-aral, sundin ang matuwid at huwag maging kasangkapan sa pagdala  sa iyong bayan sa ultimong kapariwaraan.
Hindi tayo magpapaka-naïve na di makitang epektibong pangontra sa balakin ng Amerika ay ang plano ng China na magtatag ng Huangyan Island Nature Preserve.
Totoo, lalo lang magpapalala iyun sa tensyon sa karagatan.
Subalit, gaya ng naipunto na natin sa nakaraang piyesa, sundin ang mandato ni Mao Zedong, gawing mabuti ang masamang bagay.
Sa halip na kontrahin ang plano ng China, i-encourage pa ito, damayan ang China sa dakilang pagpupunyaging itatag ang panghabangpanahong pangangalaga sa kalikasan, hindi lamang para sa ikabubuti ng China, kundi ng Pilipinas din.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -