NAGBITIW ng pag-asa si Senador Win Gatchalian na maitataas ang pondo para sa pambansang depensa sa 2% ng Gross Domestic Product (GDP) pagsapit ng 2028, alinsunod sa pandaigdigang pamantayan ng mga bansang kasapi sa NATO.
“Hangga’t ako ang chairman ng Senate Finance Committee, sisikapin kong maabot natin ang 2% pagsapit ng 2028,” pahayag ni Gatchalian sa budget hearing ng Department of National Defense (DND) at mga attached agencies nito.
Sa kasalukuyan, nasa 1.19% ng GDP ang defense spending ng bansa, na nangangahulugang may kakulangan pang humigit-kumulang ₱190 bilyon upang maabot ang 2% na target. Binigyang-diin ni Gatchalian na kayang makamit ang layuning ito dahil sa matatag na paglago ng ekonomiya.
“Sa nakikita ko, kaya nating punan ang kakulangan. Feasible ito, lalo na kung uunahin natin ang modernisasyon ng Sandatahang Lakas at seguridad ng bansa,” dagdag pa niya.
Tinukoy naman ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na kabilang sa mga prayoridad ng DND ang pagpapalakas ng deterrence at long-range capabilities, air defense systems, at pagtatayo ng mga strategic basing infrastructure upang mas mapatatag ang pambansang depensa.
Ayon kay Teodoro, ang pagtaas ng pondo sa depensa ay nakababawas sa political risks at nagpapalakas ng tiwala ng mga mamumuhunan — isang puntong sinang-ayunan ni Gatchalian, na nagsabing ang matatag na depensa ay pundasyon ng matatag na ekonomiya.



