32.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

Legarda: Indigenous Peoples, nagsisilbing haligi ng bansa

- Advertisement -
- Advertisement -

SA selebrasyon ng Indigenous Peoples Month ngayong Oktubre, ipinagdiwang ni Senadora Loren Legarda ang malaking ambag ng Indigenous Peoples (IPs) sa kultura, pagkakakilanlan, at tradisyon ng bansa, pati na rin sa tuluy-tuloy na kaunlaran.

Infographic mula sa Facebook page ni Senator Loren Legarda

“Buhay na ang natatanging kultura at kaugalian bago pa man dumating ang mga mananakop. Hindi lamang ito karangalan, ito’y kayamanang sandigan ng bansa,” giit ni Legarda.

“Matagal na nating kinilala ang mga katutubo bilang pundasyon ng bansa. Sila ang naglatag ng maraming kaalaman at tradisyong tinatamasa natin hanggang ngayon,” dagdag pa niya.

Bilang pangunahing may-akda ng batas na nagtatag ng National Indigenous Peoples Day tuwing Agosto 9, sinabi ni Legarda na patuloy na hinaharap ng mga katutubo ang samu’t saring suliranin.

Kabilang dito ang mga isyu sa ancestral domain, matitinding bagyong dala ng climate change, at unti-unting pagkawala ng tradisyon dahil sa globalisasyon.

Iginiit ng four-term senator na hindi ganap na mabubuo ang isang bansa kung hindi kikilalanin at pag-aaralan ang kanilang mga tradisyon, at kung hindi pangangalagaan ang kanilang kabuhayan at kalusugan.

“Maraming kaalaman ang hatid sa atin ng Indigenous Peoples laban sa climate change, sa food security, at sa pangangalaga ng kalikasan dahil matagal na nilang napatunayang mabisa ang mga tradisyong ito,” ani Legarda.

“Doon natin mabubuo ang isang maunlad na kinabukasang mayaman sa kultura at ligtas kapag ipinagdiriwang at pinapahalagahan natin ang kanilang mga karapatan,” dagdag pa ng senadora.

“Hindi sila ang may pangangailangan sa atin, dahil nagmumula sa kanila ang ating pagka-Pilipino, at natutuklasan natin ito sa araw-araw, salamat sa kanilang mga naiambag.”

Maraming batas at panukala ang naisulong ni Legarda upang pagbutihin pa ang lagay ng mga IP. Kabilang dito ang National Cultural Heritage Act of 2009 at ang Cultural Mapping Law na nag-aatas sa lahat ng LGU na tukuyin at itala ang kanilang yamang kultural.

Suportado rin niya ang Schools of Living Traditions, na nagtuturo ng tradisyonal na paggawa ng mga produktong gaya ng tela.

Si Legarda rin ang pangunahing may-akda ng Philippine Tropical Fabrics Law, na nagtataguyod ng paggamit ng lokal na tela sa uniporme ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Bukod pa rito, itinampok din ang karunungan ng iba’t ibang IP sa documentary series na “Dayaw,” na ideya ni Legarda. Siya rin ang host ng naturang programa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -