TINALAKAY ni Committee on Public Services Chairperson Sen Raffy Tulfo ang trahedyang kinasangkutan ng MV Tricia Kirsten sa bahagi ng Pilas Island, Basilan noong Lunes, Enero 26 kung saan 18 ang namatay habang sampu pa ang pinaghahanap sa kasalukuyan.
Sa pagdinig ng Senate Committe on Public Services ngayong araw, Enero 28, tinanong ni Sen. Raffy ang Maritime Industry Authority (MARINA) kung bakit humantong sa ganito ang trahedya at lumalabas na hindi sila naging maagap. Sinabi niya na hindi sapat ang suspension lamang at dapat ay may managot.
Base kasi sa mga ulat, nasangkot na sa 32 maritime incidents ng Aleson shipping lines na siyang nagmamay ari ng roro vessel na MV Tricia Kirsten simula 2019, at wala man lang ni isang nakakasuhan o napapanagot.
“Ibig sabihin, ang mga barko nito ay considered bilang floating coffins. Bakit pinayagan pang pumalaot? Bakit hindi muna ni-review ang mga barko at siniguro na seaworthy?,” saad niya.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na ang pagkalas ng mga lubid na nagtatali sa mga kargamentong nakakarga sa barko ang posibleng dahilan kaya posibleng nawalan na ito ng balanse.
Ayon kay Sen. Raffy, hindi na dapat maulit ang ganitong trahedya. Dapat daw ay maglatag ng mas malakas na polisiya ang MARINA, maging ang Philippine Coast Guard (PCG) upang tiyakin na seaworthy ang mga naglalayag na mga sea vessel.
Matatandaang nagsagawa si Sen. Idol ng mga random inspection sa mga port at napansin nitong marami pang kakulangan pagdating sa usaping kaligtasan sa ating mga sasakyang pandagat, gaya ng standard life vest, x-ray machines upang matiyak na walang maipupuslit na mga kontrabando sa pantalan, K9 units, bodyworn cameras at iba pa.
Aminado naman ang MARINA na may kakulangan sa kanilang tauhan at tinatayang 10,000-12,000 daw na mga sasakyang pandagat ang kailangan nilang imonitor.
Pinasusumite ni Idol ang MARINA sa komite ng kongkretong report ng lahat mga shipping lines at mga kinasangkutan nitong maritime accident, at kung may nakasuhan na ba sa insidente.



